Plano ng DepEd na magsagawa ng national learning camp sakaling magtuloy-tuloy ang mga araw na walang face-to-face classes dulot ng matinding init ng panahon.
National learning camp ikakasa ng DepEd sa July
Dahil sa paulit-ulit na class suspension dahil sa matinding init ng panahon, nag-isip ang Department of Education ng maaaring maging remedyo sa learning gap na dulot nito.
Ayon sa interview ng TeleRadyo Serbisyo kay DepEd Deputy Spokesperson Asec. Francis Bringas, plano nga ng ahensya na magkaroon ng 3-week national learning camp.
Aniya, may natututunan man daw ang mga mag-aaral sa kanilang asynchronous classes, hindi pa rin ito sapat kung ikokompara sa mga dapat matutunan sa face-to-face classes. Ito raw ang kanilang natutunan sa nangyari noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ngunit sa kabila nito, wala naman umanong choice ang DepEd. Dahil patuloy ang pagtaas ng heat index o damang init sa danger levels.
“Walang choice ang DepEd kundi i-consider ang wellbeing ng mga learner kaya nag-suspend ng face-to-face classes,” saad ni Bringas.
Kaya naman, ang tatlong linggong camp ang nakikita nilang solusyon dito.
“Kung hindi magkaroon ng face-to-face hanggang May. Malamang ay hindi na magkakaroon ng opportunity this moth na magkaroon ng interventions for them. But ikakasa ng DepEd ‘yung national learning camp by July,” saad pa ni Bringas.
Planong gawin ang nasabing learning camp sa July upang magkaroon pa umano ng isang buwan na break ang mga bata.
Ito man ang nakikitang intervention ng DepEd, hindi pa rin naman daw sapilitan ang pagsali sa national learning camp. Voluntary lamang daw ito pero hinihikayat nila ang mga mag-aaral na academically challenged na sumali rito.
“We also have directives in DepEd wherein those with failing grades in the regular school year must do interventions to make them ready for the next year,” aniya.