Paano linisin ang manok ng tama, ito ang nais ituro at ipaliwanag ng isang bagong pag-aaral na isinagawa ng United States Department of Agriculture (USDA) at North Carolina State University. Dahil ayon sa kanila ang paghuhugas ng hilaw na manok ay hindi naglilinis nito. Sa halip ay mas kinakalat pa nito ang bacteria na nagdudulot ng sakit at food-poisoning kapag nakain o nakapasok sa katawan ng tao.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
Pag-aaral tungkol sa tamang paglilinis ng manok
Ito ang natuklasan ng mga researcher ng ginawang pag-aaral matapos imbestigahan kung paano inihahanda at niluluto ng 300 na katao ang hilaw na manok.
Para maisagawa ang eksperimento ay sinadya ng mga researcher na padalhan ng food safety messages ang ilang participants ng ginawang pag-aaral. Ito ay bago gawin ang actual experiment. Sa ibinigay na mensahe ay ini-encourage ang mga napiling participants ng pag-aaral na huwag hugasan ang lulutuing manok.
Nang gawin na ang actual experiment, 61% ng mga participants na hindi pinadalhan ng food safety message ay hinugasan ang hilaw na manok na kanilang niluto. At kalaunang natuklasan na 30% sa salad na ginawa nila ay contaminated ng bacteria na nagmula sa nilutong manok.
At nang inspeksyunin ang sink o lababong pinaghugasan ng hilaw na manok gamit ang blacklight, ang malinis na sink sa normal na mga mata ay puno ng nagkalat ng contaminated bacteria pala.
Paliwanag ng mga eksperto
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention o CDC, ang hilaw na manok at iba pang poultry meat ay contaminated ng bacteria na nagdudulot ng foodborne illness. Ang mga bacteriang ito ay salmonella, campylobacter at Clostridium perfringens na nagdudulot ng sakit kapag pumasok sa ating katawan. Tulad ng salmonella na nagdudulot ng diarrhea, lagnat at stomach cramps. Sa US naiulat na 400 ang namamatay sa bansa kada taon dahil sa salmonella.
At ayon kay Darin Detwiler, isang professor ng food policy sa Northeastern University at food safety expert, ang paghuhugas sa hilaw na manok ay hindi basta mapapatay ang mga bacteriang ito. Sa halip ay mas ikakalat lang nito ang mga bacteria na maaring mapunta pa sa ibang pagkaing ihahain. Tulad ng nangyari sa isinagawang eksperimento.
Ayon naman kay Ben Chapman, isang food safety specialist at professor sa N.C State, ang pagbabad ng hilaw na manok sa suka o lemon juice ay walang matibay na ebidensiyang nagpapatunay na napapatay ang bacteriang mayroon ang hilaw na manok.
Paano linisin ang manok ng tama
Ngunit hindi naman daw ibig sabihin nito ay hindi na dapat hugasan ang hilaw na manok na lulutuin. Ayon kay Londa Nwadike, assistant professor at food safety specialist sa Kansas State University, ang pinakatamang paraan ng paghuhugas ng manok ay kapag nasa farm o kaya naman sa lugar na malayo ito sa pinaghahandaan o pinaglulutuan ng pagkain.
At ang pinakatamang paraan para matanggal ang mga bacteriang ito ay ang tamang init o temperature sa pagluluto ng manok. At ito ay 165 degrees Fahrenheit, ayon sa FoodSafety.gov.
Mas mabuti daw kung lalagyan ng thermometer ang pinakaloob ng karne ng manok para masigurong naabot nito ang nasabing temperatura. Ito ang dagdag na pahayag ni Londa Nwadike.
Samantala ang iba pang tips kung paano linisin ang manok ng tama ay ang sumusunod:
- Gumamit ng hiwalay na cutting boards o utensils para sa raw meat at iba pang pagkain.
- Gumamit ng food thermometer para masigurong maluluto ang manok ng tama.
- Linisan at i-sanitize ang iyong sink o kitchen counters bago at matapos maghanda ng pagkain.
- Maghugas ng kamay ng maayos gamit ang tubig at sabon sa loob ng 20 seconds. Saka patuyuin at punasan ng paper towel. Itapon agad ang ginamit na paper towel.
Kaya iiwas na sa sakit at harmful bacteria ang iyong pamilya. Ito ay sa pamamagitan ng mga nasabing paraan kung paano linisin ang manok ng tama.
Source: NBC News, Self
Photo: Reader’s Digest
Basahin: Nalunok na buto ng manok, naging sanhi ng pagkamatay ng sanggol
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!