Paano mo mailalarawan ang iyong karanasan sa pagluwal ng iyong munting sanggol?
Napakaganda? Kahanga-hanga? Emosyonal? Sa perspektibo ni baby, ito ay literal na “bagong buhay.” Ang pagkapanganak ay mahirap para sa utak ng sanggol. Maging ang pagbabago sa daloy ng dugo mula sa iyo patungo kay baby ay isa nang napakahirap na pagbabago.
Dahil diyan, ang newborn stroke ay karaniwan sa sandaling siya ay isilang. Bilang isang nag-aalalang magulang, natural lang na magtaka kung paano naaapektuhan ng newborn stroke ang pagkabuo ng utak ni baby.
Newborn stroke: Karaniwan ba ito?
Ang perinatal stroke sa mga bagong silang na sanggol ay karaniwan sa 1 sa 4000. Ito ay isang kondisyon kung saan nakakaranas ng stroke ang sanggol bago ipanganak, habang ipinapanganak, o matapos maipanganak.
Sa kasamaang palad, walang mga sintomas upang maging indikasyon na ang bagong silang na sanggol ay nakakaranas o nakaranas ng stroke.
Kahit nakakapangamba, mayroong pag-asa, Mommy. Ipinapakita sa isang pag-aaral ng Georgetown University Medical Center kamakailan lang na walang pangmatagalang epekto ang newborn stroke sa mga bagong silang na sanggol.
Newborn stroke, nakakaapekto sa utak: Kailangan mo bang ikabahala?
Labindalawang kabataang nasa edad na 12 hanggang 25 ang pinag-aralan bilang bahagi ng pananaliksik na ito. Sila ay nakaranas ng stroke sa kaliwang bahagi ng utak pagkasilang. Ang kaliwang bahagi ng ating utak ay responsable sa mga gawain at kaalamang patungkol sa lenggwahe. Ngunit sa pag-aaral na ito, natuklasan na lahat sila ay ginagamit ang kanang bahagi ng utak para dito.
Higit pa rito, lahat sila ay may normal na abilidad sa lenggwahe at mahusay sila sa “basic cognitive skills”. Kahanga-hanga ring ang rehiyon ng kanang bahagi ng kanilang utak ay parang salaming imahe ng kung ano sana ang kaliwang bahagi ng kanilang utak.
Samakatuwid, makalipas ang 10 hanggang 20 taon, natuklasan na ang mga bagong silang na sanggol na nakaranas ng stroke sa kaliwang bahagi ng kanilang utak ay ginagamit ang kanilang kanang bahagi ng utak para sa mga gawain at kaalamang patungkol sa wika.
Habang ang stroke sa mga baong silang na sanggol ay walang pangmatagalang epekto, maaari pa ring makitaan ang mga nakaranas nito ng hindi pantay na paglakad o paika-ika at may kabagalan sa pagproseso ng mga bagay. Ang paggamit ng kaliwang kamay ay karaniwan din dahil sa paghina ng kanang bahagi.
Newborn stroke, nakakaapekto sa utak: Ano ang masasabi ng mga eksperto sa natuklasang ito?
Ayon kay Elissa Newport, PhD, na nanguna sa pag-aaral na ito, ang kanilang mga natuklasan ay nagpapakita kung paano gumagana ang utak ng mga sanggol.
Si Newport ay neurology professor at direktor ng Center for Brain Plasticity and Recovery sa Georgetown University School of Medicine. Siya rin ang direktor ng MedStar National Rehabilitation Network.
Sabi rin niya:
“Ang utak ng mga bata ay napaka-elastic, ibig sabihin, maaaring mailipat ang mga gawain at kaalamang patungkol sa lenggwahe sa malusog na bahagi.
Naniniwala kami na napakahalaga ng hadlang sa kung saan ang mga nasabing gawain at kaalaman ay maililipat.
May mga napakapartikular na rehiyon na maaaring pumalit kapag may bahagi ng utak na napinsala, depende sa partikular na gawain at kaalaman.
Bawat gawain at kaalaman, katulad ng “language o spatial skills”, ay may partikular na rehiyon ng utak na maaaring pumalit kapag ang pangunahing rehiyon ng utak ay napinsala. Napakahalagang pagkatuklas ito na may mga maaaring implikasyon sa rehabilitasyon ng mga matatandang nakaranas at napagtagumpayan ang stroke.”
Mommy, napakagaling ng kanilang kakayahan bilang babies, hindi ba? Kaya naman, kahit na nakaranas ang iyong munting sanggot ng ganitong kondisyon, hindi mo kailangang mag-panic. Dahil napakalaki ng tyansa na siya ay lalaki at mabubuhay na normal, tulad ng kanyang mga kababata.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ A. Cruz
Sources: Pop Sugar, Georgetown University
Image Source: Instagram