Gabay sa tamang pag-gamit ng pregnancy test kit

Paano gumamit ng pregnancy test? Alamin kung paano ito gamitin, mga myth sa pag-gamit nito, at iba pang gabay para malamang kung ika'y nagdadalang-tao.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Sa kabila ng modernong panahon, marami pa ring mga kababaihan na nag-aatubiling gumamit ng home pregnancy test kit para malaman kung sila ba ay nagdadalang-tao o hindi. Paano nga ba gamitin ang pregnancy test? Gaano ito ka-epektibo sa pag-detect kung buntis nga ba ang isang babae?

Home pregnancy test

Ang home pregnancy test ay ang pinakamadaling paraan upang malaman kung positibo o negatibo ang hinihinalang pagbubuntis. Subalit marami pa ring kababaihan ang hindi alam kung paano gamitin ang pregnancy test sa tamang paraan.

Sa pregnancy test malalaman kung ikaw ay buntis sa pamamagitan ng hormone na kung tawagin ay human chorionic gonadotropin o hCG, na makukuha lamang mula sa ihi ng babaeng buntis.

Paano gamitin ang pregnancy test? | Image from Freepik

Bago gumamit ng pregnancy test na mabibili sa drug stores, importanteng basahing mabuti ang mga nakasulat sa pregnancy test kit upang malamang kung paano gamitin ang pregnancy test na iyong binili.

Bagama’t halos magkakapareho ang pagkakagawa ng mga ganitong produkto, mabuti pa rin na sundin ang steps na sinabi ng manufacturer ng pregnancy test kit.

Minsan ay nagkakaiba ang pregnancy test kits sa paraan ng pagkuha ng ihi, kung gaano katagal dapat mababad sa kit ang ihi, at ang simbolong lumalabas para sa resulta.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Maging pamilyar sa simbolo ng resulta na gamit sa pregnancy test kit para hindi malito kung ikaw ay buntis o hindi. Mainam na gumamit ng pregnancy test kit pagkagising sa umaga dahil mas mataas ang konsentrasyon ng hCG na nasa ihi.

Paano gumamit ng pregnancy test?

Sa pagsasagawa ng pregnancy test, umupo sa toilet at umihi sa pregnancy test stick o kaya kolektahin muna ito sa isang maliit at malinis na plastic cup depende sa panutong nakalagay sa kit.

Kunin ang gitnang ihi o midstream ng ihi, ibig sabihin ay umihi ka muna nang kaunti bago kunin ang sample ng ihi para sa pregnancy test. Kung kailangang direktang umihi sa pregnancy test stick, siguraduhing sundin ang mungkahing oras ng manufacturer.

Kung kinolekta naman muna ang ihi sa isang plastic cup, gumamit ng dropper para ilagay ang sample ng ihi sa pregnancy test stick. Muli, sunding mabuti ang steps na nakalagay sa pregnancy test kit.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Step by step kung paano gamitin ang pregnancy test

Sa bawat mabibiling pregnancy test kit, hindi mawawala ang nakalagay na step by step instructions na makikita sa likod ng pakete nito. Narito ang ilan sa mga dapat ding tandaan na step by step bago at habang ginagamit ang pregnancy test:

Bago gamitin ang pregnancy test:

  1. Bumili ng pregnancy test kit – Mas mainam na bumili ng pregnancy test kit sa drug store na kung saan malaki ang  product turnover. Sa paraang ito, mas makakabili ka ng mas bagong produkto, at hindi yung matagal nang naimbak sa store.
  2. I-check ang expiration date sa mga test kit at siguraduhing valid pa ang mga ito. Kung nakabili na noon ng test kit at naimbak sa lugar tulad ng banyo kung saan madaling uminit at mag-moist, siguraduhing hindi pa ito expired. Bumili na ng bago kung na-expire na.
  3. Basahin ang lahat ng step by step instruction nang mabuti. Maaari ring magtanong sa nakalagay na toll-free contact number kung may katanungan hinggil sa paggamit ng pregnancy test kit.
  4. Kuhanin ang lahat ng mga gagamitin – Maliban sa test kit, kakailangan mo rin ang relo o timer, flat na patungan, at malinis na cup para ipansalo sa ihi na gagamitin sa pregnancy test.

Step by step kung paano gamitin ang pregnancy test at home

I-take ang pregnancy test sa umaga. Kung buntis ka, mas magiging accurate ang resulta kapag kumuha ng sample urine sa unang pag-ihi pagkagising. Mas concetrated sa hCG ang ihi sa unang beses ng pag-ihi kaysa sa pag-ihi sa mga sumunod na beses.

Mainam rin na kumuha ng midstream sample ng iyong ihi. Ibig-sabihin, hayaan munang dumaloy ang unang paglabas ng ihi, saka kumuha ng sample sa kalagitnaan ng iyong pag-ihi.

Paalala sa iba pang uri ng pregnancy test kit:

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement
  • Kung ang nabiling pregnancy test ay nirerequire na umihi sa mismong product stick, itapat ang side ng test stick na may absorbent tip sa dumadaloy na ihi, habang nakikita mo ang  result window ng kit. Umihi sa absorbent tip mula 5 to 10 seconds, o batay sa instruction ng nabiling produkto.
  • Kung nangolekta ng ihi sa cup, gumamit ng dropper para maglagay ng kaunting sample ng ihi sa testing well. Kung walang nai-provide na dropper ang nabiling kit pero sinabing maaaring gumamit ng collection cup, isawsaw ang absorbent end ng test kit sa cup ng ihi at maghintay ng 5 to 10 seconds bago alisin.

Paano ang tamang paggamit ng pregnancy test

Minsan, ang desisyon na gumamit ng pregnancy test ay nagiging source ng anxiety ng mga kababaihan. Maaaring gagamit ka ng pregnancy dahil gusto mong makitang buntis ka. Sa kabilang banda, posible ring gagamit ka nito dahil ayaw mong mabuntis.

Mapa-positive o negative man ang resulta ng pregnancy test, ang maagap na paraan kung paano gamitin ang pregnancy test ay mainam para malaman na buntis ka. Pero, maaaring lumabas na negatibo ang resulta sa maagang paggamit ng test kit kahit na buntis ka pala.

Ang best time sa iyong cycle kung paano at kailan dapat gamitin ang pregnancy test

Ang best time kung kailan dapat gamitin ang pregnancy test ay kapag na-late ang iyong regla cycle. Ginagawa ito para maiwasan ang anumang false-negative. Kung hindi ka pa gumagamit ng fertility calendar, mainam ang tamang timing sa paggamit ng pregnancy test.

Kung iregular ang iyong cycle, o hindi ka nagchachart ng iyong cycle, huwag munang gumamit ng pregnancy test habang hindi pa nakakaabot sa pina-late na cycle mo.

Halimbawa, kung ang dalaw o regla mo ay sasapit tuwing 30-39 days, gumamit ng pregnancy test sa day 40 o mas late pa kung hindi ka pa dinaratnan ng dalaw.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Pero, may ilan pang bagay na dapat i-consider sa pagtetake ng pregnancy test. Ayon sa FDA, batay sa pag-review ng VeryWellFamily.com, 10 hanggang 20 sa mga babae ang makakakuha ng negatibong pregnancy test sa araw na inaakala nilang nalipasan ang kanilang regla.

Ang resultang ito ay pwedeng lumitaw na negatibo kahit na buntis sila. Mas mainam talagang gawin kung kailan at paano ang pregnancy test kung late na talaga ang iyong regla.

Best na oras kung kailan at paano gamitin ang pregnancy test

May dulot na epekto rin ang paggamit ng pregnancy test kung anong partikular na oras sa isang partikular araw ito gagawin. Mas madalas na makakakuha ng accurate na resulta kapag ginawa ang pregnancy test sa umaga.

Applicable ito lalo na kung hindi pa late ang iyong regla, o kung 1 hanggang dalawang araw pa lamang late ang iyong dalaw.

Ang mga at-home pregnancy test kit ay nagagamit sa pamamagitan ng pag-detect nito sa hCG sa iyong ihi. Pwedeng kapag nagising ka sa gabi at umihi, mas concentrated ng hCG ang ihi mo sa unang pag-ihi sa unang paggising. Sa pag-ihi na concetrated ng hCG, posibleng makakuha ka ng positibong resulta ng pregnancy test.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Sa kabilang banda, maaari pa rin naman na sa kalagitnaan ng araw gamitin ang pregnancy test, maging sa gabi. Mas makukuha mo nga lang ang resultang false-negative, lalo na kung hindi naman late ang iyong regla. Pwede rin itong mangyari kapag sobra ang pag-inom ng tubig kaya nagiging dilluted ang ihi mo.

Hintayin ang oras na sinasabi sa pregnancy kit. Kadalasang tumatagal mula isa hanggang limang minuto ang paghihintay bago lumabas ang resulta, depende sa pregnancy test kit na gamit.

Kapag oras na, tingnan ang simbolong lalabas sa result window ng pregnancy test stick. Pagkatapos ay tignan sa pregnancy test kit ang ibig sabihin ng simbolong lumabas sa resulta para malaman kung buntis o hindi.

Karamihan ng pregnancy test kit ay gumagamit ng mga pulang linya bilang simbolo—isa kung negatibo, dalawa naman kung positibo.

Ang makikita sa pregnancy test kit

May pagkakataong dalawa linya ang lumalabas ngunit malabo. Maaari pa rin itong ituring na positibo dahil nahantad nito ang mga kemikal na pregnancy test kit sa hCG na nasa sample ng ihi. Maaaring mag-test ulit makalipas ng ilang araw para makumpirma. Mainam rin na kumonsulta sa iyong OB-GYN.

Kung negatibo ang resulta, maghintay ng isang linggo. Muling gumamit ng pregnancy test kung hindi pa rin datnan ng regla. Kung sakaling negatibo pa rin, mainam na kumonsulta sa doktor para masiguro ang posibleng dahilan ng hindi pagkakaroon ng buwanang dalaw.

Tandaan: huwag nang basahin ang pregnancy test matapos ang inirekumindang oras. Habang tumatagal kasi nagkakaroon minsan ng linya dahil sa natuyong ihi. Mas accurate ang resulta kapag tinignan ito sa loob ng ilang minuto matapos kunin ang test.

Paano gamitin ang pregnancy test? | Image from Freepik

Marami pa rin sa mga kababaihan, lalo na ng mga kabataan, ang walang ideya kung paano gumamit ng pregnancy test hanggang ngayon. Dahil dito, may ilang mga maling akala tungkol sa mga at-home pregnancy test ang patuloy pa ring usap-usapan sa mga kababaihan.

Na-interview ng Fox News Health si Dr. Mary Jane Minkin, isang clinical professor of obstetrics and gynecology sa Yale University School of Medicine.

Ayon kay Dr. Minkin, may apat na madalas na misconceptions tungkol sa pregnancy test.

MYTH: Madaling malaman agad kung potisitibo ang pagbubuntis kung gagamit ng at-home pregnancy test sa tamang paggamit nito

Madalas na accurate ang resulta kung gumamit pregnancy test ngunit hindi ito agad-agad na malalaman.

Ayon kay Dr. Minkin, madalas ay umaabot ng limang araw o higit pa para mapunta ang isang fertilized egg sa uterus. Kasunod nito ay ang pag-uumpisa ng produksyon ng hCG, isang uri ng hormone na lumalabas kasunod ng egg fertilization at dumikit sa uterus.

“Kung ikaw ay nakipag-sex at gumamit ng pregnancy test matapos ang ilang araw, maaaring maging negatibo ang resulta nito. Ngunit hindi ibig sabihin na hindi ito tama o hindi ka buntis. Maaaring masyado lang maaga ang paggamit ng pregnancy test.”

Mas mainam na gumamit ng pregnancy test isang linggo matapos ang missed period para mas accurate ang resulta nito.

MYTH: Walang anumang makakaapekto sa resulta ng at-home pregnancy test.

Totoo na ang ehersisyo, pagkain, stress, at lifestyle ay hindi nakaaapekto sa produksyon ng katawan ng hCG kapag implanted na ang isang fertilized egg.

“Pero may ilang fertility treatments ang naglalaman ng hCG, na maaaring madulot ng isang false positive result,” sabi ni Dr. Minkin.

Ang at-home tests ay nagme-measure lamang ng present hormone, hindi ang eksaktong levels ng naturang hormone. Kung umiinom ng fertility medicines, mas mabuti na kumonsulta sa doktor para siguraduhin ang pagbubuntis.

Paano gamitin ang pregnancy test? | Image from Freepik

MYTH: Hindi kailangang gumastos nang malaki—maraming mura at natural na paraan kung paano gamitin ang pregnancy test.

Bagamat may ilang mga tinatawag na DIY pregnancy test sa internet, madalas ay hindi naman ito accurate. Dagdag pa, maaaring ang DIY pregnancy test ay maaaring hindi tama kung paano gamitin ito.

“Bukod sa hCG, wala nang iba pang sine-secrete ang ating katawan mula sa ihi na magkapagbibigay ng clue kung ikaw ay nagdadalang-tao,” sabi ni Dr. Minkin. “Kaya kung hindi mine-measure ng test ang hCG, at walang iba pang natural na paraan, wala itong anumang mapapatunayan tungkol sa pagbubuntis.”

Para maging totoo ang resulta, mas mabuti na gumastos nang kaunti kaysa gumamit ng hindi safe na tinawag na “holistic” methods.

MYTH: Sa pamamagitan ng ilang makabagong urine tests, malalaman na rin ang magiging gender ng baby.

Nakasasabik isipin na sa mga unang stage pa lang pagbubuntis ay malalaman na agad ang kasarian ng baby. Ngunit ang paggamit ng urine test ay walang kasiguraduhan na mapre-predict agad ang sex ng baby, isa lamang itong gimmick.

“Walang sex hormones sa ihi” at “pareho lang level ng hCG na mabubuo lalaki man o babae ang magiging anak. Kaya ang paggamit ng urine test ay hindi paraan para malaman ang magiging kasarian ng baby,” sabi ni Dr. Minkin.

Kung talagang nais malaman ang magiging kasarian ng baby, mas mabuti na magpa-ultrasound. Ito lamang ang tiyak na paraan para malaman ang gender ng baby. Ang ultrasound ay madalas na ginagawa mula week 16 hanggang 20 ng pagbubuntis.

 

If you want to read the English version of this article, click here.

Dagdag na kaalaman mula kay Nathanielle Torre

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.