Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) noong Pebrero sa mga online seller na ilegal umano ang “no video no refund policy” na ipinatutupad ng ilan sa mga ito.
“No video, no refund” policy ng mga online seller, bawal!
Mommy and daddy, naranasan mo na rin bang makatanggap ng defective o damaged na delivery item o product na binili mo online? Tapos noong nag-request ka ng refund o kaya ng exchange ay hindi pumayag ang seller. At ang sabi ay dapat na may video muna habang binubuksan mo ang parcel? Ilegal pala ang polisiya na ito.
Ayon kay DTI Assistant Secretary Amanda Nograles, ang “no video, no refund, or exchange” policy ay bawal. Nasa ilalim umano ito ng deceptive, unfair, at unconscionable sales acts or practices. Ito ay paglabag sa Republic Act 7394, o Consumer Act of the Philippines.
“Sa katotohanan, ‘yung ‘no return, no exchange’ isa rin yan na ipinagbabawal ng DTI. Kasi karapatan ng consumer na pwede niyang ibalik ‘yung item na nabili niya kapag ito ay depektibo. Kapag ‘yung item ay depektibo, bukod sa ibalik yung item, may option din siya na humingi ng replacement o pwede rin siyang humingi ng full refund ng item na binili niya, pwede rin niyang ipa-repair,” saad ni secretary Nograles sa isang interview ng Super Radyo dzBB.
Nai-feature rin ni Attorney Chel Diokno sa kaniyang Legal Lifehacks sa social media ang usapin na ito. Aniya, ayon sa batas, ang sino mang lalabag sa Consumer Act ay kailangang magmulta ng hanggang P10,000 o makulong ng hanggang isang taon. Pwede ring parehong matanggap ang parusa na ito depende sa discretion ng korte.
Kaya naman, paalala ni Atty. Chel Diokno, “Kung defective ang product, karapatan ng buyer ang refund o exchange kahit walang video.”
Kaya mommy at daddy, sa susunod na maka-encounter ng seller na iginigiit ang no video, no refund policy ay ipaliwanag dito na ilegal ito ayon sa batas.