Siyam na buwan sa sinapupunan at apat na araw lamang nahagkan. Ayan ang istorya ng ina na si Jhen Gutierrez na namatayan ng 4-day-old na sanggol. Ang kanyang kuwento ay hindi lamang isang malungkot na pangyayari. Nais niyang magsilbing inspirasyon para sa mga ina na nakararanas din nito.
Si mommy Jhen Gutierrez ay kasalukuyang may tatlong anak at pang-apat na anak niya sana si baby Avery. Naging mahirap umano ang pagbubuntis niya dahil sa madalas siyang nakararanas ng pananakit ng puson at iba pang bahagi ng katawan. Gayunpaman, palagi naman daw na normal ang mga tests sa kanya at hindi rin nakakalimot sa kanyang check-ups noong siya ay nagbubuntis.
Nakauwi rin sila nang walang aberya sa kanilang tahanan pagkatapos niyang manganak kaya naman sa tingin niya ay normal lang talaga ang lahat. Kaya laging gulat nila nang bigla na lamang pumanaw ang kanilang anak pagkatapos ng apat na araw. Ayon sa kanya ay bigla na lamang itong umiyak nang pagkalakas-lakas at biglang tumigil sa paghinga.
Hanggang ngayon ay walang maibigay na rason ang ospital o maging ang mga doktor na tumingin sa sanggol. Maari na lamang nating isipin kung ano ang naramdaman niyang bigat sa puso sa mga panahong iyon.
Coping with loss
Pakiramdam niya raw ay gumuho ang kanyang mundo pati na ng kanyang asawa. Ilang araw daw siyang iyak lang ng iyak at hindi niya maintindihan kung bakit kailangan nilang pagdaanan iyon.
Naisip niya pa nga raw noon na bumalik na lamang sa Hongkong at magtrabaho muli. Sa tingin niya raw kasi ay mas madali siyang makalilimot kung siya ay malayo. Pero mabuti na lang daw at pinigilan siya ng kanyang asawa dahil talagang naiisip niya nga lang ang mga bagay na iyon dahil sa lungkot.
Sa tulong ng kanyang tatlong anak at asawa, kahit papaano ay medyo naibsan ang sakit na kanyang nararamdaman. Unti-unti ay bumalik siya sa kanyang dating routine. Nagkaroon din siya ulit ng trabaho at dahil dito ay lumawak ang kanyang circle of friends.
Aminado siyang malaking tulong ang mga tao sa kanyang paligid dahil sila ang nagsilbing inspirasyon para kay Mommy Jhen na bumalik sa kanyang buhay at mag-move on. Laking pasasalamat din daw niya sa Diyos dahil ito ang kanyang naging sandigan sa kanyang pinagdaanan.
Mga bagay na puwedeng gawin
Sa katunayan, narito ang ilan sa mga bagay na ginawa ni Mommy Jhen pagkatapos ng dagok na ito na naranasan nila.
Nagsimula siyang mag-focus muli sa kanyang tatlong anak, dahil maaring nahirapan din sila sa sitwasyon. Sinubukan niya ring makipag-catch up sa kanyang mga kaibigan. Dahil nga rito ay natuto siyang ipaubaya lahat ng sitwasyon sa Diyos at maniwalang ginagabayan Niya tayo sa anumang pagsubok.
Mahirap man ang kanyang pinagdaanan, sabi niya ay naniniwala pa rin siyang mayroong dahilan kung bakit nangyari ito sa kanila at hindi siya mawawalan ng pag-asa. Kung tatanungin nga raw siya ay nais pa rin niyang magbuntis muli sa kabila ng nangyari.
Normal na paghinga ni baby
Kung mayroon naman sa inyo na nabahala dahil sa kwento ni baby Avery at ang kanyang pagpanaw, narito naman ang mga dapat tandaan tungkol sa normal na paghinga ni baby.
Madalas ay nakakabahala ang breathing patterns ng mga sanggol, lalo na para sa mga first time parents. Ito kasi talaga ay pabago-bago. Pero ang normal na bilang ng kanilang hinga sa isang minuto ay 30 to 60. Kapag naman sila ay natutulog, maari itong bumaba sa 20 kada minuto. Pero kung may panahon na biglang bumibilis ang kanilang paghinga at biglang titigil ng mahigit 10 segundo, ito pa rin ay normal.
Ilan sa mga senyales na mayroong mali sa kanyang paghinga ay kung makakarinig ka ng pagsipol. Maaari kasing may nakabara sa kanilang nostrils sa ganitong pagkakataon. Kung masyado namang mabilis ang kanilang paghinga maliban sa nabanggit na bilang, ito rin ay maaring early symptom ng pneumonia.
Para masigurong okay ang iyong anak, ugaliin na patulugin siyang naka-tihaya. Ito ay para maiwasan ang ilang scenario katulad ng sudden infant death syndrome. Magtabi rin ng mga saline drops para sa oras na sila ay magkasipon o bara sa ilong.
Palaging bantayan ang iyong anak at maging pamilyar sa kanilang breathing pattern para matukoy kaagad kung mayroong mali.
Basahin:
4-day-old baby biglang hindi huminga