Hindi biro ang lokohin ng tayong iyong minamahal. Kadalasan, ang mga taong naging biktima ng nangangaliwang asawa ay nahihirapan mag move on sa nangyari.
Kung piliin mo man ang magpatawad o ang mag move on, dadaan ka sa mahabang proseso ng pag-intindi sa iyong sarili bago ka gumawa ng desisyon.
Pero, paano mo malalaman kung dapat ka magpatawad ng nangangaliwang asawa? O kung dapat mo na siyang kalimutan at ipagpatuloy ang buhay mo? Paano mo masasabing pwede pang ayusin ang inyong relasyon?
Heto ang tatlong tanong na dapat mong sagutin.
1. Posible pa bang ayusin ang inyong relasyon?
Mahalagang tanungin mo ang iyong sarili, “Maaayos pa ba ang relasyon namin?” “Posible pa bang ibalik sa dati ang aming pagsasama?”
Kung sa tingin mo ay may pag-asa pa, huwag kang padalos-dalos. Ito ay dahil ayon sa mga pag-aaral, ang mga nangangaliwang asawa ay mataas ang posibilidad na umulit sa pangangaliwa. Mas mabuting mag-isip ng mabuti bago ka magdesisyon kung makikipagbalikan ka ba o hindi.
Ayon din kay Dr. David Bedrick ng Psychology Today, dapat alamin mo kung gaano kasakit ang nangyaring pagtataksil. Ito ay dahil ikaw lang ang makakaalam kung posible pa bang ayusin ang relasyon, o sumobra na ang sakit na dulot ng iyong asawa.
2. Totoo bang nagsisisi ang iyong asawa, at handang magbago?
Importante ring malaman mo kung totoo bang nagsisisi ang iyong asawa. Sa tingin mo ba, tamang patawarin ang kaniyang ginawa, at sa tingin mo ba handa talaga siyang magbago? Ikaw ang pinakanakakakilala sa iyong partner kaya mahalagang alamin mo kung totoo ba talagang nagbago na sila.
Pero hindi naman nito ibig sabihin na agad-agad mo silang papatawarin. Kailangan mo talagang bigyan ng panahon bago ka gumawa ng desisyon.
3. Handa ka na bang magtiwala muli?
Bago ka gumawa ng desisyon, mahalagang bigyan mo ang sarili mo ng panahon na mag-isip. Dapat bang magtiwala ka sa nangangaliwang asawa, o tuldukan na ang relasyon ninyong dalawa?
Kung sakaling magpatawad ka at piniling tanggapin muli ang iyong asawa sa buhay mo, dapat handa ka rin sa posibilidad na masaktan. Talagang bahagi na ito ng pagpapatawad, at dapat kaya mong harapin ang mangyayari kung umulit sa pangangaliwa ang iyong asawa.
Hindi madali ang makipag-ayos, pero posible namang gawin ito. Kailangan lang na magkaroon ng tiwala ang mag-asawa sa isa’t-isa, at tunay na pagsisisi at pagbabago para sa asawang nagkamali.
Kailangan ring magpakatotoo, at huwag magtago ng sikreto sa isa’t-isa. Dahil ang mga ganitong bagay ay magdudulot ng mas malalaking problema paglaon.
Isinalin sa Filipino ni Alwyn Batara
Kung nais basahin ang bersyon nito sa wikang Ingles, i-click dito!