STUDY: Hindi mo mababago ang ugali ng asawa mo

undefined

May hindi ka gustong ugali ng asawa na nagiging ugat ng inyong pagtatalo? Narito ang mga dapat mong gawin para maisaayos ito.

Paano baguhin ang ugali ng asawa mo? Ayon sa pag-aaral, hindi mo na ito mababago. At ang magagawa mo lang ay pakisamahan ito gamit ang mga sumusunod na paraan.

Paano baguhin ang ugali ng asawa mo?

Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ni Harvard Professor Richard Hackman, hindi na mababago ang ugali ng isang tao. Sa kaso ng mag-asawa ay may mga paraan kung paano ito mapapakisamahan. Ito ay upang maiwasan ang away at hindi pagkakaintindihan sa pagitan nilang dalawa. Ang mga paraan na ito ay ang sumusunod:

1. Harapin at pag-usapan ang hindi ninyo pagkakaintindihan.

Ayon parin kay Prof. Hackman, hindi daw dapat iniiwasan ng mag-asawang harapin ang conflict o problema sa pagitan nilang dalawa. Dapat daw ito ay i-acknowledge at agad na pinag-uusapan. Dahil kung ito ay pababayaan lang na lumipas, ito ay mauulit lang muli at mas palalalain lang ang problema.

Bagamat ang panandaliang pag-iwas ay makakatulong para bumaba ang tensyon sa pagitan ninyong dalawa. Dapat daw kayo ay agad na mag-usap kapag kayo ay parehong kalmado na. Dahil ayon sa isang research, ang pagpapalipas ng mag-asawa sa mga usapin tungkol sa pera, religion, in-laws at kanilang pamilya ay nagiging dahilan upang hindi na maging masaya ang isang pagsasama sa pagdaan ng panahon.

2. Tanggapin ang differences o ang pagkakaiba ninyong mag-asawa.

Sa paglipas ng araw na kasama mo sa iisang bubong ang iyong asawa ay mas lalo mo siyang nakikilala. Dito na magsisimula ang pagtatanong mo kung paano baguhin ang ugali niya para lang tumugma ito sa gusto mo. Ngunit, muli hindi mo na ito mababago.  Ang magagawa mo lang ay maging mature, tanggapin at mag-adjust sa pagkakaiba ng ugali nyo. Dahil kung ipipilit mo pa ito, pagsisimulan lang ito ng problema at gulo.

Dahil ayon parin kay Prof. Hackman, 31% lang ng mga problemang pinag-uusapan ng mag-asawa ang tungkol sa mga resolvable issues. Ang natitirang 69% ay tungkol sa mga problemang may kaugnayan sa ugali, lifestyle at personalidad ng isa’t-isa.

3. Matutong magsalita o sabihin ang nararamdaman mo.

Minsan mas mabuti ang tumahimik para maiwasan ang problema sa pagitan ninyong mag-asawa. Ngunit kung pakiramdam mo ay paulit-ulit ng nagiging dahilan ang isang bagay ng problema sa inyong pagsasama at pamilya, oras na para ikaw ay magsalita at simulan ng pag-usapan ang isyu na ito ng iyong asawa. Dahil kung patuloy mo itong itatago at kikimkimin ay magiging sama lang ito ng loob na mas magiging mapanira sa inyong relasyon kapag sumabog na.

Ang pagtatago sa iyong nararamdaman ay maituturing din na pagsisinungaling sa iyong asawa. Kinalaunan ito rin ay magiging isyu na pag-uugatan ng panibagong problema. Kaya naman magkaroon ng boses at maging honest sa iyong nararamdaman lalo na sa harap ng iyong asawa. Dahil sa lahat ng pagsubok na dadaan sa inyong pamilya ay dapat haharapin ninyo ito ng magkatulong at magkasama.

4. Respetuhin ang feelings at opinyon ng isa’t-isa.

Para mas magkaintindihan ay dapat matuto rin ang mag-asawa na respetuhin ang feelings at opinyon ng isa’t-isa. Dahil tulad nga ng nauna ng nabanggit, bawat isa sa atin ay may pagkakaiba. Ngunit hindi nangangahulugan ito na kailangan mong sundin ang lahat ng sasabihin ng iyong asawa. Ang kailangan mo lang gawin ay bigyan siya ng iyong oras para dinggin ang kaniyang naiisip at saloobin. Saka ninyo pag-usapan kung ano ang inyong dapat gawin para magkasundo. O kaya naman ay magcome-up kayo sa isang solusyon na magiging beneficial sa inyong dalawa.

Ang pagpapakita ng respeto sa sinasabi at feelings ng iyong asawa ay maipapakita rin sa pamamagitan ng pagpapatapos sa kaniyang magsalita. Kahit ano pang init ng inyong pagtatalo, dapat mo itong laging subukan. Dahil ang pagiging defensive sa kaniyang sinasabi ay isang palatandaan lang na hindi mo pinapahalagan at nirerespeto ang paniniwala at nararamdaman niya.

Masalimuot, komplikado at mahirap ang buhay mag-asawa para sa iilan kung ito ay kanilang ilalarawan. Ngunit, magiging simple, masaya at madali ito kung marunong mag-bigay at umunawa ang mag-asawa sa isa-t-isa. Dahil sa panahon ng gusot at problema, wala namang ibang magtutulungan kung hindi ang ama at ina lang din ng pamilya.

Source: Psychology Today

Photo: Freepik

Basahin: 8 Paraan para mapasaya ang pagsasama

 

 

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!