Ang body-shaming, o pagpapahiya ng isang tao dahil sa kanilang hitsura ay hindi tamang gawain. Lalong-lalo na kung ito ay gagawin sa isang babaeng nagbubuntis. At ito na nga ang nangyari kay DJ Nicole Hyala, nang siya ay maging biktima ng body-shaming sa sariling Instagram account.
Pero siyempre, hindi papayag si Nicole Hyala, o Emmylou Gaite sa totoong buhay, na basta-basta na lamang siya bastusin online. Kaya’t may mensahe ang DJ para sa kaniyang mga bashers.
DJ Nicole Hyala, may mensahe sa mga bashers
Nagsimula ang pangyayari matapos mag-post ang DJ ng kaniyang maternity photos sa Instagram. Bagama’t maraming natuwa at pinuri ang DJ dahil sa magaganda niyang mga photos, may ilang mga bashers na binastos pa si Nicole online.
Sinabi ng basher na si “patrickliamezzeden,” na hindi daw maganda si Nicole, at ang pangit pa raw ng pusod niya. Dagdag pa ng basher na mapanglait daw sa kapwa ang mundo ng social media, at mapanglait na tao din daw si Nicole.
Dahil sa nangyaring pangba-bash, nagbahagi ang DJ ng kaniyang mga saloobin tungkol sa body-shaming, lalo na sa mga nagdadalang-tao.
DJ Nicole Hyala: “I do not deserve it”
Aniya, “Face-shaming is horrible in itself, but I think body-shaming a pregnant woman is too much. The nature of my job makes me an easy target for criticism. I understand that. But I do not deserve it.”
Dagdag pa niya, “When my photographer asked if my belly button should be edited, or flattened out, I immediately answered with, “No.” I embrace all my body changes including developing umbilical hernia from my 1st pregnancy.”
At ito ang kaniyang mensahe sa kaniyang basher, “And to you Patrick (even if this is just a poser account), I hope that your mother will NEVER have to go through body-shaming. I pray that you will be careful with your words next time. Because words can kill or heal.”
Bumuhos naman ang suporta mula sa mga fans ni Nicole. Maraming nagbigay ng positibong mensahe online, at pinuri pa ang DJ sa kaniyang ginawang shoot.
Dagdag pa nila na huwag na lang pansinin ang basher dahil paninira lang daw ang inaatupag nila.
Hindi tama ang body-shaming!
Kahit kailan man ay hindi tama ang body-shaming, buntis man o hindi, lalaki man o babae.
Hinding-hindi natin dapat husgahan ang mga tao base sa lamang sa kanilang hitsura. Hindi rin tama ang pahiyain sila, o siraan, lalong-lalo na online.
Ang body-shaming ay isa ring uri ng bullying, at ito ay may masamang mga epekto sa mga taong nabu-bully. Posible itong maging sanhi ng depresyon, anxiety, pagkawala ng tiwala sa sarili, at pagkawala ng self-esteem.
Lalo itong nakakasama sa mga nagbubuntis, dahil may epekto ito sa sanggol na kanilang dinadala. Posible din itong magdulot ng postpartum depression, na lubhang masama sa mga ina.
Sabi nga nila, pagdating sa pagpost sa internet, “Think before you click”. Mahalagang pag-isipan muna natin kung tama nga ba ang ating gagawin o sasabihin, at kung makakasakit ba ito sa ibang tao.
Source: Instagram
Basahin: “I love my wife’s post-partum body” a husband’s perspective