Buntis na manganganak na, pinalipat diumano ng ospital at tinanggihan daw ihatid ng ambulansya
Narito ang mga impormasyon tungkol sa abruptio placenta at paano ito maiiwasan ng isang buntis.
Ospital ng Sampaloc, nais panagutin ng pamilya ng nasawing buntis at sanggol na dinadala dahil umano sa kapabayaan nila.
Reklamo sa Ospital ng Sampaloc
Ayon sa kwento ng pamilya ng 23-anyos na si Myra Morga, ang buntis na nasawi dahil sa kapabayaan umano ng Ospital ng Sampaloc, October 21 ng dalhin nila ito sa ospital. Dahil ito ay nakakaranas na ng pagdurugo at pananakit ng kaniyang tiyan.
Ngunit sa hindi nila alam na dahilan ay hindi daw ito tinanggap ng Ospital ng Sampaloc at sa halip ay inutusan silang lumipat nalang sa Ospital ng Sta. Ana kahit ito ay manganganak na.
Dahil sa walang pera pamasahe ay nakiusap ang kinakasama ni Myra na si Danilo Publico at kapatid nitong si Rebecca Morga na kung maari ay ihatid nalang sila ng ambulansya ng ospital sa Ospital ng Sta.Ana.
Inihatid naman daw sila ng ambulansya ngunit hindi mismo sa tapat ng ospital. Dahil dito ay napilitan pa daw tumawid ng kalsada at maglakad pa si Myra na kitang-kita hirap na hirap na sa kaniyang kondisyon. Sa kanilang paglalakad ay hinimatay pa nga daw ito kwento ng kapatid niya.
“Ang sabi po ng nurse na kasama namin sa ambulansya, sabi niya wala daw pong kontak ang doktor sa Sampaloc pati doktor sa Ospital ng Sta.Ana hindi daw sila pwedeng magbaba dun ng pasyente ng wala daw pong koneksyon. Kaya pasensya na dito nalang namin kayo ibababa.”
Ito ang kwento ni Rebecca Morga.
Nakiusap din daw ang kinakasama ni Myra na si Danilo ngunit hindi talaga sila pinagbigyan ng mga ito.
“Ang sinabi ko po, ‘Ma’am baka puwede niyo naman po kaming itutok doon sa harap, maski sa gate lang po ng Sta. Ana Hospital. Hindi raw po talaga pupuwede.”
Ito ang pag-aalala ni Danilo sa nangyari.
Sinuportahan naman ang pahayag na ito ni Danilo at Rebecca ng kuha ng CCTV sa lugar na pinagbabaan sa kanila ng ambulansya.
Nasawing sanggol at kaniyang ina
Maayos naman na nakarating ng Ospital ng Sta. Ana si Myra at nakapagsilang sa kaniyang anak dito bandang alas-dose ng madaling araw noong October 22. Ngunit ang kaniyang sanggol ng isilang ay patay na.
Dalawang oras matapos makapanganak ay sumunod naman na nasawi si Myra. At ayon sa kaniyang death certificate ang dahilan ng pagkamatay niya ay hypovolemic shock o excessive bleeding, very severe anemia, at abruptio placenta.
Kaya naman, dahil sa nangyari ay humihingi ng hustisya ang pamilya ni Myra na naniniwalang buhay pa sana ngayon ito kung agad na inasikaso ng unang ospital na pinagdalhan sa kaniya. Ikinasama rin daw ng kondisyon nito ang paglalakad na maiiwasan sana kung nakipagtulungan ang Ospital ng Sampaloc sa kanila.
Wala pang ospisyal na pahayag ang dalawang ospital na sangkot sa insidente. Bagamat nagsasagawa na raw ng imbestigasyon ang pamunuan ng Ospital ng Sampaloc sa nangyari.
Ano ang abruptio placenta?
Ang abruptio placenta ay isang seryosong komplikasyon sa pagbubuntis. Ito ay ang paghihiwalay ng placenta o inunan ng isang buntis mula sa kaniyang uterus na delikado para sa ina at sa sanggol na dinadala nito. Dahil sa kondisyon ay mababawasan o tuluyang mawawalan ng supply ng oxygen at nutrients ang sanggol na maari nitong ikamatay. Habang makakaranas rin ng heavy bleeding o matinding pagdurugo ang buntis na maari niya ring ikasawi.
Madalas na nararanasan ang abruptio placenta sa 3rd trimester ng pagbubuntis. Ang mga sintomas nito ay ang pagdurugo sa pwerta, pananakit ng likod at tiyan, paninigas ng matris at uterine contractions.
Wala pang malinaw na dahilan kung bakit nakakaranas ng abruptio placenta ang isang buntis. Ngunit isa sa posibleng dahilan umano nito ayon sa mga doktor ay trauma o injury sa tiyan ng buntis na dulot ng aksidente tulad ng pagkadulas. Pati na rin ang mabilis na pagbaba ng level ng amniotic fluid na mahalaga para sa dinadalang sanggol.
Ang abruptio placenta ay hindi maiiwasan ngunit maaring mapababa ang risk nito sa pamamagitan ng sumusunod:
- Hindi paninigarilyo o hindi paggamit ng illegal drugs.
- Pag-konsulta o pag-monitor ng high blood pressure.
- Pagsuot ng seatbelt sa sasakyan para makaiwas sa abdominal trauma.
- Kung nakaranas na ng abruptio placenta mabuting kumonsulta muna sa doktor bago muling magbuntis.
Kaya paalala sa mga babaeng nagdadalang-tao kung makaramdam o makaranas ng kakaiba sa iyong pagdadalang-tao, huwag na hintaying lumala ito. Agad na magpunta sa doktor para makasiguradong ligtas ka at ang baby na dinadala mo.
Source: GMA News, Mayo Clinic
Photo: Freepik
Basahin: Ito ang dahilan kung bakit hindi dapat lumagpas sa due date ang panganganak