Isang 33-anyos na babae ang nagsampa ng reklamo sa babaeng inakala niyang kaibigan matapos siya nitong gawing biktima ng online scam.
Ayon sa biktima, 3 1/2 taon raw silang nagkasama ng kaniyang “nobyo” at nagplano pang magpakasal. Ngunit pag-uwi ng Pilipinas, dito na niya nalaman na niloloko lang pala siya.
Paano nangyari ang online scam?
Kuwento ng 33-anyos na si Cheryl Bartina, bago raw siya pumunta sa Hong Kong para magtrabaho ay nakilala na niya ang suspek na si Renerose Ogayre, 30 anyos.
Ayon kay Cheryl ay sinabi ni Renerose na nais raw niyang ireto ang pinsan niya kay Cheryl. Binalewala lang niya ito nang simula, pero nagulat raw nang nagparamdam sa social media ang diumano’y pinsan ni Renerose. Ngunit lingid sa kaalaman ni Cheryl, si Renerose lang pala ito na nagpapanggap.
Pagtagal ay nagsisimula na raw silang mag-usap online, at nahulog na ang loob ni Cheryl sa inaakalang nobyo. Umabot raw ng 3 years at 5 months ang kanilang relasyon, at nagpaplano na raw silang magpakasal. Ginamit raw ni Renerose ang profile picture ng isa pa niyang kakilala, at nagkunwari siyang lalaki. Bukod dito, gumagamit pa raw ng app si Renerose para baguhin ang boses, para hindi maghinala si Cheryl sa ginagawa niya.
Inakala ni Cheryl na nagmamahalan sila ng “nobyo”
Naging seryoso raw si Cheryl sa relasyon nila, at bumili pa nga ng wedding ring, at nagplano silang magpakasal kapag umuwi na si Cheryl. Bukod dito ay nagbigay ng halos 1 million pesos na halaga ng mga regalo sa kaniyang “nobyo.”
Nang makauwi sa Pilipinas ay dito na nalaman ni Cheryl ang buong katotohanan. Ang lalaking inakala niyang nobyo niya ay mayroon na palang asawa at mga anak, at hindi man lang alam na ginamit na pala ang kaniyang larawan sa panloloko.
Sa kasamaang palad, nagpadala rin daw ng mga maseselang larawan si Cheryl, na kalaunan ay ginamit ni Renerose para pang-blackmail.
Dahil dito, dumulog si Cheryl sa isang TV show upang humingi ng tulong, at ireklamo si Renerose sa ginawang panloloko. Bukod dito, posible ring humarap sa kaso ng identity theft si Renerose dahil sa paggamit ng larawan at identity ng ibang tao.
Umaasa si Cheryl na sana ay mabigyang hustisya ang ginawang panloloko sa kaniya, at inuudyok niya ang ibang mga tao na maging maingat pagdating sa mga taong nakakausap o kaya nakikilala online.
Source: Raffy Tulfo in Action
Basahin: Aleli Yap, nahaharap sa kasong carnapping, estafa