Ang paggamit ng diaper ay malaking parte ng journey ng iyong baby. Ngunit nagsisimula itong maging problema kapag tumungtong na sila ng 3 years old. Kapag kinakailangan na silang turuan na mamuhay na wala nito. Ang tanong, paano mapapatigil gumamit ng diapers ang iyong anak?
Talaan ng Nilalaman
Ang tamang edad para tumigil gumamit ng diapers
Bago malaman kung paano mapapatigil gumamit ng diapers ang iyong anak, kailangan mo munang malaman kung kailan ang tamang panahon para gawin ito. Ano nga ba ang tamang edad?
Iba-iba ang karaniwang sagot ng mga kapwa mommies kapag tinatanong sila nito. Mayroong mga nagsasabi na kapag marunong ng umupo ang bata, puwede na. Pero mayroon din namang nagsasabi na ‘wag itong gawin hangga’t hindi ready si baby na mag-adjust.
Generally speaking, maaari nang simulan i-potty train ang bata kapag sila ay tumungtong na ng 2 years old.
Handa na ba siyang ma-potty train?
Pero imbis na mag-base sa edad ng bata, mas importante pa rin na tignan kung handa na ba ang iyong anak na ma-potty train.
Ito ang mga tanong na dapat mong i-consider bago magdesisyon:
- Kaya na bang sumunod sa mga simpleng instructions ni baby?
- Nagsasabi ba sila o nagrereklamo kapag sila ay basa o madumi?
- Nagtatanong na ba sila tungkol sa pagsusuot ng underwear o paggamit ng toilet?
- Kaya na ba niyang itaas ang pantalon o shorts nang walang tulong?
- Kaya na ba niyang mapanatiling malinis ang sarili sa loob ng 3 hanggang 4 na oras?
Kung ang sagot mo sa mga sumusunod ay oo, pwede mo nang kumbinsihin ang iyong anak na mag-potty train at tumigil sa paggamit ng diapers.
Kausapin sila tungkol dito dahil kung may isang bagay na dapat kang malaman tungkol sa mga bata, ito ay hindi sila susunod kung hindi mo ipapaliwanag ang dahilan. Mahihirapan ka lamang na pilitin sila, kaya naman maigi na kausapin sila tungkol dito.
Paano mamili ng potty trainer
Ang sunod na dapat gawin ay mamili ng swak na potty trainer para sa kanya. Isang tip, isama sila sa pagbili nito para maramdaman nila na parte sila ng proseso. Pwede rin kasi itong maging paraan para maramdaman nila ang responsibilidad ng gagawin.
Mayroong dalawang klase ng potty. Ang stand-alone potty at iyong seat reducer. Kadalasan ay mas mura ang mga seat reducer at hindi ito masyadong nag-o-occupy ng space. Maganda rin ito dahil mas madali itong linisin at mas mabilis din silang matututo na gumamit ng normal potty.
May mga magulang naman na mas gusto ang stand-alone potties dahil pwede na gamitin ito ng iyong anak kahit mag-isa lang siya. Kung isa lang ang inyong toilet sa bahay, mas maigi rin ito dahil kadalasang matagal ang mga batang gumamit ng banyo.
Kung stand-alone potty ang iyong pipiliin, kailangan mong tignan ang 3 factors na ito. Ito ba ay safe, sakto at simple? Kung hindi sakto sa iyong anak ang rim ng potty, maaaring hindi niya ito gamitin dahil hindi ito kumportable. Siguraduhing makakaupo siya nang maayos at maaabot niya ang lapag kapag siya ay nakaupo rito. Tignan din kung mayroong handle ang potty para may mahawakan ang bata habang nakaupo.
Pag-aalis ng diapers
Mahirap na hindi mag-stock ng diapers kahit pagkatapos mong bumili ng potty trainer. Ito kasi ay magmimistulang “safety blanket” mo at maaaring ibalik mo bigla ang iyong anak sa paggamit ng diaper.
Pero ang pagdidisiplina rin sa iyong sarili ang tutulong sa iyong anak na matuto na tumigil sa paggamit ng diapers. ‘Wag gawing confusing ang phase na ito para sa kanila. Kung nagsimula na silang mag-potty train, pasuotin na rin sila ng normal underwear kahit sa pagtulog.
Potty training do’s and don’ts
Ang mga dapat gawin:
1. Dapat maging alerto tuwing kailangan nilang umihi o dumumi. Mayroon namang mga signs katulad ng pagkiskis ng mga paa o di naman kaya ay pag-ipit ng mga binti. Turuan din silang magsabi tuwing kailangan nilang pumunta sa toilet.
2. Dapat mo rin silang suotan ng mga kumportableng damit para hindi mahirap tuwing kailangan nilang umihi o dumumi.
3. Batiin ang iyong anak tuwing nagagawa niyang umihi o dumumi sa toilet. Ayon sa pag-aaral, ang parental praise ay importante para ma-motivate ang bata na gawin ito.
4. Hayaan lang silang maglaro o magbasa habang nasa potty. Pwede ka ring maglagay ng maliliit na laruan malapit sa potty trainer nila.
5. Bigyan sila ng kaunting kontrol kapag sila ay nasa potty. Makakatulong ito para mas mabilis silang masanay.
Ang hindi dapat gawin:
1. ‘Wag piliting mag-potty train ang iyong anak. Hindi naman ibig sabihin na ganitong edad natuto ang ibang bata ay dapat siya rin.
2. Huwag din ma-pressure sa mga kamag-anak na nagsasabing masyado nang matanda ang iyong anak para mag-diaper. Hindi nga kasi pare-pareho ang mga bata ng timing.
3. Hindi tamang pilitin ang bata kung hindi pa siya talaga handa.
4. Iwasang gumamit ng nicknames. Hindi nakakatulong na bigyan ng katawagan ang mga body parts. Turuan ng tamang disiplina at responsibilidad si baby tungkol sa pag-potty train.
5. Kung hindi agad nila makuha ang iyong tinuturo, ‘wag din silang pagalitan. Maaari kasing mas humirap pa ang proseso kapag sila ay nagtanda sa mga sermon mo.
6. ‘Wag punahin lahat ng mali nila. Hayaan lang na matuto sila at mag-adjust.
Kakailanganin mo ng mahabang pasensya
Hindi magiging madali kaya naman kailangan mo ng mahabang pasensya. Kapag nangyari ang mga hindi mo inaasahan, ‘wag sisihin ang bata at intindihin lang na sila ay nag-a-adjust pa.
Paalalahanan lang palagi ang iyong anak na ang pag-ihi at pagdumi ay dapat na ginagawa sa banyo. Bigyan sila ng simpleng rules pero huwag din namang magalit tuwing hindi nila ito nasusunod. Ang pasensya mo at pang-unawa sa kanila ang mas makakatulong sa bata na mapagtagumpayan ang stage na ito ng kanyang journey.
Translated with permission from theAsianparent Singapore