Nanay binenta ang kambal na baby, bumili ng cellphone
Dahil sa kaliwa’t-kanan na problemang kinakaharap, ina naisipang ibenta ang kambal niyang mga sanggol. Kaya naman dahil sa kaniyang ginawa, ina naaresto at maaring makulong ng hanggang sampung taon.
Pagbebenta ng baby ang naisip na solusyon ng isang batang ina sa China para mabayaran ang mga utang niya at makabili ng bagong cellphone na gusto niya.
Ina na nagbenta ng baby
Ayon sa imbestigasyon, Setyembre ng nakaraang taon ng magsilang ang isang babae sa China na pinangalanang Ma, 20-anyos ng kambal na lalaki. Ang kambal ay premature, kaya naman inilagay agad ang mga ito sa incubator para masubaybayan pa ang kanilang paglaki.
Ngunit maliban sa kinakaharap na pagsubok sa kalusugan ng kambal na sanggol, hindi umano pinanagutan ng ama ng mga sanggol na pinangalanang Wu ang mga ito. Hindi rin daw tumulong ang mga magulang ng naturang babae sa kaniyang pagbubuntis at panganganak. Sa halip ay tinakwil pa nila ang anak dahil sa galit ng maaga nitong pagbubuntis.
Kaya naman dahil sa hirap at pagsubok na kinakaharap ay pumasok sa isip ng ina ng mga sanggol ang pagbebenta ng baby niya. Sa halagang 65,000 chinese yuan o P475,000.00 ay nabenta ng ina ang kambal sa magkahiwalay na pamilya.
Ang perang pinagbentahan ay pinambayad umano ng ina ng kambal sa mga credit card bills niya at ipinambili ng bagong cellphone.
Ayon sa mga pulis ay nalaman daw ito ng ama ng sanggol na si Wu at nag-demand ng parte niya sa pagbebenta ng kaniyang mga anak.
Pagbawi sa mga sanggol
Nito lang Hulyo umano nakarating sa mga pulis ang tungkol sa pagbebenta ng baby na ginawa ni Ma. Kaya naman agad silang umaksyon para arestuhin si Ma pati narin ang dating partner nito na si Wu.
Hinanap at tinarack rin nila ang mga kambal na anak ni Ma. Natunton nila ang isa sa mga ito sa Anhui Province at ang isa naman ay sa Shandong Province sa China.
Agad nilang binawi ang kambal na sanggol sa dalawang pamilya na nag-ampon sa mga ito. At kasulukuyang inilagay sa pangangalaga ng kanilang lolo at lola na mga magulang ni Ma.
Sa China ang sinumang mapatunayang guilty sa child trafficking o pagbebenta ng bata ay maaring makulong ng hanggang sampung taon. Maari ring maharap sa legal punishment ang mga pamilya o sinumang bibili ng bata sa kahit pa anong dahilan.
Batas na pumoprotekta sa pagbebenta ng baby sa Pilipinas
Samantala, dito sa Pilipinas ang batas na pumoprotekta sa pagbebenta ng baby o bata ay ang Republic Act No. 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.
Sa ilalim ng batas na ito ang sinumang mapatunayang nagbebenta ng bata, ito man ay kaniyang magulang, kapatid, guardian o malapit na kamag-anak ay maaring maharap sa habang-buhay na pagkabilanggo. Siya rin ay magbabayad ng multa ng hanggang sa P5,000,000.00 at hindi bababa sa P2,000,000.00.
Source: AsiaOne, DailyMail UK, DSWD
Photo: Pixabay
Basahin: Sanggol na inabandona sa tambakan ng basura, naampon dahil sa social media