Ang pag-aasawa ay isang pananagutang panghabambuhay—sa batas para sa mga kasal at legal ang pagsasama, sa Diyos para sa mga nagsumpaan sa harap ng dambana, at sa taong piniling maging kabiyak kasal man kayo o hindi. Kaya hindi rin maitatanggi na napaka-importante na malaman ng mga mag-asawa kung paano tumagal ang pagsasama.
Sa oras na pinili ng magkarelasyong iakyat sa antas ng pag-aasawa ang kanilang samahan, gayon din ang pagtaas ng antas ng kanilang pagtanaw ng pananagutang maging tapat sa isa’t isa at sa bubuoing pamilya. Pero hindi lingid sa ating kabatiran ang malaganap at patuloy pang tumataas na bilang ng mga kaso ng naghihiwalay na mag-asawa, mapakasal man o hindi ang nagsasama.
Paano tumagal ang pagsasama ninyong mag-asawa?
Sa datos ng Philippine Statistics Authority o PSA, naitala noong 2010 ang mahigit 890,000 kaso ng mga naghiwalay na ma-asawa, habang pumalo naman nang mahigit 1,200,000 kaso naman ang naitala noong 2015.
Nangangahulugan ito tatlompung porsyentong (30%) pagtaas ng bilang ng mga kaso ng hiwalayan sa pagitan ng mga mag-asawa mula taong 2010 hanggang taong 2015.
Batay pa rin sa record, walompung porsyento (80%) naman ang itinaas ng bilang ng mga live-in partner na naghiwalay. Mula sa halos apat na milyon noong 2010, umakyat pa ito sa mahigit pitong milyon noong 2015.
Kaya naman bilang tugon ng theAsianparent-Philippines sa usapin ng pagpapatatag ng samahan ng ilaw at haligi ng bawat pamilyang Pilipino, naghanda tayo ng limang mainam, kailangan, o dapat gawin upang magtagal ang pagsasama ng mga mag-asawa.
1. Maging number one cheerleader ng inyong asawa.
Ang tip na ito ay napaka-importante sa mga couples na nais malaman kung paano tumagal ang pagsasama.
Marami na ang nagbago sa pamumuhay ng mga tao kumpara noong araw sa kasalukuyan nating panahon. Kasama na rito ang makabagong kulturang humuhubog sa kung papaano tayo mag-isip ngayon, pangunahin na ang batay sa kung anong ihinahain sa atin ng media at komersyo.
Sa dami ng pagsubok sa araw-araw na pamumuhay ng bawat isang “adult,” mula sa pagiging asawa sa kabiyak, magulang sa mga anak, hanggang sa pagiging empleyado, trabahador, o amo sa kani-kaniya nating hanapbuhay, hindi ba’t napakasarap sa pakiramdam na malagpasan ang bawat hamon ng buhay dahil tiyak mong may better-half kang laging maaasahan?
Wala nang lalalim pa sa suportang maaaring ibigay ng misi sa kaniyang mister, and vice versa, lalo na sa mga panahong dumaraan sa mga personal, self battle ang isa sa inyo o kayong pareho. At sa bawat pagsubok na nalalampasan ng bawat isa sa inyo, pagsubok iyon na pinagtuwangan ninyong lutasin at lunasan—pagsubok na lalong nagpapalalim ng ugnayan ninyo sa isa’t isa at nagpapatatag ng inyong pagsasama.
2. Tanggaping walang taong perpekto kahit pa ang asawa mo.
Noong kabataan ninyo, na hindi pa kayo nagiging magkarelasyon o baka hindi pa man nagkakakilala, kadalasang may isine-set ang bawat isa sa sarili ng mga standard o pamantayan nila ng isang babae o lalaking nais niyang makasama habambuhay pagdating ng panahon. Ideal ito kung tutuusin.
Sa paglao’t kasama na ninyo sa buhay ang inyong napiling kabiyak ng sarili, tila hindi pa rin nawawala iyong “ideal” man o woman na nai-set na ninyo noon. Kaya ito rin ang nagiging batayan ninyo sa araw-araw ng inyong pagsasama ng pagiging mabuti ng inyong asawa. At sa bawat pagkakataong hindi niya natutupad ang mga bagay na inaasahan mong dapat niyang magawa o hindi gawin, unti-unting nagpapatong-patong sa isip mo ang mga “kasong” ito, na kalauna’y nauuwi sa maling pagpapakahulugan sa iyong asawa bilang masama o undeserving.
Tandaan, walang taong perpekto kahit pa ang asawa mo. Maaaring hindi niya nagagawa nang tama ang ilang bagay sa inyong pagsasama, gaya na lamang ng mga gawaing-bahay o hustong pagbu-budget ng pera, pero baka naman nasa ibang aspeto ng inyong relasyona ng kalakasan niya.
Halimbawa, alam niya agad kapag may problema ka o iniindang sakit sa katawan kaya nariyan agad siya para kumustahin ka, aliwin, o kaya’y masahihin. Maaari rin namang hindi siya magaling mag-budget pero mahusay siyang dumiskarte at good provider naman ng inyong pamilya.
Laging isaisip na kaakibat ng pag-aasawa ang panghabambuhay ninyong pananagutang kilalanin pang lalo ang isa’t isa, tanggapin, unawain, pagpasensiyahan, punahin, at araw-araw na muling piliin ang isa’t isa sa loob ng inyong pagsasama. Hindi man kayo perpektong pareho pero kayo ay pagpapala ng bawat isa sa isa’t isa.
3. Kilalanin at isabuhay ang marriage goal na “equity over equality.”
Kapag sinabing equity sa pagsasama ng mag-asawa, tumutukoy ito sa bigaya ni mister at ni misis ng karampatang pangangailangan at naisin ng kabiyak para sa ikalulugod nila—physically, mentally, emotionally, psychologically, and spiritually.
Sa kabilang banda, tumutukoy naman ang equality sa pagiging pantay at patas ninyong mag-asawa sa isa’t isa.
Walang masama kung nagnanais ang mag-asawang maging patas at pantay sila sa isa’t isa, pero isaalang-alang ang katotohanang hindi ito aplikable sa lahat ng aspeto ng inyong pagsasama.
Unang-una, marami kayong pagkakaiba na hindi maaaring maipagpareho kailanman pero maaaring maipagkasundo at punan ang kakulangan at kahinaan ng isa’t isa. Kaya isaaalang-alang ang kahinaan at kalakasan ng bawat isa, at magkaroon ng bigayan ayon lamang sa kakayahan at pangangailangan.
4. Ituring ang pagtatalik bilang isa sa pinakamahahalagang sangkap at aspeto ng pagsasama ninyong mag-asawa.
Madaling isiping likas na kabilang sa pagsasama ng mag-asawa ang pagtatalik. Oo, totoo naman ito. Ngunit, habang lumalaong nalilipasan ng edad ang mag-asawa kasabay ng nagpapatong-patong na responsibilidad sa loob ng tahanan o pamilya, gayon na lamang din unti-unting nawawalan ng puwang sa kanila ang pagtatalik.
Mahalagang mailinaw na ang pagtatalik na tinutukoy natin dito ay hindi iyong ginawa lamang ng mag-asawa dahil gusto lamang “pagbigyan” ng isa ang kabiyak. Sa halip, iyon sanang pagtatalik na ginusto pareho ng magkabiyak, o unang ginusto ng isa pero ginusto rin ng isa, nang walang anumang ibang dahilan.
Kadalasan, mas nakikiliti ng mag-partner ang isa’t isa hindi pa dahil sa akto ng pagtatalik kundi dahil sa atko ng pagnanasa nila sa isa’t isa. Dahil dito, malaking dahilan ito para sa mapanatili ang init ng inyong pagsasama.
5. Alalahanin ang posibilidad ng lahat ng bagay ay may katapusan, maging ang inyong pagsasama.
Hindi masamang napag-uusapan ninyong mag-asawa ang ilang “what ifs” sa inyong pagsasama. Tulad na lamang ng “what if dumating ‘yung panahong hindi na talaga tayo magkasundo,” “what if dumating tayo sa point na gusto nang umalis ng isa sa loob ng pagsasama,” o “what if kailanganin nating maghiwalay talaga?”
Ang totoo, nakatutulong ang bukas na pag-uusap ng mga ganitong usapin sa pagitan ng mag-asawa. Hindi dahil ihinahanda nila ang mga sariling hahantong nga sila sa tuluyang paghihiwalay kalaunan, kundi para maging tuntungan pa ng mas malalim nilang pag-a-assess sa kasalukuyang takbo ng pagsasama nila. Nakatutulong din ito nang makapagplano ang mag-asawa ng mga tiyak na hakbang na dapat gawin at mga bagay na dapat iwasan upang matugunan ang mga kalabisan at pagkukulang ng isa’t isa sa loob ng pagsasama.
Para sa mas marami pang “hashtag goals together” ninyong mag-asawa, huwag mag-atubiling gawin ang mga hakbang na ating inisa-isa. Bagama’t may ilang hindi ganoon kadali, o parang corny kung iisipin at gagawin, ang lagi namang mahalaga ay ‘yung pagsasaalang-alang sa mga ikatatagal ng pagsasama nang may buong tiwala, paggalang, at pagmamahal sa isa’t isa.
Basahin: 6 na paraan para manumbalik ang init ng inyong pagsasama
Sources: Psychology Today, DWIZ
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!