Isang mommy ang nakausap ng theAsianParent hinggil sa naranasan umanong online lending scam. Si mommy, plano sanang mag-loan para sa mga gastusin sa kaniyang mga anak. Ang kaso lamang, imbes na matulungan ng online lending, ay natangay pa ang natitira nilang pera.
Mommy nabiktima ng online lending scam
Labis ang panlulumo ng isang mommy nang maloko ito ng agent ng isang online lending. Kwento ni mommy, naisipan niyang mag-loan ng P200,000 para may ipambayad sa iba niya pang utang, pati na rin para sa panggastos sa mga anak, at plano niya ring magsimula ng maliit na negosyo.
Kaya lamang, sa hindi inaasahang pangyayari, ang inaakala niyang makatutulong sa kaniya ay siya pang lalong magdudulot ng stress.
Paano ang proseso ng online lending scam na ito?
Sabi ni mommy, ang proseso umano ng online lending scam na nangyari sa kaniya ay ganito: Nag-message siya sa Facebook page ng online lending company. Pagkatapos ay dinirect siya ng ahente sa Telegram at doon sila nag-usap.
May link na ibibigay ang ahente kung saan mo fi-fillupan ang ilang forms at doon din ilalagak ang hinihingi ng online lending company na P15,000.
Para saan ang P15,000? Para daw ito sa assurance na totoong tao na mapagkakatiwalaan ang umuutang at hindi nito ma-scam ang lending company. Tila ito security deposit na makukuha rin 100% kapag na-release na ang nilo-loan na pera.
Matapos maghulog ni mommy ng P15,000 at nang iproseso na ang nilo-loan na pera ay bigla raw nagkaroon ng error sa proseso. Ang sabi ng ahente, mali raw kasi ang GCASH number na na-input ni mommy. Dahil dito, na-locked ang account niya sa online lending. At para mabuksan daw ito ulit at ma-withdraw ang P200,000 na hinihiram niya at ang P15,000 na security deposit, ay kailangan niya ulit na magpasok ng P35,000 para sa extra assurance na hindi siya scammer.
Nanlumo si mommy sa nangyari dahil huling pera na nila nang mga oras na iyon ang P15,000 na pinagsamang sweldo nila ng kaniyang mister.
Aniya, hindi niya alam kung saan siya kukuha ng karagdagang security deposit. Nakiusap si mommy sa ahente kung wala bang ibang paraan para makuha niya ulit ang P15,000 at ma-release ang perang hinihiram niya.
Ilang ulit nakiusap si mommy hanggang sabihin ng agent na pwede na raw kahit P16,000 na lang ang idagdag niya imbes na P35,000.
Paano niya nalaman na scam nga ito?
Habang naghahanap si mommy ng mahihiraman ng kulang na pera, naisipan niyang sumali sa Facebook group na Lending List Scammers.
Sa Facebook group naging malinaw sa kaniya kung ano ang nangyayari. Nakita niya sa post ng admin ng group ang modus umano ng ilang lending company, kung saan ay kagayang-kagaya ng kaniyang naranasan.
“Ang dami kong nababasa dito ngayon na post about sa online loaning via telegram. Magbabayad ng fee worth 10K above para ma-approve yung loan. Then another amount para naman ma-correct yung code dahil daw mali ang bank account or GCASH number. Tapos yung iba ayaw pa maniwala dahil daw may GC sila at ‘yung mga kasamahan daw nila roon ay nakapag-loan after magbigay ng pera on the spot. Pero yung members sa GC 3 o 4 lang kayo,” nakasaad sa post sa FB group.
“PAALALA! Mangungutang ka nga para may pera ka tapos hingian ka pa pera. RED FLAG na po agad ‘yun. Pag Telegram ang transaction scam po yun…Kahit mag send pa sila ng company name or permit with IDs. Basta may money involved, SCAM po ‘yun,” dagdag pa ng nag-post.
Parang masisiraan daw ng bait si mommy nang mapagtanto ang kaniyang sinapit. Na imbes na makahiram ng pera para sa mga pangangailangan ng mga anak ay natangay pa ang kaniyang natitirang sweldo. Dahilan para mahirapan na naman silang itawid ang mga susunod na araw ng pangangailangan.
Nang kulitin umano ni mommy ang ahente ay bigla na lamang nitong binura ang lahat ng messages nila sa Telegram. Noong hinanap naman sa internet ang pangalan ng ahente, ay hindi ito nag-eexist sa ibang plataporma.
Dagdag pa ni mommy, napaniwala umano siya ng lending company na ito na legal ang kompanya dahil sa mga ipinakita nitong dokumento. Mayroon pang mga kontrata at kasunduan na nilagdaan nila.
At noong “nagkamali” raw siya ng input ng GCASH number, ay nagbabala pa ang ahente na dadalahin nito sa NBI ang mga dokumentong ipinasa ni mommy. Dahil baka raw sila ang scammer. Nabahala sina mommy sa pananakot na ito ng lending company. Ngunit sa huli, sila pala ang biktima ng online lending scam.
Ibinahagi ni mommy ang karanasan niyang ito upang sana ay magbigay ng awareness sa mga kapwa niya mommy na napapakapit sa patalim dahil sa labis na pangangailangan, pero nakukuha pang lamangan.