Tumanggap ng magkakaibang opinyon mula sa kaniyang followers ang Instagram post ng wais na misis na si Neri Miranda ukol sa tanong niyang sino nga ba dapat ang humahawak ng sahod ni Mister? Dapat bang hawak lahat ni Misis?
Neri Miranda Instagram post
Ayon sa caption ng nasabing Instagram post ni Neri Miranda, natanong niya daw ito dahil big deal para sa iba ang pagkakaroon nila ng kaniyang asawa na si Parokya ni Edgar band vocalist Chito Miranda ng kaniya-kaniyang pera. Kaya naman para malaman ang opinyon ng iba at maibahagi rin ang experience niya sa pagbubudget, hinikayat ni Neri Miranda ang kaniyang followers na ibahagi ang kanilang sentiyemento ukol sa isyung pampamilya.
Napaka-cooperative nga ng mga followers ni Neri na agad namang ibihagi ang kanilang opinyon sa naturang isyu.
Screenshot from Neri Miranda’s social media account
Pero sino nga ba talaga dapat ang humahawak ng sahod o pera sa isang pamilya, si Misis ba o si Mister?
Ayon kay Suzanne Wheeler, isang senior wealth advisor sa Tulsa, Oklahoma, ang pag-uusap tungkol sa pagha-handle ng finances ay dapat pinag-uusapan ng mag-asawa bago pa man sila ikasal para maiwasan ang problema tungkol sa pera.
Ayon naman James Cordova, professor at chairman ng Department of Psychology sa Clark University, kailangan ng mag-asawang magkasundo sa isang sistema na pabor sa kanilang dalawa na magpapakita ng kanilang tiwala at transparency sa isa’t-isa.
“Isang pagkakamali na magtago sa iyong asawa kung paano mo ginagastos o tinitipid ang iyong pera, dahil maari itong maging dahilan ng isang problema,” dagdag pa ni Cordova. Dapat daw ay naghahati ang mag-asawa sa mga gastusin sa bahay at may hiwalay na pera para sa panggastos sa personal na pangangailangan nila.
Ngunit ang pagkakaroon ng isang sistema sa paghahandle ng pera bago pa ikasal ay hindi nangangahulugan na hindi na dapat pag-usapan pa ang isyu sa pera kapag kasal na. Dapat daw ang pag-uusap tungkol dito ay ipinapanatili upang madiscuss sa bawat isa ang mga detalye ng pagbubudget at kung saan napupunta ang perang kanilang kinikita. Ayon naman ito kay John Piershale, isang certified financial planner at wealth advisor sa Crystal Lake, Illinois.
Pero madalas ang mga pag-uusap tungkol dito ay maaring makapagdulot ng hindi pagkakaunawaan kaya dapat maging maingat at bukas ang isip ng isa’t-isa pagdating sa usapang pera, dagdag na payo ni James Cordova ng Clark University.
Maliban din sa pagkakasundo sa money management system na gagawin ng mag-asawa, kailangan ding pag-usapan ang kanilang mga spending habits at savings goal para malaman ito ng isa’t-isa. Ang pagbabahagi rin ng buhay kabataan o childhood sa iyong asawa ay makakatulong para maintindihan nito ang iyong opinyon pagdating sa usaping pera. Dahil ayon parin kay Cordova, ang childhood at ang financial situation ng pinanggalingang pamilya ay isa sa mga aspetong nakakaapeko sa ugali ng isang tao pagdating sa pera.
Para rin makaiwas pa sa isyu ng pera at investments kapag nagpakasal na, ang pag-uusap kung paano hahatiin ng mag-asawa ang kanilang premarital assets ay isa ring nakapaimportanteng bagay na dapat mapagkasunduan bago pa man bumuo ng pamilya, dagdag na payo naman ito ni Suzanne Wheeler.
Isa sa magandang paraan nga para maayos ang mga ganitong isyu sa pera sa buhay mag-asawa ay ang pagkakaroon ng prenuptial agreement o ang kasunduan bago ikasal. Sa pamamagitan nito ay napaghahandaan na at nagpag-uusapan ng mag-asawa ang magiging hatian ng kanilang assets kung sakaling maghiwalay o makapangasawa ng iba. Isang paraan rin ito upang maproteksyonan ang kaniya-kaniyang personal assets kung sakaling magkaroon ng utang ang asawa na sole liability lang niya. Ito naman ay ayon muli kay John Piershale na certified financial planner.
Ilan nga sa mga money management strategies na ito ay ginagawa ng mag-asawang Chito at Neri Miranda na may kaniya-kaniyang ngang negosyo at pinagkukunan ng pera.
Sa ngayon si Neri ay matagumpay na mina-manage ang kaniyang mga stores na nagtitinda ng iba-iba niyang personal na produkto. Ilan nga sa kilalang business ventures ni Neri ay ang Neri’s Gourmet Tuyo, Neri’s Bakeshop at ang kaniyang pajama sleepwear line. Mula sa kinita ng kaniyang mga negosyo ay malapit ng matapos ang bed and breakfast na ipinapagawa ni Neri habang nagsisimula na ring gawin ang isang event’s place na dagdag sa mga negosyong pagkakaabalahan niya.
Samantalang, kamakailan lamang ay nagbukas din ng sarili niyang negosyo si Chito Miranda na isang laundromat-café habang patuloy paring kumakanta sa mga gigs at gumagawa ng albums kasama ang kaniyang grupo na Parokya ni Edgar.
Kahit na ba may kaniya-kaniyang desisyon pagdating sa kanilang finances, pareho namang vocal ang mag-asawang Chito Miranda at Neri Miranda sa pagpapalaki at pag-aalaga sa kanilang dalawang-taong gulang na anak na si Miggy. Ito nga ang pangunahing dahilan kung bakit nila iniingatan ang mga investment at pera ng isa’t-isa para masiguro ang kinabukasan ng kanilang anak na talaga namang mahal na mahal nila.
Sources: US News, ABS-CBN News
Basahin: Who manages the household finances better – men or women?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!