Pangarap ng kahit sinong ama ang maihatid ang kanilang mga anak na babae sa altar kapag ikakasal na ito. Hindi iba rito si Pedro Villarin. Kaya naman kahit hindi na makalakad, pinilit pa rin niyang ihatid ang kaniyang anak na si Charlotte sa altar—isang testamento ng pagmamahal ng magulang sa anak.
Planong pag-papakasal
Pang-apat sa limang magkakapatid si Charlotte. Siya ang bunsong babae sa pamilya. Nagtratrabaho siya sa Singapore kasama ang nobyo niyang si Maku. Balak na nilang magpakasal sa Disyembre. Na-book na nila ang venue kung saan sila mag-iisang dibdib. Nakaplano silang umuwi noong July para sana asikasuhin ang ibang detalye ng kasal at para kumuha ng wedding suppliers.
Ngunit nadiskaril ang kanilang mga plano nang magkasakit ang ama ni Charlotte.
“Last June, 1 day before Father’s day, sinugod siya sa emergency [room] and na-admit sa Makati Med due to extreme pain sa tiyan niya,” kuwento sa amin ni Charlotte sa mensahe sa Facebook.
Napauwi nang di oras si Charlotte at Maku. Noong nakaraang taon pa kasi may karamdaman si Pedro—na Papu kung tawagin ni Charlotte—ngunit walang klarong diagnosis ang mga duktor. Ngunit nitong huling pagpapatingin niya, napag-alaman nila na mayro’n na palang “advanced liver cancer, liver cirrhosis and hepa” si Papu Pedro.
Dagdag ni Charlotte, “Tinapat na kami ng doctor about survival rate. Puwedeng 3 months, 6 or 12 months.”
Huling hiling
“Pagkadating palang namin, sabi na agad ni Papu na magpakasal na daw kami,” ani Charlotte. “Gusto niya daw ako maihatid na sa altar at gusto niya makita matupad pangarap ko.”
Madaming pag-aalinlangan si Charlotte at Maku sa paglilipat ng kasal nila katulad ng pinansyal dahil sa gastos sa kasal at sa ospital sa pagpapagamot kay Papu Pedro. Bukod pa sa “sakit” na mararamdaman nila na pagpaplano ng kasal dahil may taning na ang ama ni Charlotte.
Bandang July, napagdesisyunan ni Charlotte at Maku na ituloy ang kasal. “Naisip namin sino ba kami para ipagkait yung wish na yun kay Papu.”
Madalian nilang plinano ang kasal.
“Magically available at pumayag i-move without any penalty nung nalaman nila na may cancer father ko. And amazing lang kasi yung kausap namin sa venue, nagka-cancer din before mother niya so naintindihan niya talaga kami.”
A week before the wedding, lumala ang lagay ni Papu Pedro.
“Pero lagi niya sinasabi na lalaban siya for us. Pero latter part, nararamdaman ko na din na tinitiis na lang niya yung sakit para makaabot sa wedding.”
Sa araw ng kasal, galing Makati Medical Center, pumunta si Papu Pedro sa kasal ng bunso niyang anak na babae. Kumuha ang pamilya ng naka-standby na ambulansya at nars para masiguro na okey ang ama.
Dahil hindi na niya kayang umupo sa wheelchair, isinakay si Papy Pedro sa stretcher at ito ang ginamit niya para maihatid ang pinakamamahal niyang si Charlotte sa altar. Matapos ang seremonya, bumalik ito sa ospital.
Ilang araw mula nang kasal, pumanaw si Papu Pedro.
Lingid sa kaalaman ni Charlotte, nag-record ang kaniyang tatay ng mensahe para sa kaniya. “Sabi niya mahal na mahal niya daw ako at dadalhin niya daw yung pagmamahal ko hanggang kamatayan niya.”
Mensahe ni Charlotte sa kaniyang ama: “If andito pa sya, I just want to say THANK YOU. For giving me unconditional love, for being so selfless, for being the best father a daughter could ever have. Alam kong lumaban ka. Alam kong sobra mong tiniis lahat ng sakit. Pero alam ko din, balang araw, magkikita tayo at sabay natin muling babalikan lahat ng saya at lungkot sa yugto ng buhay nating ito. I will always miss you. And I know, hindi madaling mag move on, lalo na sa isang ama na ibinigay lahat ng pagmamahal na meron sya kahit sa huli mong sandali at makakaya. I LOVE YOU SO MUCH, PAPU.”
Basahin: Isang couple na tinaguriang pinakamatandang buhay na mag-asawa