Kailangan mo ba ng pera at naiisipan nang manghiram? Paano ba mag-apply ng loan sa mga ahensiya ng gobyerno tulad ng SSS, Pagibig at GSIS? Alamin dito!
Paano mag-apply ng loan?
Nasubukan mo na bang mangutang sa gobyerno para sa partikular na pangangailangan mo? Pribado man o gobyerno ang pinagtatrabahuhan, ang isang empleyadong regular na naghuhulog ng kontribusyon sa Pagibig at Social Security System (SSS) ay maaaring umutang para sa personal na pangangailangan, pabahay, sa oras ng sakuna o kahit para sa renovation ng pag-aaring bahay.
Kung ikaw ay empleyado ng pamahalaan o ng isang government office, sa Government Service Insurance System o GSIS ka naman maaaring mangutang. Maluwag ang pagbabayad dahil ibinabawas na ito sa buwanang sweldo at hindi mataas ang kaltas at interes nito.
Bawat ahensya na ito ng gobyerno ay may requirements o papeles na kakailanganin para maaprubahan ang loan ng isang empleyado. Anu-ano nga ba ito?
Paano mag-apply ng loan sa Pag-IBIG
Ang Pag-IBIG ang sangay ng gobyerno na nagbibigay ng tulong na pinansiyal para sa mga Pilipinong nais na bumili o magpatayo ng sariling bahay. Mayroon silang tinatawag na Home Development Mutual Fund o HDMF, na naisabatas noong 1978, at nagkaroon ng ilan pang pagbabago noong 2009. Ang Pag-IBIG ay acronym para sa “Pagtutulungan sa Kinabukasan: Ikaw, Bangko, Industria at Gobyerno”.
Layon nitong mabigyan ng pagkakataon na makapag-ari ng sariling bahay ang bawat manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng isang epektibong savings scheme. Magaan kasi ang paghuhulog sa loan na makukuha mula sa Pag-IBIG, kaya’t laking tulong ito sa mga ordinaryong empleyado na nais maiayos ang pamumuhay ng kanilang pamilya.
Paano mag-apply ng loan sa Pag-IBIG: Ano ang mga kailangan?
Pag ibig loan requirements
- Housing Loan Application (HLA) form, notarized at may ID photo – orihinal na kopya.
- Aprubadong Membership Status Verification Slip (MSVS) – orihinal na kopya
- Certified true copy ng Transfer Certificate Title (TCT) ng property, mula sa Registry of Deeds (pinakabagong titulo)
- Photocopy ng updated na Tax Declaration
- Mapa ng lokasyon ng itatayo o bibilhin na bahay
Pag ibig loan requirements para sa empleyadong miyembro
- Notarized Certificate of Employment and Compensation (Pag-IBIG Format)
- Notarized Certificate of Employment and Compensation (Employer’s Format) at isang buwang Pay Slip (pinakabago)
- Income Tax Return/Certificate of Tax Withheld (W2 – Form 2316) at isang buwang Pay Slip (pinakabago)
Para sa Self-employed na miyembro ng Pag-IBIG:
- Income Tax return (isang taon) kasama ang Audited Financial Statements at Official Receipt ng tax payment mula sa bangko.
- DTI Registration
- Business o Mayor’s Permit
Para sa Pag-IBIG Overseas Program (POP):
- Employment Contract o Employer’s Certificate of Income, sertipikado ng employer (at may English translation kung ito ay nakasulat sa ibang wika), o iba pang Proof of Income
- Special Power of Attorney (SPA) notaryado bago ang petsa ng pag-alis sa bansa, o duly certified at authenticated ng Philippine Embassy o Consulate sa bansa kung saan nagtatrabaho.
Pagkatapos tingnan ang application, maaaring humingi ang Pag-IBIG ng karagdagang papeles tulad ng Contract to Sell Purchase Agreement, Building Plans, Specifications at Bill of Materials na pirmado ng Licensed Civil Engineer o Architect at Real Estate Tax Receipt.
Mga dokumentong kailangan kapag naaprubahan ang Loan:
- Transfer Certificate of Title (TCT) sa pangalan ng miyembrong humihiram, na may sapat na mortgage annotation para sa Pag-IBIG Fund (Owner’s Copy)
- Certified true copy ng TCT sa pangalan ng miyembrong nanghiram na may sapat na mortgage annotation para sa Pag-IBIG Fund (kopya ng RD)
- Photocopy ng New Tax Declaration na nakapangalan sa miyembrong nanghiram at Updated Tax Receipt
- Proof of Billing
- Mga dokumento ng Loan Mortgage
- Loan at Mortgage Agreement na may orihinal na tatak ng RD
- Notarized Promissory Note
- Disclosure Statement on Loan Transaction
- Para sa empleyadong miyembro: Collection Servicing Agreement na may Authority to Deduct Loan Amortization o Post Dated Checks
- Para sa Self–Employed: Post–Dated Checks
Maari mong makita ang kumpletong listahan ng dokumentong kailangan sa link na ito.
Paano mag-apply ng Pag-IBIG loan: Ano ba ang Proseso?
Kailangang nakapaghulog na ng 24 buwang kontribusyon o katumbas nito para maging kwalipikadong mangutang. Ang halaga na maaaring hiramin ay naka-depende sa bilang ng kontribusyon na naihulog.
Halimbawa: bilang ng buwan (24) x halaga ng kontribusyon ng miyembro (PHP 200 kada buwan), at ang loan factor na 60%. Ibig sabihin, halagang PHP 2,880 sa PHP 4,800 na iyong naihulog ang maaaring hiramin, sa 30 buwang pagiging miyembro ng PAG_IBIG.
Ang halaga ng maaaring hiramin ay lumalaki habang lumalaki rin ang halaga ng naihulog na; gayundin ang loan factor. Kung ang empleyado ay nakapaghulog na ng 120 buwan o higit pa, nagiging 80% ang loan factor.
May loan renewal din, ngunit kailangang 6 na buwan na ang naibayad sa kasalukuyang utang, at ang outstanding balance, kasama ng accumulated na interes, penalties at charges ay ikakaltas sa bagong halaga na inuutang.
Kung may iba’t ibang employer na sa paglipas ng mga taon, ililista ang lahat ng mga ito at sisiguraduhing may kumpletong tala ang PAG-IBIG ng work history ng miyembro. Kung iisang employer lamang ang pinagtrabahuhan, magiging mas maikli ang pagpoproseso ng loan.
HOME DEVELOPMENT FUND (Pag-IBIG)–Calamity Loan
Maaaring makakuha nito ang kahit sinong kasapi ng Pag-IBIG na mayroong hindi bababa sa 24 buwang kontribusyon, nakapag-ambag ng 5 buwang impok sa loob ng huling anim na buwan. Kailangan ding residente ng lugar na nasa ilalim ng State of Calamity.
Kailangang magpasa ng mga sumusunod na dokumento sa tanggapan ng Pag-IBIG, sa loob lamang ng 90 araw matapos ang deklarasyon ng State of Calamity:
- Calamity Loan Application Form (makukuha sa www.pagibigfund.gov.ph at sa mismong tanggapan ng Pag-IBIG);
- kopya (photocopy) ng 2 lehitimong ID
- katibayan ng kabuhayan/income
- Declaration of Being Affected by Calamity (para sa mga pormal na empleyado lamang)
- Maaaring magpasa ng aplikasyon sa Pag-IBIG Calamity Loan
Ang bawat miyembro ng Pag-IBIG ay makahihiram ng halagang hindi lalagpas sa 80% ng kanilang Total Accumulated Value (TAV) ayon sa mga kondisyong nakatakda sa programa. Kada taon, maidaragdag ang interes nitong aabot lamang ng 5.95%.
Ang amortisasyon nito ay dalawampu’t apat na buwan ang haba—ang unang tatlong buwan nito ay itinuturing na grace period o panahong pahihintulutang makaligtaan ang pagbabayad nang walang anumang interes o multa. Magsisimula ang pormal na pagbabayad sa ikaapat na buwan mula sa araw kung kailan iginawad ang tseke.
Para sa mga katanungan at iba pang detalye, maaaring makipag-ugnayan sa Pag-IBIG sa numerong (02) 724-4244 o bumisita sa alinmang tanggapan ng Pag-IBIG.
Paano mag-apply ng loan sa SSS
Para sa mga miyembro naman ng SSS, kwalipikadong mag-apply ng loan kapag ang miyembro ay kasalukuyang employed, self-employed o boluntaryong miyembro na patuloy ang paghuhulog ng buwanang kontribusyon.
Anong mga uri ng Loan ang binibigay ng ahensiya?
Ang SSS ay nagpapautang ng Salary Loan at Calamity Loan. Para makahiram ng kasing-halaga ng isang buwang suweldo, kailangang hindi bababa sa 36 ang naihulog nang kontribusyon, at mayroong hindi bababa sa 6 na kontribusyon ang naibayad na sa loob ng huling 12 buwan.
Para sa kasing-halaga ng 2 buwang sahod, dapat ay nakapaghulog na ng 72 buwan ang miyembro, at hindi bababa sa 6 na kontribusyon ang naibayad sa loob ng 12 buwan bago ang loan application.
Kung ang miyembrong nanghihiram ay isang empleyado, kailangan ding patuloy at aktibo ang pagbabayad ng kaniyang pinagtatrabahuhang kompanya, pati na ang mga empleyado nitong SSS members din.
Ano ang mga limitasyon?
Hindi na maaaring manghiram ang miyembrong:
- higit sa 64 taong gulang and edad;
- nakakolekta na ng anumang permanent disability, retirement o death benefit mula sa SSS;
- may record na ng disqualification dahil sa fraud.
Paano nga ba mag-apply ng Salary Loan?
Ayon kay Millie Eufracio, isang Admin Lead at Executive Assistant para sa Country Head ng Alere (isang BPO), maaaring makapag-apply online ang mga miyembrong nais manghiram. Sa SSS website nakatala ang lahat ng kailangang papeles para sa makapag-apply ng salary loan; i-click lang ang link na ito.
May mga forms na maaaring punan online, kung magrerehistro sa My.SSS. Dito na rin maaaring ipasa ang application. Kailangan ng SSS ID o E-6 Forms. Dagdag pa dito ang 2 valid IDs (Pasaporte, Company ID, Voter’s ID, atbp.), na may specimen signature at litrato.
Kapag ikaw ay isang empleyado, mapupunta ka sa My.SSS account ng iyong kompanya o employer, kaya’t kailangang nakarehistro rin ang iyong employer at may sariling SSS Web account.
Kung OFW
Ang mga miyembrong OFW ay maaaring magpasa ng salary loan application sa SSS Foreign Representative Offices sa bansang pinagtatrabahuhan. Kung walang opisina ng SSS sa naturang bansa, maaaring ipadala ang mga papeles sa kamag-anakan sa Pilipinas at bigyan sila ng authorization na mag-file nito sa SSS branch.
Ang mga dokumentong issued sa ibang banda ay kinakailangang duly authenticated at certified ng Philippine Consulate Embassy sa bansang iyon. Dagdag pa dito ang pagpapasa ng updated Specimen Signature Card (SSS Form L-501) na kailangang updated taon-taon para hindi magka-aberya sa pagpoproseso ng salary loan applications.
Gaano katagal ito bago maaprubahan?
Ayon kay Eufracio, umaabot ng 2 hanggang 3 linggo mula sa petsa ng application, kung ang lahat ng impormasyon at dokumentong kailangan ay naipasa at kumpleto. Kapag naaprubahan: ang mga self-employed o miyembrong boluntaryo ay maaaring kunin ang cheke mula sa opisina o sangay ng SSS. Kung ikay ay empleyado, ipapadala sa employer mo ang cheke.
Paano naman mag-apply ng Calamity Loan?
Ang loan na ito ay para sa mga miyembrong nakatira sa isang lugar na idineklarang nasa ilalim ng State of Calamity, katulad ng bagyo, lindol o terorismo, katulad ng nangyari sa Marawi. Ang Pangulo ng Pilipinas at pinuno ng lokal na pamahalaan ang may kapangyarihang magdeklarra nito.
Sumailalim muna sa pagsusuri ng kanilang mga konseho—LDRRMC (Local Disaster Risk Reduction Management Council) para sa lokal na pamahalaan, at ng NDRRMC (National Disaster Risk Reduction Management), ang nagpapayo sa Pangulo, bago maideklara ito.
Punan lamang ang form at mag-apply sa pinakamalapit na SSS branch para sa calamity loan.
Ang perang maaaring hiramin sa gobyerno ay walang labis na interes.
SOCIAL SECURITY SYSTEM (SSS) Calamity loan
Sa tuwing nagkakaroon ng hindi inaasahang sakuna, nag-aanunsyo ang SSS ng mga calamity relief package na maaaring pagpilian ng mga kasapi nila. Halimbawa, noong nagkaroon ng lindol (magnitude 7.2) sa Bohol at Cebu, ibinigay ng SSS ang Direct House Repair at Improvement Loan na mayroong pinababang interes, maagang renewal ng mga salary loan, at maagang pensiyon mula sa SSS para sa retirement, disability, at survivorship.
Para sa mga katanungan at iba pang mga impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa 24-hour call center ng SSS sa (02) 920-6446 to 55 mula Lunes hanggang Biyernes. Maaari ring magpadala ng e-mail sa member_relations@sss.gov.ph.
Government Service Insurance System (GSIS) Emergency Loan
Kwalipikado ang GSIS member kung:
a. kasalukuyang nasa serbisyo at hindi nakaliban (leave without pay).
b. walang nakabinbin na kasong kriminal o administratibo.
c. walang kulang o nakabinbing utang sa kanilang buwanang kontribusyon.
d. walang ibang loan/utang na nakadeklara.
e. residente o kawani sa pamahalaang napasasailalim sa State of Calamity.
G-W@PS kiosk
Kailangang hawak ng miyembero ang kaniyang eCard Plus para sa GSIS Wireless Automated Processing System (G-W@PS). Dadalhin lamang ito sa tanggapan ng GSIS na mayroong G-W@PS kiosk. Susundin lamang ang mga hakbang na nakasaad sa menu, sa ilalim ng “Emergency Loan”.
GSIS Office
Punan lamang ang application form at ipasa sa tanggapan ng GSIS. Ang GSIS Emergency Loan ay limtado sa tatlong taon o 36 na buwanang hulog, na may 6% na interes. Maidaragdag lamang ito kada taon (annum).
Kapag naaprubahan na, kasama sa chekeng makukuha ang kuwenta ng utang at ng buwanang amortisasyon nito. Kung ang emergency loan ay dumaan sa proseso ng pagre-renew, ang balanse sa natitirang loan ay ibabawas sa bagong loan.
Para sa karagdagang katanungan at detalye, tawagan ang GSIS Contact Center sa (02) 847-4747 o bumisita sa pinakamalapit ng GSIS sa inyong lugar.
Updates by Jobelle Macayan
SSS, Pag-IBIG, GSIS
Narito pa ang ibang maaaring basahin: FAQs on Multi-purpose Loan Program, Q&A on the Pag-ibig Calamity Loan program
BASAHIN:
Paano nga ba makakamit ang pangarap na bahay? Narito ang mga paraan