Paano magtimpla ng gatas ng baby? Narito ang mga dapat tandaan ng mga magulang.
Mababasa sa artikulong ito:
- Paano magtimpla ng gatas ng baby?
- Hanggang kailan pwedeng inumin ang natimplang gatas?
- Tamang paraan ng pag-store ng gatas ng baby
Larawan mula sa Freepik
Bukod sa paghele sa bata at pagpapalit ng diaper, isa sa mga unang dapat matutunan ng unang magulang ay ang pagtitimpla ng gatas ng baby. Pero kailangan pa bang aralin ‘yan? Kung iisipin, parang napakadali lamang ang sagot dito. Lagyan ng tubig ang formula at i-shake para mahalo—tapos na, di ba?
Bukod sa pagpili ng tamang gatas o formula para sa iyong anak, mahalaga ring malaman kung paano ito dapat timplahin. Hinahaluan ba ng tubig ang ready-to-use formula? Kailangan bang i-sterilize ang bote sa bawat gamit? Paano itatago ang natirang gatas?
Dahil gatas ng sanggol ang ating pinag-uusapan, may mga safety tips para sa tamang pagtimpla ng gatas upang masiguro na malinis at sapat ang pinapa-inom natin sa baby. Kapag hindi kasi malinis at safe ang milk ni baby, maaari siyang magkasakit dahil rito.
Kaya naman hindi dapat binabasta-basta ang tanong ng ilang magulang kung paano magtimpla ng gatas ng baby. Narito ang mga dapat gawin upang masiguradong tama ang paraan ng pagpapainom ng gatas sa iyong anak.
Mga tips kung paano magtimpla ng gatas ng baby
1. Laging i-check ang expiration date.
Sa pagbili pa lamang ng gatas, suriin na nang mabuti ang expiration o sell-by date na nakalagay sa lata o kahon. Kung lumampas na ito sa expiration date, huwag nang bilhin o gamitin.
2. Maghugas ng kamay.
Bago ihanda ang titimplahing gatas, ugaliing maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. Dapat ay tuyuin ding maigi ang mga kamay.
3. Linisin ang mga bote.
Napakahalaga na ma-sterilize ang feeding bottles, nipples, takip, at rings bago ito gamitin sa unang beses. Ang pinakamadaling paraan ay magpakulo muna ng tubig, saka idagdag ang mga bote at accessories at pakuluan sa loob ng limang minuto.
Maaari ring gumamit ng microwave steam sterilizer bag, o mga electric steam sterilizer na available na ngayon.
Siguraduhin lamang na laging mahugasang mabuti ang mga ito gamit ang sabon at tubig at patuyuin. Mas mainam kung magtatalaga ng hiwalay na sponge na para lamang sa mga bote at accessories ni baby.
Gumamit din ng bottle at nipple brushes upang malinis ang iba’t ibang sulok ng bote at nipples. Maaari ring gumamit ng dishwasher, kung dishwasher-safe ang mga bote at accessories.
Tandaan din na laging gumamit ng malinis na bote para magtimpla ng gatas ng baby. Huwag mag-uulit ng bote ni baby nang hindi pa ito nahuhugasan.
BASAHIN:
5 Best infant milk formula sa Pilipinas at ilang gabay sa pagpili ng gatas ni baby
Dad confession: “Naging malapit ako sa anak ko dahil sa aming milk feeding session.”
10 bagay na dapat mong malaman bago bigyan ng pacifier si baby
Larawan mula sa Freepik
4. Suriin ang gagamiting tubig.
Kung gagamit ng liquid-concentrate o powdered formula para kay baby, kinakailangan itong dagdagan ng tubig. Sundin ang directions sa lata o kahon kung gaano karaming tubig ang kailangan.
Tandaan: huwag lalagyan ng mas maraming tubig kaysa sa recommended na sukat. Lubos itong nakakasama sa sanggol.
Tiyaking malinis ang tubig na gagamitin para sa gatas, galing man ito sa gripo o biniling nakabote. Kung tap water o galing sa gripo ang gagamitin, pakuluan itong mabuti sa loob ng isang minuto, at palamigin bago ihalo sa gatas.
Suriin din ang fluoride content ng tubig, mula man sa gripo o bottled water. Habang nakakatulong ang fluoride sa pag-iwas sa tooth decay, ang palagiang paggamit ng tubig na may fluoride sa tinitimplang gatas ay maaaring magpalaki ng posibilidad na magkaroon ng fluorosis, kung saan lumalabas ang puting linya o streaks sa ipin ng bata.
Kausapin rin ang pediatrician ni baby ukol sa fluoride na nasa tubig.
5. Alamin ang tamang sukat ng gatas o formula.
Kung gagamit naman ng powder formula na mas karaniwan dito sa atin, sundin ang instructions sa lata o kahon kung gaano karaming gatas ang kailangan. Gumamit ng measuring cup sa pagbuhos ng tubig sa bote ni baby.
Gamit ang measuring spoon na kasama sa lata o kahon, isalin ang gatas sa bote. Ilagay ang nipple at cap sa bote, saka i-shake nang maigi.
Makakatulong rin kung magkaroon ng mga lagayan kung saan maaari nang ilagay ang nasukat na powder formula, upang kapag oras na ng pagtitimpla ay madali na lamang isalin ito sa bote ni baby.
Para sa liquid-concentrate formula naman, i-shake munang mabuti ang liquid concentrate bago ito ihalo sa tubig. Lagyan ng tamang sukat ng tubig at bote, saka isalin ang nararapat na sukat ng gatas. Ilagay ang nipple at cap, saka i-shake nang maigi.
Kung ready-to-use formula ang ititimpla, i-shake muna ito nang mabuti. Isalin ang tamang sukat ng formula sa bote, at huwag daragdagan ng tubig o iba pang uri ng liquid. Ilagay ang nipple at cap, saka i-shake muli nang maigi.
6. Maaaring painitin ang gatas kung kinakailangan.
Kadalasan ay ipinaiinom na kay baby ang gatas na nasa room temperature, samantalang ang iba ay nagpapainom din ng malamig na formula.
Kung mas gusto ni baby na maligamgam o warm ang gatas na inumin, ilagay ang bote ni baby sa isang bowl na may mainit na tubig sa loob ng ilang minuto.
*Tandaan, dapat ay maligamgam ang bote kapag hinawakan, hindi mainit. Huwag initin ang bote gamit ang microwave oven, maaaring hindi pantay ang pagkainit ng gatas, at mapaso si baby kapag ininom ito.
Tamang storage para sa gatas ni baby
Bukod sa tamang paraan ng pagtitimpla ng gatas ng baby, kailangan ring malaman kung ano ang tamang paraan ng pag-store nito para maiwasan ang mga aksidente gaya ng makainom ng panis na gatas ang sanggol.
Narito ang mga bagay na dapat tandaan sa tamang pag-store ng gatas ni baby:
Larawan mula sa Unsplash
- Kung nakalagpas na ang isang oras mula nang inumin ni baby ang kaniyang gatas, mas makakabuting itapon na ito. Huwag nang ilagay sa ref ang bote na nagamit na ni baby, dahil ang bacteria mula sa bunganga ng iyong anak ay maaari pang kumalat sa ref.
- Kung maghahanda ng liquid-concentrate o powdered formula in advance, ugaliing lagyan ng label ang bawat bote ng date kung kailan ito ginawa. Ilagay sa ref ang mga bote at ilabas kung kinakailangan. Itapon na ang formula na nasa loob ng ref nang higit sa 24 oras.
- Kung gumagamit ng ready-to-use formula, takpan at ilagay sa ref ang natirang formula. Huwag nang gamitin ang natirang formula kung lampas 48 oras na ito sa ref.
- Kapag hindi nilagay sa ref ang natimplang gatas ni baby, maari itong mapanis kaagad. Kaya naman mas makakabuti kung mako-consume ang gatas sa loob ng dalawang oras.
- Kung hindi naka-label ang bote o container ng formula at hindi sigurado kung kailan ito tinimpla, huwag na itong ipainom kay baby. Huwag ding ilagay sa freezer ang formula.
- Huwag manghinayang kung hindi mauubos ni baby ang natimplang gatas. Mas mabuti nang maging maingat kaya kapag hindi alam kung kailan ito itinimpla, huwag magdalawang-isip na itapon ito.
Sa mga unang buwan, ang gatas talaga ang pangunahing pagkukunan ng sustansya ng isang sanggol. Kaya naman kung pipiliin mong magbigay ng formula milk sa iyong anak, siguruhin na tama ang paraan ng pagtitimpla ng gatas ng baby, pati na rin ang pagstore nito.
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa tamang paraan ng pagtitimpla ng gatas ni baby, huwag mahiyang magtanong sa kaniyang pediatrician.
Source: Mayo Clinic, Centers for Disease Control and Prevention
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!