Nilagang baboy recipe ang una kong natutunang lutuin noong nagsisimula pa lamang ako sa pagluluto. Itinuro ito sa akin ng aking ina at itinuro din sa kanya ito ng mga nakatatanda sa kanya noon. Ibabahagi ko ngayon sa inyo ang aking natutunan na tiyak na madali mo ring masusundan kaagad.
Mababasa sa artikulong ito:
- Pinagmulan ng nilagang baboy recipe
- Mga sangkap sa pagluluto nito
- Ang proseso ng pagluluto ng nilagang baboy
Ang terminong nilaga ay ang literal na paraan ng pagpapakulo ng matagal ng isang pagkain hanggang sa ito ay lumambot at maluto. | Litrato mula sa iStock
Pinagmulan ng nilagang baboy recipe sa bansa
Ang pagpapakulo ng karne ang isa sa mga pinaka-simpleng paraan ng pagluluto ng pagkain na natutunan natin mula sa ating mga ninuno. Ito kasi ang isa sa paraan ng pagpe-preserba ng karne ng mga hayop bukod sa pagpapatuyo o pagbibilad sa araw dahil hindi pa natutunan noon ang paraan ng refrigeration.
Ang terminong nilaga ay ang literal na paraan ng pagpapakulo ng matagal ng isang pagkain hanggang sa ito ay lumambot at maluto. Nilalagyan ito ng iba’t-ibang gulay at pampalasa upang sumarap at inihahain sa anumang meal time.
Kalaunan, natutunan natin mula sa mga Kastila ang paraan ng paggigisa ng mga rekado sa pagluluto. Ang ating nilaga ay may sariling bersyon sa mga Kastila. Tinatawag nila itong cocido ngunit ang kaibahan lamang ay hindi tayo nag-gigisa sa ating nilaga recipe.
Puwede ring sahugan ng mais at baguio beans ang inyong nilagang baboy. | Photo by: Marisol Nadonga-Villanueva
Hindi lamang sa Pilipinas at Espanya may putahe ng nilaga. Halos lahat ng bansa ay mayroong bersyon nito gaya ng sup daging ng Malaysia, coddle ng Ireland, cockney ng Inglatera, pot-au-feu ng Pransya, at marami pang iba.
May dalawang uri ng putahe ng nilaga na common sa Pilipinas: Ang nilagang baboy at nilagang baka. Pareho lamang ang paraan ng pagluluto nito ngunit mas matagal lamang ang pagpapakulo sa karne ng baka kumpara sa karne ng baboy.
Sa araw na ito, nilagang baboy recipe ang aking ibabahagi sa inyo.
Mga sangkap sa pagluluto ng nilagang baboy
- 1 kg pork belly (puwede rin ang pork shoulder), cubed
- 2 medium patatas, peeled at cubed
- 1 medium dilaw na sibuyas, quartered
- 4 piraso ng hinog na saging na saba, sliced diagonally in half crosswise
- 1 buong repolyo, quartered
- 6 to 8 cups water (puwede ring gumamit ng pork broth para mas malasa ang sabaw)
- 1 teaspoon pamintang buo
- 1 tablespoon patis (fish sauce)
- Salt to taste
Optional na sangkap:
- Pechay Baguio
- Pechay Tagalog
- Sitaw o string beans
- Pork boullion (condiment)
Inaabot ng 45 minuto hanggang 1 oras ang pagluluto ng nilagang baboy. | Litrato mula sa Freepik
Proseso sa pagluluto:
- Sa isang malaking kaserola, pagsamahin ang baboy at tubig at isalang sa medium heat na apoy. Pakuluan ang baboy at tanggalin ang mga sebo na lulutang sa ibabaw ng tubig. Kapag malinaw na ang tubig, ilagay na ang pamintang buo, sibuyas at patis. Patuloy na pakuluin.
- Hinaan ang apoy at pakuluin ang baboy sa loob ng 1 oras o hanggang sa tuluyang lumambot ang karne ng baboy. TIP: Dagdagan ng 1 cup ng tubig ang sabaw kung natutuyo ito sa pagpapakulo.
- Ilagay ang saging sa saba at patatas. Haluing maigi at lutuin sa loob 12-15 minuto. TIP: Tusukin ng tinidor ang saging na saba at patatas upang malaman kung malambot na ito.
- Kapag luto na ang saging na saba at mga patatas, maaari ng ilagay ang repolyo. Haluin at pakuluin sa loob ng 1-2 minutes para maging half-cooked ang repolyo. TIP: Huwag patagalin ang pagpapakulo sa repolyo upang hindi ito maluoy. Lasahan ang sabaw at timplahan ng asin sa gusto mong panlasa.
- Isalin ang nalutong nilagang baboy sa isang serving bowl. Ihain habang mainit pa!
Note: Maaaring gumawa ng sawsawan para sa nilagang baboy recipe natin! Narito ang mga ingredients:
- Patis
- Kalamansi
- Siling Labuyo (optional)
Proseso sa paggawa ng sawsawan:
Sa isang platito, ilagay ang patis (depende sa iyo ang dami ng patis na ilalagay). Hiwain ang kalamansi at pigain sa platitong may patis. Hiwain sa malilit na piraso ang siling labuyo kung nais na maging maanghang ang iyong sawsawan at haluing maigi.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!