#AskDok: Paano maiiwasan magkaroon ng pimples?

Anu-ano nga bang paraan ang maari nating gawin para makaiwas sa kinatatakutang pagbabako ng mukha at papanatiling malusog ng ating kutis? Iyan ang ating inalam kay dok.

“Paano maiiwasan ang tigyawat?”

Ito na yata ang isa sa mga tanong na trending at all times.  Bakit nga ba hindi kung nakasalalay sa mga kasagutan nito ang pananatiling makinis ng ating mukha at mga kalapit na bahagi nito n gating katawan. Dahil kapag makinis ang ating mukha, naniniwala tayong dagdag pogi-points at ganda-points ito sa paningin sa atin ng ating kapuwa.

Ano ba ang tigyawat?

Lagi nating naririnig, “uy, may crush na siya,” o “uy, sino ‘yang pimples sa mukha mo, ha,” bilang pagpuna ng marami sa taong tinutubuan na ng tigyawat. Pinaniniwalaang bunga ito ng pagpupuyat, o kaya ay sobra-sobrang pag-iisip, na iniuugnay sa pagkakaroon ng crush o hinahangaan.

Ngunit bago natin tuntunin kung paano maiiwasang magkaroon nito, alamin muna natin kung ano nga ba ang tigyawat.

Batay sa istruktura ng ating balat, mayroon itong maliliit na butas o iyong pores na tinatawag. Taglay ng bawat butas na ito ang buhok na kalimitang maninipis at maliliit ang tubo. Tinatawag na hair follicles ang dulo ng buhok ng nakatubo sa loob ng balat. Dito malapit ang pinanggagalingan ng langis (oil gland) na lumalabas sa balat.

Ito ang normal na proseso upang maiwasan ang panunuyo ng ating balat. Nagsisilbi rin iotng panangga n gating balat laban sa mga alikabok, init ng sikat ng araw, mikrobyo, at iba pang hindi mainam para sa kalusugan ng balat.

Kung sobra ang nalilikha at lumalabas na langis sa ating balat, tinatawag natin itong oily. Sa ganitong sitwasyon, na hindi rin regular ang proseso ng exfoliation o pagpapalit-balat, nagdudulot ito ng pagbabara ng mga butas (pores). Ang paghahalo-halo ng pawis, dumi, at sobrang langis sa balat ang nagiging sanhi ng pagdami ng bakteryang Propionebacterium acne. Ang pimples, tigidig, taghiyawat, o tigyawat ay may medical term na “acne.”

Nagdudulot ang tigyawat ng pamumula, pamamaga, pananakit, at may pagkakataong may pagnananang tumutubo sa iba’t ibang lugar sa pang-ibabaw na bahagi ng katawan ng tao. Madalas itong tumubo sa bahaging mukha, dibdib, balikat, hanggang likod. May mga pagkakataon pang tumutubo ang mga ito maging at hanggang sa anit ng ulo.

Iba pa sa tigyawat ang tinatawag na whiteheads at blackheads dahil wala itong mga kaso ng pamamaga, pananakit, at pagnanana. Nakakategorya naman ang mga ito bilang comedonal na uri ng acne.

Bakit tumutubo ang mga tigyawat?

Ayon kay Dr.  Ma. May Jasmin Ramos-Yason, isang expert dermatologist mula sa De Los Santos Medical Center at Metro North Medical Center and Hospital, itinuturing na sakit at prosesong pinagdaraanan ng pagdadalaga at pagbibinata (puberty) ang  pagkakaroon ng tigyawat.

Sa panahon ng pagbibinata, kasabay na dumarami ang hormones na androgen sa mga lalaki. Ito ang nag-uudyok ng follicular hyperkeratosis o sobra-sobrang pagdami ng keratin sa hair follicles ng balat. Nagreresulta naman ito sa sobra-sobrang produksyon ng langis na inilalabas sa balat, dahilan para umakit ng bakteryang responsable sa pagtubo ng mga tigyawat.

Gayundin ang kaso sa pagdadalaga. Simula sa pagkakaroon ng buwanag “dalaw,” maraming pagbabago ang ibubunga nito sa kutis ng balat ng mga babae. Sa kalagitnaang bahagi ng pagreregla, umaakyat ang bilang ng progesterone hormones sa katawan ng babae, na siyang nag-uudyok sa sobra-sobrang paglalabas ng langis sa balat.

Samantala, sa iba pang kaso ayon kay Dr. Ramos-Yason, maaari ring sanhi ang pagkakaroon ng polycystic ovarian syndrome ng isang babae para sa hindi mawala-walang tigyawat o muling pagtubo nito. Hindi rin iniaalis sa listahan ng mga posibleng sanhi nito ang paggamit ng kung ano-anong cosmetics na maaaring nagdudulot ng iritasyon sa balat at kalaunang pagtubo ng acne.

Paano maiiwasan ang tigyawat?

Alam na natin kung ano ang tigyawat, sanhi ng pagtubo nito, at kung paano nga ba ito nabubuo. Isa-isahin naman natin ang madadali at mga praktikal na paraang maaari nating gamitin at gawin sa araw-araw kung paano maiiwasan ang tigyawat, sang-ayon na rin sa mga payo ni dok.

  • Panatilihing malinis ang mukha at iba pang bahagi ng katawan. Maghilamos ng mukha gamit ang malinis na tubig at mild cleanser na sabon dalawang beses sa loob ng isang araw. Kung labis na oily ang balat, maaari itong gawing tatlong beses sa loob ng isang araw. Paalala: iwasan ang overcleansing o madalas na paghihilamos ng mukha dahil maaari rin itong makairita ng balat.
  • Maaaring gumamit ng cleanser (solution o sabon) batay sa tamang uri ng balat. Kung tuyo ang balat, gumamit ng moisturizing cleanser; habang kung oily naman, oil control cleanser ang gamitin.
  • Matulog nang may sapat na haba ng oras.
  • Kung hindi maiiwasan, piliting ma-manage ang stress na nararanasan.
  • Uminom ng maraming baso ng tubig sa araw-araw.
  • Kumain ng masusustansiyang pagkain, na sariwa at bagong luto.
  • Iwasan ang mga pagkaing mataas ang glycemic index o iyong matatamis at labis ang content ng asukal. Isa pa, ang mga processed food gaya ng mga de-lata at instant na timpladong karne, noodles, pampalasa, at mga katulad. Ganito rin ang limitasyon sa mga gatas at produktong gawa rito (dairy products).

Ayon kay Dr. Ramos-Yason, lumabas sa mga pag-aaral na ang mga pasyenteng dumanas at dumaranas ng pagdami at paglala ng tigyawat na sanhi ng pagkonsumo ng mga nabanggit na pagkain at produkto ay mas mahirap gamutin. Aniya, mas mahirap kontrolin ang pagdami ng mga tigyawat kung gayon.

Sa mga kaso ng hindi maalis-alis o kaya’y pabalik-balik na tigyawat, ipinapayo ni dok ang sumusunod, bukod pa sa mga nauna nang nabanggit na pamamaraan.

  • Kung mild lang naman, bagama’t pabalik-balik, maaaring subukin ang mga over-the-counter na pamahid. Piliin ang pamahid na may salicylic acid o benzoyl peroxide sa content.
  • Huwag kukutkutin ang mga tigyawat dahil maaaring lalong maimpeksyon at lumala. Malaki rin ang posibilidad na lalo itong mag-iwan ng malalim na peklat at pagbabako-bako sa mukha kahit pa gumaling na ang mga ito.
  • Kung hindi tumalab ang mga nabanggit, at marami na ito o lalo pang naragdagan, mainam nang kumonsulta sa isang dermatologist upang masuri ang iyong kaso. Makatutulong ito upang maagapan ang paglala ng lagay ng iyong balat na apektado ng mga acne.

Mahalagang paalala ni dok; kung sa gitnang bahagi ng mukha tumubo ang mga tigyawat na may malalang kondisyon gaya ng matinding pagnanana at pamamaga, agad-agad na dalhin ito sa dermatologist para mabigyan ng karampatang atensiyon. Ayon kay dok, maaari itong magdulot ng impeksiyon sa mas malalim pang bahagi ng tissue. Idagdag pang maaaring umabot ang masamang epekto nito sa kalusugan ng utak ng pasyente, sakaling makutkot ito nang sinasadya man o hindi.

Sources: Based on communications with Dr. Ma. May Jasmin Ramos Yason, FPDS, FPADSFI, Head of the Dermatology Center at the De Los Santos Medical Center and an active consultant at Metro North Medical Center and Hospital; with clarificatory details from KalusuganPH

Basahin: Pantanggal ng pimples, maaaring magdulot ng birth defects sa ipinagbubuntis