Natural na sa ating mga tao na masanay sa mga bagay lalo na kung ito ay komportable sa atin. Pero kailangan nating tandaan na hindi lahat ng komportable ay tama para sa atin. Hindi mo maikakaila sa iyong sarili kapag nakaramdam ka na ng bigat at pagdududa sa isang bagay.
Kaya ang tanong, paano maka-move on? At bakit importante ang pagbitaw sa mga bagay na hindi na beneficial para sa’yo.
Image from Freepik
Paano maka-move on?
Totoong mas mahirap maka-move on mula sa mga bagay na hindi mo naman nakitang matatapos. Bukod kasi sa hindi ka nakakuha ng closure ay hindi mo rin alam kung kailangan mo ba talaga itong gawin. Mayroon bang shortcut o pwede bang ‘wag mo na lang itong pagdaanan?
Kung kailangan mo namang mag-move on mula sa isang dream o goal na sa tingin mo ay hindi talaga para sa’yo, ibang klaseng proseso rin ang iyong kailangang pagdaanan.
1. Tanggapin ang sitwasyon
Ano mang sitwasyon, ang unang dapat gawin para makapagsimulang muli ay tanggapin na nangyari na ang nangyari. Hindi mo na kailangang magbilang pa ng mga pinagsisisihan mo o hilingin na mabalik ang panahon. Hindi magiging madali ang proseso pero ang bawat maliit na desisyon na gagawin mo ang makakatulong sa’yo. Tulungan mo ang iyong sarili at dito mo mararamdaman na unti-unti kang mabubuo.
2. Isipin na ito ay may dahilan
Lahat naman ng nangyayari sa atin ay may dahilan. Pwedeng pinagdaanan mo ito dahil may kailangan kang matutunan. Maaari rin namang palatandaan ito sa’yo. ‘Wag kang tumingin sa kung gaano kahirap at kabigat ang sitwasyon dahil mararamdaman mo lang na parang hindi mo ito kakayanin. Ang dapat mong gawin ay mag-focus sa kung ano pa ang mga pwedeng mangyari pagkatapos. Kapag bumalik ka na sa dati at nalagpasan mo na ang pagsubok, siguradong lalabas kang matibay at magiging better version ng iyong sarili.
3. Gawin mo ito para sa iyong sarili
Kung sa palagay mo ay naisantabi mo ang iyong sarili sa panahong nagmahal ka, ito na ang panahon para makabawi. Gumawa ng mga bagay na makabubuti para sa’yo. Unahin mo naman ang sarili mo ngayon. Mahalaga kasi na mahalin mo muna ang iyong sarili bago mo hanapin sa iba ang pagmamahal na kailangan mo. Kung sa tingin mo ay may mga bagay pang kulang sa’yo, ‘wag mo itong hahanapin sa iba. Maging buo at tamang tao ka muna bago mo hanapin ang tamang tao para sa’yo.
Signs na dapat ka nang sumuko sa isang bagay
Image from Freepik
Madalas sa buhay ay susubukin tayo at kailangan nating lumaban. Hindi ka rin dapat basta-bastang sumusuko. Pero kailan mo ba dapat bitawan ang isang tao o bagay? Ano ang mga senyales na dapat ka nang sumuko dahil hindi na rin makabuluhan kung ipaglaban mo pa.
1. Kapag hindi mo na makilala ang sarili mo
Kung masyado kang nag-aadjust para sa isang tao at sa katagalan ay hindi mo na makilala ang iyong sarili, hindi ka na dapat magpatuloy. Oo, dapat sa isang relasyon ay magbago ka rin at mag-compromise minsan pero hindi ibig sabihin nito ay hahayaan mong mawala ang iyong identity. Alamin ang balance at kung hanggang saan ka lang dapat mag-adjust.
2. Kahit anong pilit mo ay hindi pa rin sapat ang iyong effort
Naranasan mo na ba na parang pinipilit mo na lang ang iyong sarili, hindi lang sa tao kundi sa isang bagay? May mga gusto ka bang mangyari pero hindi mo ito makuha kahit anong pilit mo? Baka naman kasi hindi talaga ito para sa’yo. Mas maigi nang hayaan na lang ang mga bagay na ito at mag-focus sa kung ano ang dapat mong mas binibigyan ng atensyon.
3. Wala ka ng peace of mind
Dahil nga paulit-ulit na lang ang nagiging problema, nawawalan ka na ng peace of mind. Ang overthinking ay hindi makabubuti para sa iyo. Hindi mo mamamalayan na nagiging stressed ka na dahil dito at imbis na nabibigyang-pansin mo ang mga mahahalagang bagay ay nadi-distract ka.
4. Tumigil na ang iyong growth
Dapat ay hindi tumitigil ang growth ng isang tao. Kung ang current situation mo ay nagpapatigil na sa iyong pag-grow, baka dapat ay pag-isipan mo na ito. Hindi ka ba nagsasayang na lang ng oras?
5. Hindi mo na nakikita ang sarili mo na magtatagal sa sitwasyon na ito
Image from Freepik
Kung nabubuhay ka lang sa kasalukuyan, maaring ayos lang sa’yo ang nangyayari. Pero kung tumingin ka sa kinabukasan at masasabi mo na hindi mo na ito kayang matagalan, dapat ngayon pa lang ay tumigil ka na. Bakit mo nga ba gugustuhing sayangin ang iyong oras kung hindi mo naman nakikitang makakatulong sa iyong future ang mga pinaglalaanan mo ngayon ng oras at atensyon?
Paano maka-move on? Simple lang, piliin mong gawin ang makabubuti para sa’yo. Mahirap man ngayon, siguradong papasalamatan mo ang iyong sarili pagkatapos mo itong mapagdaanan.
BASAHIN: 8 Stupid reasons to stay in a toxic relationship
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!