Kapag gumagamit ng motorcycle hailing app na Angkas, maaaring ikinagulat ang bagong tinatanong nito. Ayon sa Angkas, kaugnay ito ng pagsunod nila sa guidelines na ibinigay ng gobyerno. Ang naturang guidelines na kanilang sinasabi ay para sa motorcycle safety ng mga pasahero. Ayon dito, maaari nang tanggihan ng serbisyo ang mga overweight na pasahero ng Angkas.
Tinatanong ang timbang
Sa pagbukas ng mobile app, mapapansin na itinatanong na nito ang timbang o “weight range” ng pasahero.
Isinasagawa raw nito ang pagkuha ng timbang ng pasahero para maiwasan na ma-partner ito sa rider na maliit at nagmamaneho ng maliit na motor.
Ganunpaman, sinisigurado ng Angkas na hindi nila ito isinasagawa para mang husga. Ito ay kanilang ipinapatupad upang masigurado ang kaligtasan ng parehong rider at pasahero.
Idinagdag din ng Motorcycle Taxi company na ang mga datos na ipapasa sa kanila ay mananatiling pribado.
Reklamo sa body shaming
Para sa TV reporter na si Saleema Devi Refran ng GMA, tinatanggap niya ang desisyon ng Angkas dahil para nga ito sa kaligtasan. Subalit, umalma ang reporter dahil raw sa pinagtawanan pa siya ng isang rider matapos siya tawaging mataba, overweight, at obese.
Aniya ng reporter, nangyari ito habang siya ay gumagawa ng ulat para sa naturang kwento. Dito ay may nakapanayam siyang isang rider na hindi niya pinangalanan. Nais daw siya gawing halimbawa ng rider para ipakita na na hindi kaya ng mga maliliit na motor ang malalaking pasahero.
Hindi na napigilan ng reporter ang mga pang-iinsulto pa. Dahil dito ay nagawa niyang sabihan ang rider ng, “Opo, mataba ako pero hindi ako dapat pagtawanan.”
Nais niyang iparating sa mga rider na maaari nilang tanggihan ang isang pasahero para sa kaligtasan. Ganunpaman, hindi dapat pagtawanan o kutyain at alipustahin ang mga pasaherong ito.
Hindi utos ng LTFRB
Ilang araw mula sa paglabas ng update ng Angkas app, itinanggi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na kanilang iniutos ang pagbabawal sa mabibigat o matatabang pasahero. Ayon kay LTFRB Technical Working Group Consultant Alberto Suansing, gusto lamang nilang masigurado ng Angkas ang kaligtasan ng mga pasahero. Ganunpaman, wala silang sinabi na ipagbawal ang pagbibigay serbisyo sa mga mabibigat na pasahero.
Hindi man ipinagbawal ang mga mabibigat, may ilan paring mga pasahero ang hindi pwedeng isakay sa Angkas ayon sa LTFRB. Kabilang dito ang mga naka-tsinelas, mga buntis, at mga may sakit. Kasabay nito ay hiniling din nila na maiayos ang sukat ng helmet para sa mga pasahero.
Basahin din: 5 taxi modus operandi that every parent should know!
Sources: GMA Network, CNN, DWIZ882 AM