Malaki ang pagbabagong nagawa ng social media para sa ating mga buhay. Nagagamit natin ito upang makipag-usap sa mga matagal na nating hindi nakikitang mga kaibigan at mga kamag-anak, at para na rin makibalita sa mga nagaganap sa mundo.
Ngunit sino ang mag-aakala na dahil sa social media, magbabago ang buhay ng isang inabandonang sanggol na natagpuan sa tambakan ng basura?
Twitter, naging daan upang maampon ang isang inabandonang sanggol
Nangyari ang kuwento sa India, kung saan si Vinod Kapri, isang filmmaker, ay nakakita ng post tungkol sa isang sanggol na iniwan sa tambakan ng basura.
Araw-araw raw ay twitter agad ang kaniyang sinisilip pagkagising, at sa araw na iyon, nakita niya ang post tungkol sa isang kaawa-awang sanggol na natagpuan kasama ng mga basura.
Ipinakita raw niya sa kaniyang asawa na si Sakshi ang video, at hindi raw niya kinaya ang kalunos-lunos na kalagayan ng bata. Aniya, sapat na raw sa kaniyang marinig ang iyak ng bata para malaman na dapat tulungan nila ito.
Biglang naisip ni Sakshi na subukan kaya nilang ampunin ang sanggol, na sinang-ayunan naman ni Vinod.
Sinubukan nilang alamin kung nasaan ang sanggol gamit ang Twitter, at nagulat sila nang makakuha sila ng maraming retweets. Dahil dito, nag-viral ang kanilang tweet, at maraming tao ang tumulong upang mahanap kung nasaan na ang sanggol.
Paglaon ay nakakuha sila ng source na nagsabing ang sanggol ay nasa Rajasthan, isang probinsya sa India.
Hinanap nila kung saang ospital naroon ang sanggol
Hiningi ni Vinod ang tulong ng isa niyang kakilala, upang hanapin kung nasaan ang bata sa Rajasthan. Napag-alaman niyang kritikal pala ang kondisyon ng batang babae, at dito nakausap ng mag-asawa ang doktor sa telepono.
Ayon sa kanila, nais raw nilang tulungan ang bata, at ampunin ito kung maaari. Sinabi ng doktor na bagama’t mababa ang timbang ng sanggol, malusog naman raw ito. Sa balitang ito, nabuhayan ng loob ang mag-asawa, at pumunta sa ospital kung nasaan ang sanggol.
Iba raw ang naging pakiramdam nilang dalawa nang masilayan ang sanggol sa ospital. Bagama’t hindi sila ang tunay na magulang ng sanggol, naramdaman nilang may koneksyon agad sila sa bata.
Kasalukuyang pinoproseso ngayon ang adoption ng sanggol, na pinangalanan nilang Pihu. Umaasa ang mag-asawa na kahit matagal ang proseso ng pag-aampon, ay magiging bahagi rin ng kanilang pamilya si Pihu.
Source: CNN
Basahin: Alamin: Lahat ng dapat malaman tungkol sa pag-aampon
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!