Pagbibigay ng oras sa anak ng kanilang mga magulang, ito umano ang pinakamagandang regalong nais matanggap ng mga bata ngayong Pasko.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang pinakamagandang regalong dapat ibigay sa bata ngayong Pasko?
Christmas photo created by Racool_studio – www.freepik.com
Ito rin ba ang tanong na gumugulo sa isip mo? Malamang tulad ng marami ay nais mo ring magbigay ng regalo sa iyong anak na kaniyang tunay na ma-appreciate at pasasalamatan.
Maaaring naiisip mong bigyan siya ng matagal niyang inaasam-asam na bike. O kaya naman sarili niyang cellphone para hindi na siya nanghihiram sayo.
Puwede rin ang naglalakihang laruan na siguradong mapapa-wow siya sa oras na makita niya. Bagama’t ang mga ito ay siguradong ikatutuwa niya, ayon sa isang neurologist at mga pag-aaral ay hindi ito ang nais na matanggap ng mga bata ngayong Pasko. Ang talagang gusto nila ay ang oras mo o ang quality time na makasama ka.
Pagbibigay ng oras sa anak, ang regalong nais matanggap ng mga bata ngayong Pasko
Ayon kay Dr. Judy Willis, isang board-certified neurologist, base sa kaniyang pagtatanong sa mga bata at mga pag-aaral na nabasa, higit sa laruan o anumang materyal na bagay ito talaga ang regalong inaasam-asam ng mga batang matanggap mula sa magulang nila.
Mas konting oras online at mas dagdag na family time
People photo created by jcomp – www.freepik.com
Kung namomroblema ka sa ginagawang pagbababad ng anak mo sa harap ng cellphone o computer, mainam na tanungin mo ang iyong sarili kung saan niya ba nakuha ang hilig niyang ito.
Sapagkat baka mamaya, ito ay sa ‘yo niya rin nagaya. At sa likod ng kaniyang isip ay nais niya sanang bawasan mo rin ang oras na nakaharap ka sa iyong cellphone at makipag-usap sa kaniya.
Ito ay mula sa resulta ng isang pag-aaral na ginawa noong 2014 kung saan pito sa sampung bata ang nagsabing ito ang nais sana nilang gawin ng mga magulang nila.
Siyempre, ang bawas na oras pag-o-online ay dagdag na oras para makapag-spend sila ng quality time bilang pamilya. Ito umano ang talaga namang inaasam-asam ng mga bata ayon pa rin kay Dr. Willis.
Payo niya, mas mainam na sa pag-spend ng quality time kasama ang iyong anak ay isama siya sa pagpaplano. Tanungin siya sa mga activities na nais niyang gawin.
Sa ganitong paraan ay mas nag-iimprove ang komunikasyon sa pagitan ninyo at mas nararamdaman nilang napapakinggan mo sila at mahalaga ang kanilang sinasabi at nararamdaman.
Pagdating naman sa mga activity o task na kanilang ginagawa, malaking bagay ang pagtulong mo. O kaya ang pagpuri sa mga achievements nila.
Pero mas ikatataba ng puso ng mga bata na marinig na anuman ang output nila ay ma-aappreciate mo ang effort na binigay nila para magawa ito.
Higit sa lahat matutuwa rin ang iyong anak kung ikaw ay supportive sa kaniyang mga hilig.
Maging matapat sa iyong anak at maging seryoso sa mga pangakong binitiwan mo
People photo created by jcomp – www.freepik.com
Maaring iniisip mo rin na ayos lang paminsan-minsan ang magsinungaling sa iyong anak. O kaya naman ay hindi matupad ang ipinangako mo sa kanila, payo ni Willis mas mainam na maging honest o matapat sa kaniya.
Ipaliwanag kung bakit hindi mo matutupad sa ngayon ang pangako mo sa kaniya. Sapagkat maaaring para sa ‘yo ito ay maliit na bagay na maaari mong malimutan.
Pero para sa iyong anak ang mga pangakong sinasabi mo ay pinanghahawakan niya. Ito ay seryosong bagay na inaasahan niya at maaring makapag-palungkot sa kaniya kung hindi magawa.
Kaya naman kaysa mapako ang iyong pangako ay bakit hindi na lang siya sorpresahin. Tulad ng biglaang swimming o camping na kung saan makakapag-spend siya ng oras sa labas na kasama ka. Puwede rin naman siyang sorpresahin sa pamamagitan ng pagluluto ng paborito niyang ulam o pagkain.
Ipaliwanag sa kaniya ang iyong trabaho o mga dapat mong gawin
Mahalaga na ipaunawa sa ating mga anak kung ano ba ang trabaho o mga dapat natin gawin. Halimbawa, kung bakit tayo kailangang umalis ng bahay para magtrabaho. O kaya naman minsan iwan siya sa kaniyang lolo at lola.
Sa ganitong paraan, mas mauunawaan niya ang iyong sitwasyon at hindi magtatanim ng lungkot o pagdadamdam sa iyong mga magulang.
Sa kabuuan, napakasimple lamang ng nais ng mga bata mula sa ating mga magulang. Ito ay ang ating oras na kung saan mararamdaman nila ang pagmamahal at pag-aaruga ng isang magulang, oras na kung saan maipaparamdam rin nila sa atin ang pagpapasalamat nila sa atin bilang mga magulang nila.
Kung hanggang ngayon ay nag-iisip parin ng magandang regalo para sa iyong anak ay tapos na ang iyong problema. Lapitan mo siya, kausapin at yakapin. Iparamdam mo na ikaw ang pinaka-maswerteng magulang na nagkaroon ng anak na tulad niya.
Kahalagahan ng pagbibigay ng oras sa anak
Marami sa atin ay working mom o working dad. Na limitado ang panahon na naibibigay sa ating mga anak dahil kinakailangan nating kumayod upang maibigay ang kanilang pangangailangan.
Pero mommy at daddy, higit sa mga materyal na bagay, kailangan din nating maglaan ng quality time upang masiguro na healthy ang emotional development at growth ng bata.
Bakit nga ba mahalaga ang pagbibigay ng oras sa anak?
Kapag kasama mo ang iyong anak, magandang oportunidad ito upang siya ay maturuan mo. Maraming maaaring matutunan ang iyong anak mula sa iyo.
Bukod pa rito, importante rin ang quality time para maging matatag ang samahan ng pamilya. Sa pagbibigay kasi ng oras sa anak at asawa, mas nakikilala natin sila —ang kanilang mga gusto at interes.
Dagdag pa riyan, ayon sa Boys Town Pediatrics, maayos na nadedevelop ang self-esteem at sense of belonging ng bata kung mayroon itong sapat na experiences kasama ang pamilya na matatandaan nito at aalagaan sa buong buhay.
Hindi naman kinakailangan na minu-minuto mong kasama ang iyong anak lalo na at mahalaga rin naman na tayo ay magtrabaho. Ang importante lamang ay nakapaglalaan tayo ng kahit isang araw sa isang linggo na para lamang sa ating pamilya. Puwedeng mag-plano ng special gatherings o activities na magsisilbing bonding ng pamilya.
Importante rin na mayroong mga pagkakataong magkakasabay sa pagkain ang pamilya. Sa mga ganitong pagkakataon kasi nagkakaroon ng chance ang magulang na makausap nang masinsinan o magaan ang kanilang mga anak.
Sa paano mang paraan mo naibibigay ang quality time sa bata, tandaan mommy at daddy na mahalaga ang suporta at presensya mo sa kaniyang paglaki.
Updates by Jobelle Macayan