Paano turuan ang bata magbasa?
Mahalaga sa murang edad pa lang ng bata na matuto na ito paunti-unti ng mga bagay na importante sa paglaki. Katulad na lamang ng pagbabasa. Malamang ay ang lagi mong tanong ay ‘Paano turuan ang bata magbasa?’ Ang pinakasagot ko parati sa tanong na ito sa akin ay pagtiya-tiyaga na turuan ang bata.
Pagha-handa kay Gavin
Noong buntis pa lamang ako sa aking baby boy na si Gavin, bumibili na ako ng mga libro na puwede kong basahin para sa kanya. Nagha-handa rin ako ng mga flash cards upang ituro sa kanya. Nasa tiyan ko pa lamang siya binabasahan na namin siya ng kung anu-ano. Nag-aaral din ako ng master’s habang pinagbubuntis ko siya. Dahil dito, madalas ay ang mga lessons ko sa school ang binabasa.
Minsan din naman ay binabasahan ko siya ng mga nobela na binabasa ko talaga. Ang kanya namang ama ay binabasahan siya ng paborito niyang Harry Potter book series.
Noon pa man, pansin talaga naming nagre-react siya sa loob ng tiyan ko kapag nagbabasa kami. Kinakantahan din namin siya madalas at nagpapatugtog din kami parati.
Paano turuan ang bata magbasa? Simulan siyang turuan nang maaga
Sinimulan ko ang pagpapakita sa kanya ng mga flash cards noong 3-month old pa lamang siya. Nagsimula na rin kaming magbasa ng libro sa kanya. Ginagawa ito hindi lang sa gabi bago matulog kung hindi kahit anong oras sa araw.
Habang lumalaki si Gavin hindi kami nag-baby talk sa kanya. Kinakausap namin siya ng Tagalog at English, minsan pa nga ay Kapampangan—ang dialect na aking nakuha sa side ng aking nanay.
Tuwing gabi rin ay kinakantahan namin siya. Sinisigurado ko na araw-araw kong ginagawa ang mga iyon para maging routine at para tumatak rin sa isip niya.
6 na buwan
Ang mga unang nasambit ni Gavin na mga salita ay hindi Mama o Dada—ang mga usual na unang sinasabi ng isang bata, kundi ang mga katagang “I wuv you,” na sobrang linaw niyang nasambit. Itong “I wuv you” na ito ay syempre ay ang “I love you” na parati nating sinasabi sa ating mga mahal sa buhay.
Marahil hindi perfect ang pagkasabi niya ng katagang iyon sapagkat 6 months pa lamang siya, pero malinaw sa amin iyon.
Nakuha niya ito dahil paulit-ulit kong sinasambit sa kanya noong bagong gising pa lamang siya “say I love you, I love you, I love you.” Paulit-ulit ako hanggang siya na nga ang nagsalita. Nabatid ko na sa murang edad niya naintindihan niya kung ano ang ibig kong sabihin.
Lalo akong nagpursige na turuan siya araw-araw. Pinapakita ko ang mga flash cards niya ng numbers, letters, colors, at shapes. Nagbabasa rin ako ng libro sa kanya may pictures o wala. Lagi ko rin siyang pinapatugtugan ng mga nursery rhymes at praise and worship songs.
Ang mga sumunod ng mga salita na nasambit niya na walang signs ng pagkabulol ay “Mom,” “Dad,” “wow,” at iba pa. At kapag mayroon siyang bagong natututunan na salita na may pagkabulol, sinisigurado ko na ituturo ko agad kung paano ang tamang pagbigkas dito.
Tinuruan ko rin ang aking asawa kung paano dapat turuan si Gavin kapag mali niyang nabibigkas ang words niya. Dapat binabaybay ang bawat letra ng salita kapag binabanggit. Kasama rin kung kailangan mag-pause at uulitin ang salita upang makuha niya.
Ang maganda at gusto namin kay Gavin ay kahit isang beses mo lang gawin o ulitin nakukuha niya agad at maaalala na ito. Kung kailangan namin ulitin ang mga salita, hindi lalagpas ng limang beses bago niya masabi nang maayos.
1 1/2 na taon
Noong 18 months old na si Gavin, sobrang kabisado na nga niya ang kanyang ABC, numbers, colors, at shapes at marami na rin siyang mga paboritong salita. Mayroon na nga rin siyang tono sa pagkanta kahit “ooooh,” o “la la la” lamang ang kanyang sinasabi.
Araw-araw ko ring pina-praktis ang mga alam ni Gavin. Dinadagdagan ko rin araw-araw ang mga dapat kong ituro sa kanya. Dito niya natutunan ang animal sounds at mga ibang parte na kanyang katawan.
Sa gabi-gabi naming ginawang routine ang pagdarasal, nakuha agad ni Gavin ang mga ilang words sa umpisa ng aming dasal.
Sasabihin niya, “Lord. Kyou/kyu. Day. Men (Lord, thank you for today. Amen)” na may matching pagtaas pa ng kamay na pine-praise si Lord. Bawat salita niya ay inuulit namin kung ano ang tamang pagbigkas dapat.
Bago siya mag-2 years old mas lalong nahasa ang pag-iisip ni Gavin.
Napansin rin naming may pagka-germophobe siya at OC. Hindi nakaka-gulat kung ang bata ay kadalasan hindi mapipigilan na magkalat.
Pagdating kay Gavin, tinuruan namin siya kung paano magligpit. Kapag nadumihan naman ang kahit anong parte sa katawan niya, hihingi agad yan ng tissue o alcohol.
Napansin din namin na natuto siyang mag-sight reading. Lalong nahasa ang kanyang sight reading nang binilhan ko siya ng sight words flash cards.
Ngayon, kapag nagpapabasa ito ng kanyang mga libro, nagugulat kami na nakakasabay na siya.
Ang pag-laki ni Gavin
Kung mapapanood niyo ang mga videos niya, mapapansin niyo rin ang growth sa kanyang pagsasalita. Talagang nago-grow ang word bank niya sapagkat fini-fill up namin ito araw-araw. Para sa wala sa mga libro o flash cards, kami na mismo ang nagtuturo kung ano ang mga tawag doon.
Pagtungtong niya ng 24 months, mas lalo kong hinasa ang kanyang sight reading.
Noong una nga ang ginawa ko sa mga sight reading flash cards niya ay paglalaro ng memory game. Binabasa ko isa-isa, ipapakita sa kanya at ilalagay sa sahig. Sasabihin ko ang mga salita na gusto kong ibigay niya sa akin ang tamang card.
Dumating sa punto na hindi ko na kailangan gamitin ang memory game. Siya na mismo ang magbabasa kapag pinakita ko ang mga cards. Sinubukan ko na kahit isulat ko sa ibang papel, nababasa pa rin niya ito.
Do’n ko napagtanto na successful na ako sa kanyang sight reading.
Ngayon nga’y tinuturuan ko siya ng short a, e, i, o, u sounds.
Talagang gumawa ako sa manila paper at nag-research din ako para lamang may bago akong maturo. Ito rin ay para hindi magsawa si Gavin sa mga flash cards lang at mga libro.
Nakaka-engganyo lalo na kapag nakikita kong nage-excel na siya. Pero syempre pina-praktis pa rin namin o nire-recall araw-araw yung mga alam na niya upang hindi rin niya malimutan.
Ugali ni Gavin habang tinuturuan
Masunurin si Gavin kung kaya’t madali rin itong turuan. Napansin din namin na nandoon yung eagerness at drive niya na gusto niyang matuto. Madalas itong nag-aabot ng mga bagay na gusto niyang matutunan.
Kamakailan lamang ay nagulat ako dahil isang gabi pa lamang namin itinuro kay Gavin ang pangalawa niyang pangalan na Nathan. Kinabukasan ay tinanong ko siya ulit kung ano ang pangalan niya upang tignan kung naaalala niya pa.
Naalala pa nga niya at malinaw niya naisasagot na “Gavin Nathan” ang kanyang pangalan.
Nagulat din ako na kaya na niyang magbilang hanggang 20 kahit hindi ko pa siya tinuruan. Ang naaalala ko lang kapag nagtatanong siya kung anong number yung nasa elevator sasagot lang ako.
Natutunan ko sa pagtuturo
Napagtanto ko sa pagtuturo ko kay Gavin at pagiging ina, strikto pala akong nanay at titser. Pero pinupunuan ko ang sarili ng pasensya sapagkat kailangan kong tandaan na toddler pa lamang ang tinuturuan ko.
Hinihigpitan ko rin ang screen time niya. Strictly no gadgets kami sa kanya. Ang pinaka-gadget na nga niya ata ay TV, kung saan nagagabayan ko kung ano ang kanyang pinapanood.
Siyempre strikto rin ako sa oras kung kailan o anong oras lang siya manonood. Ipinakilala ko sa kanya kamakailan lamang ang “bluetooth speaker.” Sinabi ko sa kanya na ang mga kantang naririnig niya at napapanood sa TV (na kung saan dinownload ko) ay maaari rin niyang marinig sa “bluetooth speaker.”
Dahil dito, madalas ay wala nang TV dahil mas nae-enjoy na niya ang mga kanta niya sa speaker na nakakonekta ang aking cellphone. Ako ang naglilipat ng kanta pero siya ang nagre-request kung anong kanta ang gusto niyang patugtugin ko.
Basically, ang alam lang niya sa cellphone ko ay ginagamit ito para sa mga kanta niya, para kumuha ng litrato, para sa pantawag, at para panoorin ang mga videos kung saan siya ang bida.
Hindi madali magturo sa isang toddler, pero kung tiya-tyagain lang, sa tingin ko madali rin nilang makukuha ang mga pagsambit sa mga salita at pagbasa rito.
Gusto rin kasi ng ating mga anak na nandoon ‘yong drive natin na turuan sila. Pero siyempre hindi rin natin maiaalis sa kanila na bata pa rin sila at gusto rin nilang maglaro minsan.
Ang natutunan ko sa pagtuturo kay Gavin kung paano turuan ang bata ay kapag napansin mong ayaw na nila timeout muna. Timeout muna at tumigil sa pagtuturo kasi mawawala ang interes ng bata sa pag-aaral.
Hindi rin natin dapat sila pilitin kapag ayaw. Kailangan din nating intindihin na napapagod rin ang kanilang mga utak tulad nating mga matatanda na nai-information overload din.
Siyempre huwag na huwag i-baby talk ang ating mga anak. Kausapin natin sila na parang mga matatanda upang mas luamawak ang kanilang word bank.
Huwag kalimutan na kailangan may pag-iingat sa mga salitang babanggitin at hindi dapat banggitin. Wala namang kaso kung ano ang linguwahe na naririnig ng bata sa bahay, ang importante ay ituturo mo ito nang tama at unti-unti.
Dapat din nating tandaan na iba’t-iba ang mga bata at ang pace o development nila. Kaya huwag din tayong ma-pressure kasi darating din sa punto na ang ating mga anak ay matututunan ding magbasa at kung ano pa. Huwag tayong mapagod na turuan sila at huwag tayong mangamba.
Natutunan ko rin ay pagkatiwalaan din natin kung ano man ang kanilang kakayahan upang atin itong mahasa.