Likas na sa mga bata ang pagiging malikot at makulit; bahagi lamang ito ng kanilang pagiging bata. Ngunit mayroong talagang mga bata na sadyang sobrang kulit, at kinakailangan ng dagdag na effort upang maalagaan sila. Kaya’t heto ang ilang mga paraan sa kung paano magpalaki ng makulit na bata.
Siguradong makakatulong ang mga paraan na ito upang mas maintindihan ng mga magulang ang pag-uugali ng kanilang mga anak. Bukod dito, nakakatulong rin ang mga paraan na ito upang mapadali ang pag-aalaga at pagpapalaki sa mga makukulit na bata.
Paano magpalaki ng makulit na bata?
1. Baguhin ang iyong perspective
Dahil iba ang pag-uugali ng mga batang makukulit, kailangan rin na baguhin mo ang iyong approach bilang isang magulang. Hindi mo dapat isipin na mahirap alagaan ang iyong anak, o kaya ay sobrang kulit nila.
Mas mabuti kung isipin mo na iba lang ang kanilang mga pangangailangan kumpara sa ibang mga bata. Mas magiging madali sa iyo ang pag-aalaga sa iyong anak dahil mas positibo ang ganitong approach sa pagpapalaki.
2. Maging mabait at mapagmahal
Napakadaling mainis o magalit sa iyong anak kapag siya ay makulit. Ngunit mahalagang tandaan na bata lamang sila, at madalas hindi nila alam kung ano ang kanilang ginagawa.
Huwag hayaang mauna ang galit, at palaging maging mabait at mapagmahala sa iyong anak. Mahalagang iparamdam sa kanila na mahal na mahal mo sila, upang maunawaan nila ang gusto mong iparating sa kanila.
3. Gumamit ng positive reinforcement
Umiwas sa pananakot, paninigaw, o kaya pananakit sa iyong anak. Sa halip, gumamit ng positive reinforcement upang i-encourage silang maging masunurin sa iyong mga sinasabi.
Sa halip na utusan sila, o pagsabihan kung ano ang dapat gawin, mas mainam kung gawin itong mas positibo. Halimbawa, puwede mo sa kanilang sabihin na makakapaglaro lamang sila kapag tapos na silang kumain, sa halip na sabihin sa kanilang tumigil sa paglalaro at kumain na.
Mas maganda itong approach dahil mas nauunawan nila ang kanilang mga dapat na responsibilidad.
4. Huwag subukang pigilan ang pagiging makulit ng iyong anak
Ang isa sa mga pinakamalaking pagkakamali na nagagawa ng mga magulang ay baguhin ang pag-uugali ng kanilang mga anak. Mahalagang hayaan mo na maging malikot o makulit ang iyong anak, dahil bahagi na ito ng kanilang pagkatao.
Sa halip, ituro mo sa iyong anak kung paano nila magagamit ang kanilang mga kakayanan upang mahanap ang pagkakalagyan nila sa mundo.
5. Alamin ang kanilang mga pangangailangan
Ang mga pangangailangan ng mga batang masyadong makulit ay iba sa pangangailangan ng ibang mga bata. Kaya mahalagang bigyan sila ng dagdag na oras para makapaglaro, matulog, mag-aral, at magpahinga.
Dahil hyperactive sila, kailangan mong bumawi sa pamamagitan ng pagbalanse ng kanilang pagiging active.
6. Magsilbing mabuting halimbawa sa iyong anak
Kung may gusto kang ugali na ituro sa iyong anak, mahalagang ikaw mismo ang magsilbing halimbawa sa kanila. Kung gusto mong maging kalmado at relaxed ang iyong anak, dapat kalmado at relaxed ka din sa pakikipag-usap sa kaniya.
Nakakatulong rin ito upang mabago mo ang iyong pag-uugali at maging mas mabuting magulang sa iyong anak.
7. Habaan ang pasensya
Importante rin na habaan mo ang iyong pasensya, dahil siguradong mapapagod ka sa pag-aalaga ng iyong anak. Hindi madali ang pagpapalaki ng makulit na bata, pero kapag nakuha mo na kung paano ito gawin, siguradong masasanay ka na at mapapadali na ito.
Huwag mong kalimutan na bata pa ang iyong anak, at hindi madali para sa kanilang unawain ang mga bagay-bagay. Kailangan ng mahabang pasensya upang ituro sa kanila ang tamang pag-uugali, at turuan sila ng disiplina.