Para sa maraming mga magulang, importante ang pagkakaroon ng mataas na grades ng kanilang anak. Siyempre, ito ay upang makapasok sila sa magandang paaralan, at makakuha ng magandang trabaho. Ngunit para kay Ogie Diaz, hindi gaanong importante na maging mataas ang grades ng anak niya.
Aniya, “Ang tunay na laban ng buhay ay nasa labas ng eskwela,” at dagdag pa niya na sapat na ang nakapagtapos ang anak ng senior high.
Ogie Diaz, nag-post sa FB tungkol sa pagtatapos ng anak
Kamakailan lamang ay nagtapos na ng senior high ang anak ni Ogie. At dahil dito, naikwento niya ang kaniyang naging karanasan sa moving up ceremony ng anak.
Nakausap raw niya ang isa pang magulang, at napunta ang kanilang usapan sa pagkakaroon ng honors. Dito, natanong siya kung “Okay lang naman sa yo kung walang nakuhang honors?” ang anak niya. At sabi naman ni Ogie, “Okay lang naman po. Basta naka-graduate. Ako din po, walang nakuhang honors nung nag-aaral ako, mami. At high school lang po ang natapos ko.”
Aminado si Ogie na lahat ng magulang ay magugustuhan na magtapos na may honors ang kanilang anak. Ngunit para sa kaniya, hindi ito ang pinaka-importante.
Aniya, basta raw ay hindi kulelat ang kaniyang anak, at alam niyang ginawa ng anak niya ang kaniyang best, sapat na para sa kaniya.
“Ang tunay na laban ng buhay ay nasa labas ng eskwela”
Ayon kay Ogie, importante rin daw ang abilidad at diskarte ng isang tao. At hindi raw ito naituturo sa loob ng paaralan. Mahalaga rin na matuto mula sa mga tao sa paligid mo, upang makahanap ng success sa buhay.
Nakwento rin ni Ogie ang naging usapan nilang mag-ama:
“Yung ibang kaklase ko, daddy, nagtataka. Buti ka pa daw, cool ka lang. Samantalang yung iba kong ka-batch, kung maririnig mo lang yung kwento nila, grabe silang i-pressure ng parents nila sa pag-aaral.”
“Di mo din naman sila masisi, anak. Kasi anak nila yon at ganun sila sa anak nila, eh. Magkakaiba naman ang mga parents sa paraan ng pagpapalaki ng mga anak nila,” sabi ni Ogie.
Bagama’t walang hinihinging honors si Ogie, may isang bagay siyang hiniling mula sa anak:
“Sabihin mo nga lang sa akin na tatapusin mo lang ang senior high school at ayaw mo nang mag-college, okay lang sa akin.
Basta sa isang kundisyon—kukuha ka ng at least, 5 crash courses one at a time, dahil baka isa dun, matumbok mong gusto mo pala at yun ang itutuloy-tuloy mong ima-master. Dahil gusto ko, gawin mo kung saan ka masaya and at the same time, nata-translate mo yung happiness mo into income.”
“So, ano, nak? You will just finish senior high o magka-college ka after?”
—“Magka-college ako, daddy.”
“Okay. If that will make you happy, I will support you all the way.”
Basahin: Ogie Diaz, inalala ang pinagdaanan ng premature na anak