Kahanga-hanga ang isang OFW nanay na patuloy pa rin ang pag-breastfeed sa kaniyang mga anak kahit nasa ibang bansa ito. Ito ang istorya ni Felirose Bartolome, isang medical technician na walong taon nang nagtratrabaho sa Singapore.
“Comforting for me emotionally dahil at least kahit malayo sila sa akin I am still providing them the best of me, my nutrients and antibodies in the milk,” pahayag nito sa report ng ABS-CBN.
Taong 2016 nang unang nagsilang si Felirose ng panganay nila ng kaniyang mister. Sinulit niya ang kaniyang mga leave para mas matagal niyang makasama ang kaniyang baby. Kinuhaan niya din ito ng passport upang makasama niya at mapadede pa niya ang kaniyang anak ng mas matagal.
Ngunit matapos ang isang buwan, kinailangan nang bumalik ng nanay ni Felirose sa Pilipinas kasama ang baby. Lubos ang lungkot ng OFW nanay dahil mawawalay siya sa kaniyang anak.
“Alam mo ‘yung bond niyong mag-ina especially ‘pag nakatingin siya sayo habang nagmi-milk siya,” saad ni Felirose. “Ayokong mawala ‘yun, pero kailangan kong mag-work dahil breadwinner ako.”
Hanggang tatlong buwan lang sana ang balak niya na magpadede at hihinto na dapat siya pag-alis ng baby niya. Pero dahil marami siyang gatas, naisip niyang ipagpatuloy ang pag breastfeed gamit ang breast pump.
Kahit subsob sa trabaho, sinusunod pa rin ng OFW nanay ang dapat na schedule sa pagpapadede sa kaniyang anak na tuwing kada tatlo o apat na oras. Nasa trabaho man o sa bahay, pinagsisikapan niyang makapag-express ng gatas. Iniipon niya ang kaniyang gatas sa milk bags, prinepreserba sa freezer, at saka ipinapadala sa Pilipinas gamit ang cooler.
Dahil baka masira ang frozen na gatas kapag ipinadala gamit ang shipping companies, ipinapakiusap niya na isabay ang kaniyang cooler sa sino mang mga kakilala niya na uuwi ng Pilipinas. Lulan ng 40 na 180mL milk storage bags ang cooler na siya namang kinakarga sa eroplano bilang check-in baggage. Binabayaran ng OFW nanay ang extra 20kg baggage allowance ng pasahero para siguradong maisakay ang kaniyang pinaghirapang ipunin na gatas. Mula airport ay ipapadala naman ito sa kanilang bahay sa Dasmariñas, Cavite.
Kahit na malayo ang pinanggagalingan ng mga gatas, ani ni Felirose, frozen pa rin daw ang gatas pagdating sa mga anak niya. “In the event na may natunaw na milk, ‘yun ang unang ibibigay ng mommy ko sa baby ko.”
Patuloy niya itong ginagawa ngayong dalawa na ang anak niya—isang 2 taong gulang at isang 6 na buwang gulang.
“Actually, di ko iniisip ang gastos while sending my milk,” pahayag ni Felirose. “I have a supportive husband din kaya I just want to give myself sa mga anak ko through my breastmilk, kahit man lang ‘yun maibigay ko kahit malayo ako sa kanila.”
Sinisikap din nito na makauwi ng halos buwan-buwan o di kaya naman ay papuntahin ang mga bata kasama ang nanay ni Felirose sa Singapore.
Dagdag ng OFW nanay, hindi niya maipapatuloy ang kaniyang pagpapa-breastfeed kahit nasa malayo siya kung hindi siya tinutulungan ng kaniyang pamilya.
“Salamat sa walang sawa na paga-alaga sa mga anak ko, sa pagyakap sa kanila sa gabi tuwing natutulog sila. Malayo man ako sa kanila dama pa din nila ang init ng yakap ko… Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos sa pagkakaroon ko ng very loving and supportive parents.”
Isa ka rin bang OFW nanay na nais subukan na ipagpatuloy ang pag-breastfeed kahit malayo sa iyong anak? Narito ang ilang tips na puwede mong sundin upang hindi agad masira ang iyong gatas at mga listahan ng puwede mong kainin/inumin upang dumami ang iyong breastmilk.