Ngipin ng bagong panganak na baby ang gumulat sa isang mag-asawa sa India. Newborn baby nila may pitong ngipin na ng maipanganak.
Mababasa sa artikulong ito:
- Nakakagulat na kuwento tungkol sa ngipin ng bagong panganak na baby.
- Posible ba na maisilang ang isang sanggol na may ngipin na?
Kuwento tungkol sa ngipin ng bagong panganak na baby
Gulat at hindi makapaniwala ang isang mag-asawa sa India nang makitang ang newborn baby nila ay may pitong pirasong ngipin na.
Kuwento ng mag-asawa na sina Nikita at Harish Sharma, noong maipanganak ang kanilang anak ay hindi nila agad napansin na ito pala ay ngipin na.
Pagkapanganak ay kinailangang mailipat agad ang sanggol sa ICU o intensive care unit nang dahil sa impeksyon. Kaya naman nakita nila ulit ito matapos pa ang 10 araw.
Nang makalabas na ang sanggol sa ICU na isang baby boy at pinangalanang Prayan ay gustong sana pasusuin ito ng kaniyang ina na si Nikita.
Pero nagulat siya ng matuklasang may mga ngipin na ito sa ibabang bahagi ng kaniyang bibig. Ang mga ngipit niya ay pitong piraso na tulad ng sa mga adult o matatanda.
Ano ang natal teeth?
Ayon sa mga doktor na tumingin sa sanggol, ang mga ngipin na taglay niya ng maipanganak ay tinatawag na natal teeth. Kaiba ito sa tinatawag na neonatal teeth na lumalabas sa unang 30 araw matapos maipanganak ang sanggol. Ang natal teeth ay taglay na ng sanggol sa oras na siya ay maipanganak o habang nasa sinapupunan palang ng kaniyang ina.
Ang pagkakaroon ng natal teeth ay isang bibihirang pangyayari. Ayon sa U.S. National Institute of Health, ito ay nangyayari sa isa sa kada 3,000 na bagong panganak na sanggol.
Wala pang tukoy na eksaktong dahilan kung bakit nagkakaroon ng natal teeth ang isang sanggol. Pero mas tumataas ang tiyansa na magkaroon nito ang isang sanggol nang dahil sa mga syndromes o kondisyon na may kaugnayan sa kaniyang growth o paglaki tulad ng mga sumusunod:
- Sotos syndrome o excessive facial formation o excessive child growth.
- Ellis-van Creveld syndrome (chondroectodermal dysplasia) – kondisyon na kung saan may hindi normal na pagtubo ng buto ang isang sanggol o dwarfism
- Pachyonychia congenita – isang kondisyon na kung saan may makapal at abnormal na hugis ng kuko sa paa at kamay ang isang sanggol.
- Hallermann-Streiff syndrome – isang congenital disorder na kung saan ang bungo, facial bones, ngipin, mata at balat ng sanggol ay hindi normal ang hugis.
- Pierre Robin syndrome – sakit kung saan ang mga newborn ay may mas maliit na lower gum kumpara sa kaniyang upper gum.
Paano malalaman kung may natal teeth ang isang sanggol
Ang tanging paraan para malaman kung may natal teeth ang isang bagong panganak na sanggol ay ang tingnan ang bibig nito. Makukumpirma o matutukoy ang status nito sa pamamagitan ng X-ray. Sa tulong ng X-ray ay makikita ang tooth root ng natal teeth na hindi pa fully formed o ganap na buo.
Ang mga natal teeth ay tumutubo sa lower gums o ibabang gilagid ng bibig. Ito ay may isang maliit na root structure lamang na naka-konekta sa gilagid na may malambot na tissue o laman.
Ito ay magalaw o hindi matibay tulad ng mga permanent teeth ng mga matatanda. Hindi parin ito ganap na buo. Ang natal teeth ay nagtataglay ng mga sumusunod na katangian:
- Maliit
- Madilaw o brown
- Magalaw
BASAHIN:
Ito ang epekto kay baby kapag nasa abusive relationship si mommy, ayon sa study
Mom confessions: “Ibinenta ko ang mga napagliitan ni baby—pero ang hirap palang i-let go”
Komplikasyon sa pagkakaroon ng natal teeth
Ang mga natal teeth ay maaring magdulot ng komplikasyon o negative experience sa bagong panganak na ina at kaniyang sanggol. Tulad ng ang ngipin na ito ay maaaring magdulot ng sakit o discomfort sa dila ng sanggol.
Ang sanggol ay maaari ring makagat ang nipple ng kaniyang ina gamit ang natal teeth. Ito ay magiging masakit para sa breastfeeding mom.
Kung sakali namang biglang matanggal ang natal teeth ay maari itong malunok ng sanggol. Ito ay maaaring bumara sa kaniyang baga o airways na sadyang maliit at makipot pa.
Paano nalulunasan ang natal teeth?
Para maiwasang malunok ng sanggol ang kaniyang natal teeth ay ipinapayong alisin agad ang mga ito matapos ang panganganak. Pero ito ay depende parin sa kaso ng natal teeth.
Dahil may mga pagkakataon na kinikinis lang ang matatalas na edges nito para hindi ma-injure ang dila ng sanggol. Lalo na kung ang natal teeth ay hindi basta maalis o hindi naman ito magalaw.
Ang artikulong ito ay orihinal na inilathala sa theAsianparent Malaysia at may pahintulot na isinalin sa wikang Filipino ni Irish Mae Manlapaz.
Source: