Maraming kahulugan at anyo ang pag-ibig. Bawat tao at bawat magkakaparehang nagmamahalan, iba-iba ang paraan ng pagpaparamdam ng pagmamahal. Habang nasa panahon tayo ng higit pang lumalalang kultura ng hiwalayan sa mga mag-asawa, hindi ba’t masarap na mapagnilay-nilayan ng ating couple readers kung paano tumagal ang isang relasyon?
“Kahit maputi na ang buhok ko,” “road to forever,” ang ilan lamang sa mga statement ng relationship goal tungo sa pangmatagalan—o panghambuhay—na relasyon ng mga mag-asawa, kasal man o hindi pa.
Kay sarap pakinggan ng mga kuwento ng “koneksyon” sa pagitan ng mga magkakapareha sa isa’t isa, sa aspeto ng pisikal, damdamin, diwa, at romansa. Habang kaakibat nito ang hindi naman matatawarang commitment ng mga mag-asawang araw-araw, oras-oras, maging minu-minuto’y pinipili ang isa’t isa para sa pagsasamang kahit hindi perpekto ay puno ng respeto sa isa’t isa.
Mahahalagang sangkap ng malalim at makabuluhang pagsasama ng mag-asawa
Hindi magic o milagro ang pagkakaroon ng malusog na pagsasama ng mga mag-asawa. Gaya ng iba pang aspeto ng buhay na mahalaga sa pag-iral at pag-unlad ng tao, may mahahalagang sangkap o elemento ng pagmamahal na dapat isaalang-alang ang mga mag-asawa upang mapanatili ang mainit nilang pagsasama.
- Katapatan
Ang pagiging tapat sa kapareha ang isa sa pinakamalinaw na akto ng pagmamahal. Ito ang araw-araw ninyong pagpili sa isa’t isa bilang kalahating hiwa ng inyong puso at ng buhay. Gayundin, ang pagtupad sa inyong mga nauna nang binitawang pangakong iadya ang sarili sa anumang anyo ng tukso.
- Tiwala
Kaakibat ng katapatan ang patitiwala sa iyong kabiyak. ‘Ika nga’y, give-and-take dapat ang relasyon ng magkabiyak. Batayang paraan ito upang maiparating sa minamahal ang walang duda at malayang pagmamahal.
- Pananagutan
Tumutukoy ito sa pananatili ng mag-asawa sa piling ng isa’t isa sa kabila ng mga pagsubok na dumarating sa kanilang pagsasama.
- Pagpapakumbaba
Ito ay ang pagtalikod sa pagiging makasarili, at pagturing sa inyong pagiging mag-asawa bilang isang buong pagsasamang hindi maaaring tumakbo o magpatuloy nang iisa lamang ang tumutupad. Isang malinaw na halimbawa nito ang paghingi ng tawad at ang pagpapatawad sa isa’t isa matapos ang hindi pagkakaunawaan—malalim man o mababaw.
- Komunikasyon
Maraming anyo ang komunikasyon; ang mahalaga, kayo ay nagkakaunawaan. Higit pa sa araw-araw na pag-uusap, pagbibigay ng update sa isa’t isa ng inyong mga ginagawa kung nasa magkalayo kayong lugar, at pagpo-post ng inyong couple photos sa kani-kaniyang social media, tumutukoy ito sa kung papaano ninyo nauunawaan ang pananahimik ng isa’t isa, ang tinginan at damdaming ipinababatid ng mga mata sa isa’t isa, at kahulugan ng mga kilos (lalo na iyong mga pagbabago) na napupuna sa kapareha.
- Oras
Sa hirap ng buhay, halos lahat ng mag-asawa ngayon ay parehong nagtatrabaho. Kung hindi man, maraming salik ngayon ang nakaapekto sa oras na nailalaan ng mag-asawa sa isa’t isa, na tila tubig na pumapatay sa init ng kanilang relasyon. Kung nabu-budget ang pinagkakagastusan ng pamilya, tiyak na nabu-budget din ang oras na maaaring ilaan ng para sa inyo lamang dalawa.
Samantala, kahit taglay ng mag-asawa ang gayong mga sangkap ng relasyon, hindi garantisadong nasagot na nito sa kanilan kung paano tumagal ang isang relasyon. Para ma-maximize ang mga nabanggit na sangkap, may iba’t ibang paraang maaari gawin ang mga mag-asawa para maging aktuwal ang bunga ng pagpaparamdam ng inyong pagmamahalan.
Init ng pagsasama ng mag-asawa: Mga piling paraan
Hindi naman dapat maging mahirap ang pagpapatuloy ng isang relasyon, lalo na kung tiyak naman sa inyong mga sariling mahal ninyo ang isa’t isa. Kaya naman, narito ang iba’t ibang paraang bukod sa praktikal na, matutuwa pa kayong gawin nang magkasama.
- Mag-date o lumabas pana-panahon nang kayo lang dalawa.
Hindi naman kailangang magarbo ang paglabas, mahalaga lang na pareho ninyong mae-enjoy ang presence ng isa’t isa habang magkasama. Puwede kayong kumain sa labas, maglaro ng sports na pareho ninyong pinagkakatuwaan, mamasyal sa mga liwasan, museum, o environmental spots, o kaya ay manood ng pelikula sa paborito ninyong teatro o cinema house.
- Unplug!
Sa loob man ng tahanan o sa labas, maglaan ng panahon sa isa’t isa nang walang anumang techonology barrier gaya ng kung ano-anong gadget (cellphone, ipad, tablet, ps4, at iba pa). Magkuwentuhan at maglibang sa inyong tahanan gaya ng paghahalaman, pagshe-share sa isa’t isa ng mga nais pang gawin sa buhay at pamilya, pakikipag-bond sa mga anak, o pakikipaglaro sa mga alagang hayop.
- Maligo nang magkasama.
Isa sa pinakamatamis na bonding na maaaring gawin ng mag-asawa—kahit araw-arawin pa!—nang walang inaalalang gastos o lugar na dapat asikasyuhin ay ang pagligo nang magkasama. Gawin itong sintamis at sinsaya na tuald noong una-unang panahon pa lamang kayong mag-asawa.
- Pagsilbihan ang isa’t isa.
Maraming anyo ito tulad ng paghahanda ng pagkain, pagmamasahe, paglilinis o paggugupit ng kuko, pagbabahagi ng mga aklat o series na gustong-gusto ninyo, o kaya ay paghahanda ng occasional surprises para sa isa’t isa. Gawin ito sa lahat ng panahong maaari ninyong laanang gawin. Isama na rin ang malambing na pagtatawagan sa isa’t isa, tanda ng pagiging “unique” ng inyong relasyong para lamang sa isa’t isa.
- Magsulatan!
Sa panahon natin ngayon, napakadali na lamang magpaabot ng mensahe kahit kanino sa pamamagitan ng text messaging, email, at chat gamit ang iba’t ibang app. Pero may katotohanan sa kasabihang wala nang tatamis pa sa mensaheng isinatitik sa papel sa pamamagitan ng hagod-kamay na alam mong puno ng pagmamahal. Ang malinis na presentasyon ng liham at malikhaing pagsasatitik ng mga salita ay talaga namang hindi matatawaran.
- Maglakbay nang magkasama.
Another honeymoon? O gusto ninyo lang makalanghap ng sariwang hanging bago sa inyong sistema? Ano pa man ang dahilan, ang paglalakbay nang magkasama ay mainam na intimate bonding para sa lahat ng mga mag-asawa. Sa kabila ng sayang dulot na masaksihan nang magkasama ang ganda at yaman ng ating kalikasan, marami ring pagsubok na nilalagpasan ang mga mag-asawang nagpapasyang mag-travel. Kabilang dito ang haba ng pasensiya para sa mga hindi inaasahang aberya hanggang sa maayos na pagbu-budget ng oras at ng pera.
Maging totoo sa inyong pagmamahalan sa isa’t isa. Hindi madali ang landas tungo sa “forver.” Pero may mga paraan kung paano tumagal ang isang relasyon, lalo na para sa mga mag-asawa. Huwag pagdamutan ng lambing, panahon, at matamis na pagtingin ang isa’t isa lallo na kung ito naman ang pundasyon ng inyong samahan kahit noong nagsisimula pa lamang kayo.
Oh, pa’no, couple readers? Go na sa road to forever!
Also read: 5 ways para magtagal ang pagsasama ng mag-asawa
Sources: Psychology Today, Elite Daily