Kalunus-lunos ang nangyari sa isang 5-taong gulang na batang babae nang siya ay napatay ng kanyang yaya sa sakal sa lungsod ng General Santos. Napagbuntunan umano ng galit ang bata dahil sa away ni yaya at ng kasintahan bago mag-Valentine’s Day.
Napatay ni yaya sa sakal
Arestado ang 21-taong gulang na yaya na si Anselma Yangon nang sakalin niya ang isa sa mga anak ng kanyang amo matapos itong mabuwisit sa katigasan ng ulo ng bata. Mainit ang ulo ng yaya dahil umano sa naging tampuhan nila ng kaniyang boyfriend, isang araw bago sumapit ang Valentine’s Day.
Nang mapatay niya ang bata, itinali niya ang leeg nito at pinalabas na nagpatiwakal sa kuwarto.
Nagtaka ang ina ng bata, na isang pulis, nang hindi sumalubong ang kaniyang panganay na anak pag-uwi niya sa bahay pasado alas-5 ng hapon. Nang puntahan ni Anselma sa kuwarto ang bata ay tumambad sa kanila ang katawan nito na nakabigti na.
“Allegedly, itong katulong, pumasok na lang sa playroom at nakita na lang ang bata na nakatayo at may tali sa leeg. Dinala sa ospital pero dead on arrival,” sabi ni Chief Insp. Ananais Vasquez.
Ayon sa salaysay ng pamilya ng bata, maaaring tinangka rin ni Anselma na patayin ang isa pa nitong alaga na 3-taong gulang dahil sa iba pang nakitang tali sa loob ng bahay.
Pangyayari bago napatay ni yaya sa sakal ang bata
Bago nito, napansin na umano ng among si PO1 Jaechel Mae Cuarentas ang pagiging aborido ng yaya dahil sa naging pagtatalo nito sa boyfriend.
“Nag-away daw sila ng boyfriend niya kasi hindi raw siya makasama,” ani PO1 Cuarentas.
Humingi ng paumanhin si Anselma sa kanyang mga amo dahil sa nangyari.
“Sana mapatawad nila ako,” aniya.
Dalawang taon nang kasambahay ng pamilya Cuarentas si Anselma. Payo ng mga pulis na i-background check muna ang mga kasambahay bago ito tanggapin sa pamilya.
Desidido ang pamilya na kasuhan ang yaya ng kanilang anak. Nahaharap ngayon sa kasong murder si Anselma.
Tips sa pagkuha ng yaya
Dahil sa pangyayaring napatay ni yaya sa sakal ang kanyang alaga ay mas naging malaking tanong para sa mga magulang kung paano kukuha ng isang kasambahay na mapagkakatiwalaan at hindi sasaktan ang kanilang mga anak habang wala sila sa tabi nito.
Kaya naman bilang gabay sa mga magulang, narito ang ilang tips na maaring makatulong sa inyo sa paghahanap o pagkuha ng yaya na mag-aalaga sa anak mo.
- Ayon sa agency na Maid Provider Incorporated, ang pagkuha daw ng kasambahay ay dapat dumadaan sa tatlong level. Una ay ang pag-babackground check. Pangalawa ay training at orientation para maturuan at mapaalalahan ang yaya sa mga dapat niyang gawin at sa mga karapatan niya. At pangatlo ay ang medical screening upang masiguradong walang communicable disease ang isang yaya na mag-aalaga sa isang bata. Ang pagdaan din ng isang yaya sa psychological test ay inirerekomenda bagamat ito ay magiging dagdag na gastusin sa employer na kukuha sa kasambahay.
- Kailangan nyo ring alamin kung anong klase o paano ginagawa ng agency ang pagbabackground check nila sa isang kasambahay para masiguradong mahigpit at maayos nilang nasala ang taong makakasama mo.
- Kung kukuha naman ng yaya ng hindi dumadaan sa agency ay kinakailangan rin na i-background check ang mga nag-aapply na yaya sa pamamagitan ng paghingi ng mga requirements gaya ng biodata o resume, police at NBI clearance upang masiguradong wala silang record ng kahit anumang krimeng nagawa.
- Mabuti ring kumuha ng yaya na angkop ang edad sa aalagaang bata. Ayon parin sa Maid Provider Incorporated, kung ang aalagaan ay baby pa, mabuting kumuha ng matatanda ng yaya na may higit ng karanasan sa pag-aalaga ng isang baby. Kung ang aalagaan naman ay toddler na, maari ng kumuha ng mga yaya na edad bente anyos pataas na may lakas para matingnan at maalagaan ang mga batang napaka-active sa ganitong edad.
- Mabuti ring kumuha ng isang yaya na may anak na, bagamat sinasabing maaring mahati ang oras nito sa iyong anak at sa mga anak niya. Ngunit mas magiging maganda ito dahil higit na alam niya kung paano mag-alaga ng isang bata sa paraan na ginagawa ng isang magulang.
- Maganda rin na kumuha ng yaya na nirekumenda ng kakilala, kaibigan o isang kapamilya na kung saan madali mong mapagtatanungan ng pagkakakilanlan ng kukunin mong kasama sa iyong bahay.
Source: ABS-CBN
Images: Shutterstock, screenshots from ABS-CBN News
BASAHIN: Yaya from the Agency: Things to Consider Before Hiring