Mommy, handa kana ba sa pagbubuntis lalo na ngayong third trimester? Alamin ang buong summary at tips every month dito para ready si baby!
Pagbubuntis: Bawat linggong paglaki ni baby sa 3rd trimester
Sa pagsisimula ng pagbubuntis ngayong third trimester, ang iyong sanggol ay may timbang na 2 1/4 libra (pounds). Mayroon nang kuko sa kamay at paa, at bilyong neurons sa utak. Ang mga nalalabing linggo niya sa sinapupunan ay panahon para magpalaki at magdagdag pa ng timbang si baby. Sa kabuwanan, karaniwang may habang 19 pulgada at bigat na 7 libra (pounds) ang isang sanggol na handa nang lumabas.
Ika-27 na linggo
Madalas na ang paggalaw ng iyong sanggol. Nakakaramdam ka ba ng parang kiliti sa loob ng tiyan? Marahil ay sinok ito ni baby. Naibubukas-sara na rin niya ang mga mata at sinusubo ang kanyang daliri. May timbang na halos 2 (libra) pounds, at parang kasinlaki na ng cauliflower ang iyong baby, at may habang 14 1/2 pulgada.
Aktibo na ang utak ng iyong sanggol kaya’t kailangan ding maging aktibo ng nanay: magbasa, kumanta, makipag-usap, paganahin ang utak para sabay kayong nag-iisip ni baby. Kung may nararamdamang kahit anong sakit o kakaiba sa karaniwan, huwag mag-atubiliing kumunsulta sa OB GYNE.
Oras na rin para bumili ng car seat at ayusin ang magiging kuwarto ng munting sanggol.
Ika-28 na linggo
Planuhin na ang mga dapat gawin sa oras na magsimulang mag-labor. Mabuti na ang handa. Patuloy na lumalaki ang bata sa sinapupunan at ang lahat ng kaniyang sistema ay naghahanda na sa paglabas. Patuloy ang pagtubo ng kaniyang buhok.
Kung curious ka naman sa tamang timbang ng buntis, maaari mo itong itanong sa iyong doktor. Maaaring ipayo rin niya na doktor na pumunta sa klinika niya tuwing ikalawang linggo para masundan ang iyong kabuwanan. Sa ika-36 na linggo, magiging linggo linggo na ang iyong appointment sa doktor. Handa na kasing lumabas ang bata anumang oras sa panahong ito kaya’t alisto dapat.
Ika-29 na linggo
Ang muscles at baga ng sanggol ay patuloy na nabubuo na. Ang kaniyang ulo naman ay lumalaki na rin ng nararapat dahil ang kaniyang utak ay nagma-mature na din.
Siguraduhing kumakain ng high-fiber diet tulad ng prutas, gulay, cereals, whole grain na tinapay, prunes, at bran. Patuloy ang pag-inom ng tubig sa buong araw. Mag-ehersisyo ng ayon sa payo ng doktor at ayon sa kaya lamang ng katawan. Bawasan na ang iron supplements. Magpahinga ng madalas, lalo kung nagtatrabaho pa.
Ika-30 na linggo
Dahil patuloy na lumalaki ang tiyan at pisikal na nararamdaman ang nalalapit na panganganak, maaaring parang palagi kang may mood swings, pagod at pananakit sa ilang bahagi ng katawan, lalo ang likod at mga joints. Ang tamang timbang ng buntis ay nakabase sa kanyang buwan at laki ng dinadala.
Oras na para pag-usapan ang mga bagay tulad ng pain relief options sa panganganak, kung magpapasuso ba ng eksklusibo o gagamit ng formula milk bilang alternatibo, at iba pang mahahalagang bagay.
Ang iyong sanggol ay halos 3 libra (pound) na at may habang 15.15 pulgada (38.5 cm) , at halos kasinlaki ng isang cabbage. Halos buo na ang development ng mga mata ng sanggol. Na-aaninag na niya ang maliwanag at madilim. Pagkapanganak ay nakapikit pa rin ang sanggol ngunit maididilat na niya ito pagkalaunan.
Habang naghihintay sa panganganak, ayusin na ang kuwarto ni baby: ihanda na ang crib, baby monitor, stroller, baby bag para sa ospital, at ilagay na ang car seat sa kotse.
Pagbubuntis third trimester: Ika-31 na linggo
Mararanasan ang tinatawag na Braxton Hicks contraction. Pakiramdaman kung Braxton Hicks ito at hindi simula ng labor. Ang Braxton Hicks ay maliliit na pananakit o contraction, na tumutulak sa uterine wall. Minsa’y tinatawag itong “practice contractions”, dahil dito mo mapapraktis ang paghinga sa oras ng totoong labor. Hindi ito gaanong masakit at hindi regular ang interval ng sakit, kaya’t mapapag-iba ito sa labor contractions.
Madalas na sumisipa si baby sa gabi habang ikaw ay nakahiga at nagpapahinga na. Maaaring mayron ding madilaw at malagkit na lulamabas sa iyong nipple. Ito ang colostrum o pre-milk, ang unang lumalabas na gatas ng ina at sadyang mahalaga at puno ng nutrients para sa iyong sanggol. Hindi lahat ng ina ay naglalabas ng colostrum habang buntis pa lamang.
Ang iyong baby ay patuloy na lumalaki. Siya ay 15 ½ pulgada at may timbang na 3 ½ hanggang 4 libra (pounds).
Pagbubuntis third trimester: Ika-32 na linggo
Inaasahang nagpapa-check-up ka na sa OB GYNE bawat ikalawang linggo mula ngayon, sa paghahanda sa panganganak. Kadalasang makakaramdam ng heartburn at hirap sa paghinga dahil sa patuloy na paglaki ng iyong uterus.
Maaaring nahihirapan ka din sa pagtulog. Subukan ang mag-iba-iba ng posisyon sa pagtulog, at humiga o umupo ng nakataas ang 2 paa sa kabuuan ng araw sa gitna ng pagtatrabaho sa bahay o opisina. Maligo nang hindi tatagal sa 30 minuto ng maligamgam na tubig. Patuloy ding uminom ng tubig para di ma-dehydrate, o maligamgam na gatas.
Ang iyong baby ay lagpas na ng 16 pulgada ang haba at nasa 4 hanggang 4 ½ libra (pounds) ang timbang. Ang kaniyang mga buto ay halos buo na rin, ngunit malambot pa.
Pagbubuntis third trimester: Ika-33 na linggo
Makakaramdam na ng pagtulo ng amniotic fluid mula sa puwerta paminsan-minsan. Hirap ka na sa paglakad, pag-upo, pagtulog dahil ang laki na ng iyong dinadala.
Magbasa at magtanong-tanong tungkol sa pagputok ng tubig bilang paghahanda sa nalalapit na panganganak. Kung may maramdamang tumutulo mula sa puwerta na walang amoy at parang tubig, tawagan agad ang iyong doktor o pumunta na sas ospital. Kung ito naman ay kulay berde at may amoy, maaaring impeksiyon ito. Ikunsulta agad sa iyong doktor.
Ang iyong sanggol ay 16 ½ pulgada na ang haba at may timbang na 4 ½ to 5 libra (pounds). Wala na ang kulubot ng balat ni baby dahil napupuno na ng laman ang kaniyang katawan. Ang buto niya ay buo na at tumitigas na maliban sa kaniyang ulo.
Magtanong sa iyong OB-Gyne tungkol sa posibleng episiotomy, o paggupit at pagtahi ng iyong puwerta sa paglabas ng sanggol. Marami pa ring doktor ang nakikitang hind kailangan ng episiotomy hangga’t maaari. Huwag din mahiyang magtanong sa iyong doktor kung ligtas pang makipagtalik sa iyong kasalukuyang kalagayan.
Ika-34 na linggo
Tuluyan nang buo at inaasahang malusog ang baga ng iyong sanggol. Makakaramdam ng pagod at madalas na pagkahilo kaya’t siguraduhing nagpapahinga paminsan-minsan. Ang tamang sukat ng tiyan ng buntis sa ganitong stage ay halos lagpas na ng 17 pulgada at may timbang na 5 hanggang 5 ½ libra (pounds) ang iyong sanggol.
Handa na ang iyong sanggol sa paglabas kahit wala pang kabuwanan, kaya’t walang dapat ipag-alala kung nakakaramdam ng sintomas ng labor. Alamin ang mga hudyat ng labor dito.
Ika-35 na linggo
Mahalagang pakiramdaman ang pagsipa ng sanggol sa iyong tiyan. Hindi na masyadong gumagalaw ang sanggol dahil malaki na ito at sakto na sa iyong sinapupunan, pero may mga maliliit na paggalaw pa din. Magpraktis ng paghinga sa tuwing may mararamdamang sakit o contraction, kahit maliit lang.
Tamang sukat ng tiyan ng buntis:
Halos buo na ang paglaki ng iyong baby, na ngayon ay halos 18 pulgada na at may timbang na 5 ½ to 6 libra (pounds). Panigurado ay linggo linggo na ang pagpunta mo sa OB-gyne, dahil minomonitor na niya ang iyong nagbabadyang panganganak. Orasan ang bawat pagsipa o pag-ikot at paggalaw ng iyong baby.
May pediatrician ka na ba? Kumpleto na ba ang papeles para sa panganganak? May pangalan na ba si baby? Ihanda na ang lahat.
Ika-36 na linggo
Halos isang buwan na lang at manganganak ka na. Naka-impake na ba ang iyong baby bag para sa ospital? Ilagay na sa kotse o sa lugar na malapit sa pintuan. Ang iyong sanggol ay bumibigat ng halos 1 ounce sa bawat araw ngayon kaya’t bumibigat na ito. Paniguradong hirap ka nang maglakad at sumasakit na rin ang puwerta dahil tumutulak na ng unti-unti ang bata pababa.
Patuloy na mararamdaman ang Braxton Hicks contractions, ngunit huwag mag-alala. Kumunsulta sa doktor kung ang sakit ay hindi makayanan. Ang sanggol ay inaadahang nasa ibaba ang ulo, nakatutok sa puwerta. Kung hindi, ito ay tinatawag na breech presentation, na maaaring itama ng OB-Gyne.
Ika-37 na linggo
Nagsisimula nang bumuka ang iyong cervix sa paghahanda sa nalalapit na labor. Halos 18 pulgada na ang haba ng bata at may timbang na 6 hanggang 7 libra (pounds). Kung breech ang posisyon ng sanggol, ikunsulta ito sa iyong OB GYNE para magawan ng paraan, natural man o medikal.
Walang ibang mahalaga ngayon kundi maghintay. Mag-isip ng mga bagay na maaaring gawin: ihanda ang bahay lalo na ang kuwarto ni baby, mag-relax at magbasa ng libro o makinig sa musikang hilig, kumain ng prutas at gulay, isda, karne, uminom ng tubig at gatas. Ihanda ang camera at mga memory card, at baby announcement cards para sa araw ng pinakahihintay.
Pagbubuntis third trimester: Ika-38 na linggo
Handang handa na si baby sa paglabas anumang oras. Maaaring nasa 17 hanggang 20 pulgada ang haba at 6 ¼ hanggang 7 ½ libra (pounds) ang timbang ng iyong sanggol. Patuloy siyang lumalaki at lahat ng kaniyang internal organs ay buo na at inaasahang gumagana ng maayos.
Nakaisip na ba ng pangalan? May makakasama ka na ba sa ospital? Naibilin mo na ba lahat sa mga malalapit sa iyo ang lahat ng kailangang ibilin? May maiiwan ba sa bahay kapag nasa ospital ka na? Ano ang dapat asikasuhin sa bahay na nais mong ibilin?
Kumakain ka ba ng sapat? Pakiramdaman ang sarili at orasan ang mga contractions.
Ika-39 na linggo
Ang pagputok ng iyong panubigan ang hinihintay sa puntong ito. Palaging ihanda ang cellphone sa tabi mo para matawagan ang asawa, doktor o ambulansiya sakaling magsimula ang labor.
Huwag kabahan, huwag mag-panic. Mag-relaks at mag-isip ng masasayang bagay. Huwag mag-atubiling kumain ng mga pagkaing gusto mo, basta’t hindi maanghang o maalat, o masyadong matamis.
Ayusin ang mga damit at iba pang gamit ni baby.
Ika-40 ng linggo
Kung umabot ka sa ika-9 na buwan, handang handa ka na! Ang iyong baby ay kasinlaki na ng isang hinog na kalabasa. Kung ito ang unang pagbubuntis, asahang minsan ay mas maaga ng 2 linggo o lagpas sa 40 linggo ang paglabas ng anak.
Kung ikaw ay nagle-labor na, mararamdaman ang pagputok ng panubigan at pagtulak ng ulo ni baby sa iyong puwerta. Masakit at mas madalas na ang contractions. Oras na para pumunta sa ospital bitbit ang baby bag.
Huwag kabahan. Mag-relaks at gawin ang breathing technique na pinag-aralan sa birthing class. Ang sanggol ay nasa 19 hanggang 21 pulgada ang haba at may timbang na 6 ¾ hanggang 10 libra (pounds).
Alamin kung ano ang APGAR test. Ito ang unang pagsusulit ng iyong sanggol. Tinitingnan nito ang kabuuang kalusugan ng isang bagong panganak na sanggol sa unang 5 minuto ng buhay.
Ano pa ang gagawin? Hawakan ang iyong sanggol at ibuhos na ang lubos na pagmamahal sa kaniya. Simula na ng masayang buhay ng iyong pamilya!
Sources: “What to Expect When You’re Expecting” ni Heidi Murkoff at Sharon Mazel; “The Pinoy Pregnancy Planner: 40 Weeks to Your Baby’s Birth” ni Mildred N. Pareja, M.D.
BASAHIN: 4 Na yugto ng labor at panganganak – at mga payo para kay mommy
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.