Paraan para mapangalagaan ang ngipin ng baby para maiwasan ang tooth decay
Ayon sa mga eksperto, dapat dalhin na si baby sa dentista kapag lumabas na ang unang ngipin niya. Importante rin na linisin ang ngipin pati na rin ang kaniyang ngala-ngala.
Paano alagaan ang ngipin ng baby? Ito ang isa sa mga kadalasang concern ng mga magulang. Lalo pa’t ito ang kanilang ginagamit para kumain, ngumuya at magbigay ng kanilang cute smile.
Karamihan itong tinatanong dahil mas magandang alagaan ang ngipin ni baby hanggang maaga pa lang para makaiwas sa sungki o yung hindi pagkapantay ng mga ngipin, pati na ang sirang ngipin ng bata.
Talaan ng Nilalaman
Ngipin ng baby
Ang kanilang baby teeth ang kanilang gagamitin hanggang lumabas na ang kanilang permanent teeth sa kanilang paglaki.
Kapag hindi naging maganda ang pag-aalaga sa baby teeth, maaari nitong maapektuhan ang permanent teeth at magkaroon ng sirang ngipin ang bata. Kaya naman importante na mapangalagaan ito nang maayos at mapanatiling healthy. Pero paano nga ba alagaan ang ngipin ni baby?
Ano ang dapat gawin at asahan kapag lumabas na ang unang ngipin ng baby?
Kapag lumalabas na ang unang ngipin ng iyong baby, narito ang ilang hakbang na maaari mong gawin at asahan:
1. Dapat maging maingat
Ingatan ang masusing pagsusuri sa bibig ng iyong baby. Bantayan ang anumang senyales ng pag-usbong ng ngipin. Tulad ng pamumula, pag-iyak, o pagpapakita ng discomfort ni baby. Kung ikaw ay nagbe-breastfeeding ay mainam na gumamit din ng nipple shield at nipple cream.
2. Paglilinis ng gums ni baby
Kapag napapansin na ang pagtubo o tumutubo na ang ngipin ng baby ay mahalagang linisin ito. Gumamit lang ng tela sa paglilinis gamit ang tubig o baby toothpaste kung mayroon.
3. Maaaring magbigay kay baby ng teether
Makapagbibigay ng comfort sa gums ni baby ang paggamit ng teether. Sapagkat maaaring makaranas ng discomfort, pain, at pamamaga ng gums ang iyong anak kapag tumutubo ang kaniyang ngipin.
Paano alagaan ang ngipin ng baby
Ayon sa mga eksperto, ang unang paraan kung paano alagaan ang ngipin para maiwasan ang sirang ngipin ng bata ay ang dalhin siya agad sa dentista kapag lumabas na ang unang ngipin niya. Ito ay para masigurong makakaiwas siya sa tooth decay na maaring makadamage sa healthy teeth niya.
Dapat din daw sundan ng dental check-up kapag tumungtong na siya sa gulang na isa at magkaroon ng follow-up check-up taon-taon.
Ayon kay Dr. John Morris, senior lecturer ng dental public health sa University of Birmingham, ang early dental visits ay hindi lang nagbibigay ng impormasyon para makaiwas sa early childhood oral health issues ang mga bata. Nakakatulong din ito para ma-familiarize sila sa dental environment at mabawasan ang future dental anxiety o ang pagkatakot na bumisita sa dentista.
“Poor oral health can cause pain and infection, which can affect eating, sleeping, socialising and learning,” dagdag pa ni Dr. Morris.
Kahalagahan ng pagpunta sa dentista
Sa isang pag-aaral nga na ginawa ng University of Birmingham, University of Edinburgh at Public Health England, lumabas na sa England ay 3% lang ng mga bata ang nadadala sa dentista bago ang kanilang first birthday.
Mula noong 2014 to 2016 ay naitala sa bansa na ang tooth extraction ay ang main reason kung bakit naa-admit sa ospital ang mga batang may gulang na 5 to 9 years old. Ang tooth extraction din daw ang sixth most common procedure na ginagawa sa mga batang limang taong gulang pababa.
Maiiwasan daw sana ito sa pamamagitan ng early dental visits na nagsisimula sa paglabas ng una nilang ngipin. Ito ay para malaman ang mga dapat at hindi dapat sa kung paano alagaan ang ngipin ng baby.
Ang pag-alaga sa ngipin ay isang hakbang upang hindi magkaroon ng sirang ngipin ang bata at makatutulong din ito upang maiwasan na magkasungki ito. Nakukuha kasi ang sungki kapag hindi maayos ang pag-aalaga sa ngipin.
Paglilinis ng ngipin ng baby
Isa sa pangunahing paraan para maalagaan ang ngipin ni baby ay sa pamamagitan ng pagtotoothbrush na dapat gawin kapag lumabas na ang unang ngipin niya.
Gumamit lang ng soft brush na nilagyan ng konting toothpaste na ang dami ay kasing sukat ng butil ng bigas.
Dahan-dahang i-brush ang ngipin ni baby. Ito ay maari mong gawin hanggang siya ay tumungtong sa edad na kaya niya na itong gawin nang mag-isa. Para naman maalagaan ang gums ni baby ay dapat panatilihin itong malinis.
Gamit ang malambot at basang lampin o tela ay dahan-dahang punasan ang ngala-ngala ni baby. Gawin ito pagkatapos sumuso o dumede ni baby at bago siya matulog.
Sa ganitong paraan ay maaalis ang mga bacteria na maaaring manirahan sa ngala-ngala niya na maaring makasira sa kaniyang ngipin.
Halaga ng dental care para sa mga baby
Ang dental care para sa mga baby ay lubhang mahalaga sa pangkalahatang kalusugan ng bata. Narito ang mga mga dahilan kung bakit mahalaga na mabigayan ng maayos na dental care ang iyong anak:
1. Pag-iwas sa problema sa gums
Ang maingat na pangangalaga sa gums ng sanggol bago pa man magsimula ang paglabas ng ngipin ay makakatulong sa pag-iwas ng mga problema sa gums tulad ng pamamaga at pangangati.
2. Pagpapakita ng magandang halimbawa
Ang regular na dental care para sa baby ay nagbibigay daan sa pagpapakita ng magandang halimbawa ng pangangalaga sa sariling kalusugan. Ang mga sanggol ay madalas na sinusundan ang kilos ng kanilang mga magulang kaya naman mahalaga na habang bata pa lamang ay tinuturuan na natin sila sa pangangalaga sa kanilang ngipin o dental health.
2. Pag-iwas sa dental issues
Ang maagang dental care ay nagbibigay daan para maiwasan ang dental issues tulad ng pagkabulok ng ngipin at gum problems.
3. Pag-iwas sa baby bottle tooth decay
Ang maayos na dental care ay nagbibigay proteksiyon laban sa “baby bottle tooth decay,” isang kondisyon na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng tooth decay o cavities sa mga ngipin ng sanggol dulot ng mahabang panahon na pagkakaroon ng gatas o ibang likido sa bottle bago matulog.
4. Pagkakaroon ng maayos na dental hygiene habits
Ang maayos na pangangalaga sa ngipin ng baby ay nagbubukas ng daan para sa maayos na dental hygiene habits sa kanilang buong buhay. Ito ay nagtuturo sa kanilang maging responsable sa pangangalaga sa sarili sa kanilang dental health.
Sa kabuuan, ang halaga ng dental care para sa mga baby ay hindi lamang naglalayong mapanatili ang kalusugan ng kanilang mga ngipin kundi pati na rin ang pangkalahatang kalusugan nila. Kaya naman parents, habang bata pa sila ay ipakita ang magandang dental hygiene habits dahil tiyak na madadala nila ito hanggang sa sila ay tumanda.
Ikaw mommy? Paano mo alagaan ang ngipin ng baby?
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.