Ang trust ay isa sa mga haligi ng isang relasyon. Kung ito ay masira, malaki ang posibilidad na matapos ang pagsasama. Bukod sa simpleng pagtatago ng mga sikreto, isa sa mga pinaka-nakakasira ng trust ang pagkakaroon ng kabit. Ngunit paano maibalik ang trust sa mga pipiliin na ipagpatuloy ang pagiging mag-asawa?
Paano maibalik ang trust sa pagsasama?
Pagsasabi ng lahat
Kadalasan, kapag nahuli na ang asawang nagloloko, tatanggi ito ngunit kalaunan ay aamin din sa nagawa. Ngunit, kadalasan din ay hindi nito sinasabi ang kumpletong detalye sa takot na lalong lumala ang galit ng asawa. Sadyang binabawasan ang mga aamining pagkakamali para lamang hindi tuluyang magalit ang niloko. Dahil ang niloko ay nasaktan, kadalasan ay hindi rin nila pinaniniwalaan na ibinibigay sakanila ang kumpletong detalye. Ito ang dahilan kaya lalong nagagalit ang mga ito kahit sabihan na naikwento na ang lahat.
Sa mga couple’s therapy, ang mga mag-asawang nagdaan sa panloloko ay may paraan upang ibigay ang buong detalye. Ang mga napag-alaman na nanloko ay ibinabahagi ang kumpletong pangyayari sa pagbabasa sa inihandang papel. Naglalaman ito ng kumpletong detalye mula sa oras, petsa, o maging panggalan kung akma sa kwento. Maaaring abutin ng ilang buwan ang paghahanda nito upang masigurado na maibibigay lahat ng detalye. Sa paraang ito, kahit papaano ay napapalagay ang naloko na nalaman nila ang buong pangyayari.
Suriin ang sarili
Ang bahaging ito ay para sa nagkasala. Maaaring gawin ito kasama ang partner o kaya naman ay one-on-one sa therapist. Sa mga sesyon na ito, susuriin kung ano ang naging rason ng pagtataksil. Aalamin din ng therapist kung ano ang katwiran na sasabihin ng nagkasala para sa kanyang nagawa. Maging ang mga nakaraang kaugalian ay aalamin. Titignan kung mayroon bang pattern ang nagawa.
Ang layunin ng bahaging ito ay matukoy ang ugat ng panloloko sa asawa. Malalaman din ang mga maaaring maging trigger at mga sitwasyon na nagtutulak sa sarili para magtaksil. Kung masuri ng therapist na may compulsive sexual behavior nag nagkasala, maaaring mabigyan ito ng dagdag na therapy. Sa pamamagitan nito maiiwasan na muling maulit ang kasalanan.
Pagbibigay ng oras sa nasaktan na partner
Ang pagbibigay ng oras at space sa partner na naloko ay mahalaga para muling maibalik ang trust sa isang relasyon. Kadalasan itong alam ng mga nagkasalang partner ngunit, madalas din ay hindi nila ito talagang naiintindihan. Ang madalas na nangyayari ay sila ang nagdedesisyon sa kanilang isip kung gaano katagal bago sila dapat tuluyang napatawad ng partner. Sa kanilang pag-iisip, basta nabigay na nila ang sapat na oras at sila ay naging matapat, ayos na dapat ang lahat.
Marami ang nakakagawa ng ganitong pagkakamali. Sa totoo, wala sa nagkasalang partner ang desisyon kung kailan sila magpapatawad. Kahit pa ang nagkasala ay nagsabi na ng kakailanganing oras bago nila mapatawad ang nagkasalang partner, hindi parin ito kasiguraduhan. Makakabuting huwag isipin na aabutin ng ilang buwan lamang ang muling pagbalik ng tiwala. Kapagnasira ang trust sa relasyon, maaaring abutin ng ilang taon bago maibalik ang dating samahan.
Mahirap man ibalik ang trust sa isang relasyon, ang pagbigay dito ng sapat na oras at pagsisikap, maaari parin itong mailigtas. Kasama ng tamang pagiintindi, pagpapahalaga, at pakikiramay, maibabalik parin ang dating samahan.
Basahin din: Micro-cheating: Ang mga simpleng paglalandi na maaaring sumira sa relasyon
Source: Psychology Today
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!