Iba't ibang senyales na hindi hiyang si baby sa gatas
May palagay na hindi hiyang si baby sa gatas na kaniyang dinedede? Ito ang mga sintomas na dapat mong bantayan at mga hakbang na dapat mong gawin. | Larawan mula sa Shutterstock
Paano malalaman kung hiyang si baby sa gatas? Narito ang mga sintomas ng hindi hiyang sa gatas si baby at mga dapat gawin upang ito ay malunasan.
Talaan ng Nilalaman
Paano malalaman kung hiyang si baby sa gatas?
Malamang ay nakarinig ka na ng tungkol sa mga baby na hindi hiyang sa gatas nila? Ito ay totoo, partikular na sa mga formula-feeding babies. Pero kahit ang mga breastfed babies ay maari ring makaranas ng allergic reactions mula sa pagdede ng gatas ng kanilang ina. Bagamat ito ay nangyayari lang ng bibihira.
Ayon sa mga health experts may dalawang dahilan kung bakit hindi nagiging hiyang ang isang sanggol sa gatas na kaniyang dinedede. Ito ay maaring dahil may milk allergy o milk intolerance siya.
Milk allergy vs milk intolerance
Ang milk allergy ay tumutukoy kapag ang immune system ng isang sanggol ay nag-rereact ng negatibo sa proteins ng formula milk na kaniyang dinedede. Lalo na kung ito ay gawa sa cow’s milk.
Pero maari ring magkaroon ng parehong reaksyon na ito ang mga sanggol na sumususo sa kanilang ina. Ito ay maaring dahil parin sa proteins na nagmula sa diet o pagkaing kinakain ng ina na napupunta sa breast milk.
Dahil ang mga proteins na ito ay tinuturing ng immune system ni baby na foreign substances. Kaya naman ito ay kaniyang lalabanan sa pamamagitan ng pagrerelease ng histamines ng katawan at iba pang kemikal.
Dito na siya magsisimulang makaranas ng allergic reactions o mga sintomas ng hindi hiyang sa gatas si baby.
Mga sintomas ng hindi hiyang sa gatas si baby dahil siya ay may milk allergy
- Madalas na paglungad
- Pagsusuka
- Palatandaan ng pananakit ng tiyan o pagkakaroon ng kabag. Tulad ng matinding pag-iyak o irritability lalo na sa tuwing pagtapos dumedede.
- Pagtatae
- Dugo sa dumi
- Hives o mapupula, malalaki at makakating pantal
- Rashes na tila nangangaliskis
- Nagluluhang mata at baradong ilong
- Hirap sa paghinga o pangingitim ng balat
- Pamamaga ng bunganga o lalaluman
Habang ang milk intolerance naman ay nangyayari kapag hindi kayang i-digest ng tiyan ni baby ang sugar o lactose sa dinededeng gatas. Kaya naman ang milk intolerance ay kilala rin sa tawag na lactose intolerance. Ang mga sintomas at palatandaan naman nito ay ang sumusunod.
Mga sintomas ng hindi hiyang sa gatas si baby dahil siya ay may milk intolence
- Pagiging gassy ni baby
- Pagtatae
- Bloated o tila malaking tiyan
- Paglulungad
- Iritability o labis na pag-iyak at iba pang sintomas ng kabag
- Hindi tumataba sa dinedede niyang gatas
- Diaper rash
Iba pang paraan kung paano malalaman kung hiyang si baby sa gatas
Maliban sa pagpapakita ng sintomas ay mas matutukoy kung siya ay hiyang o hindi sa gatas niyang dinedede sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraang ipinapayo ng doktor.
- Pagsailalim sa physical exam ni baby. I-eksamin rin ang kaniyang dumi o isasagawa ang skin-prick test sa kaniya habang inaalam ang inyong family history sa allergy.
- Pagpapalit ng brand ng formula-milk ni baby upang maobserbahan kung may pagbabago sa reaksyon ng kaniyang katawan.
- Pag-aalis o pagtigil sa pagkain ng dairy ng mga breastfeed mommies upang malaman kung may pagbabago sa reaksyon ng katawan ni baby.
Sa oras na magkaroon ng pagbabago sa reaksyon ng katawan ni baby matapos gawin ang mga nabanggit ay maaring irekumenda ng doktor na ipagpatuloy ang bagong brand ng formula milk na kaniyang ginagamit. Kung siya ay may milk allergy maaring palitan ang gatas niya sa hypoallergenic formula na may hydrolysate protein. Dahil may mga babies rin na maaring allergic sa soy o goat’s milk. Kung siya naman ay may milk intolerance ay maaring papalitan ito ng gatas na low-lactose.
Para sa mga breastfeedings moms, ay ipinapayong tuluyan ng alisin ang dairy sa kanilang diet. Ito ay upang maiwasan na ang mga sintomas na kaniyang ipinapakita at hindi na ito lumala.
Pagdating sa pagbibigay ng tamang rekumendasyon sa kung anong gatas ang nararapat kay baby, tanging doktor lang ang makakagawa nito. Kaya mahalagang magpakonsulta muna sa doktor upang masiguro na ang ibibigay na gatas kay baby at angkop at tama para sa kaniya.
Paano maiiwasan ni baby ang milk allergy?
Kung si baby ay may milk allergy at siya ay nagsisimula ng kumain, may mga pagkain rin siyang dapat iwasan na may taglay na milk proteins na maari ring makapag-trigger ng mga sintomas na kaniyang nararanasan. Ang mga pagkaing ring ito ang dapat iwasan ng mga breastfeeding moms na may baby na nakakaranas ng milk allergy.
- Milk drinks, condensed milk at iba pang gatas na cow’s milk based
- Yogurt
- Cream
- Butter
- Margarine
- Cheese
- Ice cream
Dapat ring iwasan ang mga food products na nagtataglay ng gatas o milk proteins. Ang mga ingredients na dapat tingnan o bantayan sa ibinibigay na pagkain sa iyong anak ay ang sumusunod:
- Milk sugar, lactose, milk solids, milk protein, modified milk
- Casein, caseinates, whey protein, hydrolyzed whey, whey solids
- Lactose, lactalbumin
- Hydrolysed caseinates
- Skimmed milk powder, non-fat milk solids, butter fat
Ang artikulong ito ay gabay lamang sa kung paano malalaman kung hiyang si baby sa gatas. Ngunit ang doktor parin ang makakapagsabi ng dapat at tamang gawin upang ito ay malunsan at tuluyan niya ng maiwasan.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.