Karaniwan sa ating mga Pilipino ang pagsasama ng extended family sa iisang bubong. Nariyan na kahit kasal na at may sarili nang pamilya ay nakatira pa rin sa tirahan ng mga magulang.
Bahagi na ito ng kultura ng mga Pilipino ngunit kadalasan na ang dahilan ng hindi pagbukod ay ang kawalan ng financial stability.
Ano nga ba ang maganda at hindi magandang maidudulot ng pagbukod ng mag-asawa ng tirahan mula sa kanilang mga magulang?
Pagbukod ng tirahan
Natural lang para sa mga bagong mag-asawa na gustuhin nila na mag-explore sa kanilang relasyon at sexuality. Kahit na matagal na nilang kakilala ang isa’t isa, iba pa rin kapag ganap nang nagsasama o mag-asawa. Paano nga ba mas kilalanin pa ang iyong asawa o kapareha kung kasama niyo sa iisang bubong ang inyong magulang?
Narito ang iba’t ibang epekto ng pagbukod ng tirahan ng mag-asawa mula sa kanilang magulang.
Pros: Advantage ng pagbukod sa magulang
Pagbukod sa magulang: Paglaya mula sa pressure
Hindi maiiwasan na ma-pressure ang iyong asawa lalo na ang babae kung kasama niyong mag-asawa ang inyong magulang sa iisang tahanan. Nagiging balakid ang presensya ng in-laws upang mas maging bukas at ma-express ng mag-asawa ang kanilang mga sarili sa isa’t isa. Ang pagbukod mula sa magulang ay isang hakbang para bigyang kalayaan ng mag-asawa ang isa’t isa na maipahayag ang kanilang sarili at mga nararamdaman sa isa’t isa.
Pagbukod sa magulang: Pagkakaroon ng sapat na quality time
Mahalaga ang quality time sa mag-asawa lalo na sa mga bagong kasal. Importante na naglalaan ng sapat na oras upang mas kilalanin at kalingain ang iyong asawa. Kung nakabukod kayo sa mga magulang, mas maraming oras ang maaaring ilaan sa iyong kapareha.
Improvement ng compatibility
Normal sa mga nagsasama ang pagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan paminsan-minsan. Ang mga hindi pagkakaunawaan na ito ay masosolusyunan ng maayos na pakikipag-usap o pakikipag-ugnayan sa iyong asawa. Kung hindi kayo nakabukod sa inyong mga magulang posibleng mahirapan kayong komprontahin ang iyong asawa. Na maaaring magresulta ng pagka-ipon ng sama ng loob. May mga in-laws din na hindi maiwasan na makisawsaw sa away mag-asawa. Na nagsasanhi ng mas lalong hindi pagkakaunawaan ng magkapareha.
Pagbukod sa magulang: Pagkakaroon ng sapat na privacy
Syempre, kapag kasama mo sa iisang bubong ang iyong in-laws o mga magulang, limitado ang privacy na mayroon kayo ng iyong asawa. Importante ang pagbukod para mas magkaroon ng espasyo para sa inyong privacy.
Pagtutulungan sa gawaing bahay
Naging kaisipan na ng mga nakatatanda na ang babae ang dapat na gumagawa ng gawaing bahay. Ngunit sa panahon ngayon, na halos lahat ng mag-asawa ay pareho nang nagtratrabaho upang mas umalwan ang pinansiyal na kalagayan ng pamilya, mahalaga na nagtutulungan ang mag-asawa sa iba pang gawin tulad ng pag-aasikaso sa anak at paggawa ng gawaing bahay. Kung nakabukod kayo sa inyong mga magulang, mas maayos niyong mapag-uusapan ang paghahati ng mga gawaing bahay.
Cons: Disadvantage ng pagbukod sa parents
Usaping pinansiyal
Unang-una syempre sa listahan ng mga disadvantage sa pagbukod ng tirahan ay ang financial stability. Kung nakatira kayo sa iisang bahay kasama ang mga magulang o in-laws, matutulungan nila kayo sa inyong mga bayarin. Ibig sabihin, may katuwang kayo sa pagbabayad ng mga bills at iba pang gastusin.
Tandaan lang na mahalagang mapagkasunduan nang maayos kung paano ang paghahati sa mga gastusin upang hindi ito mauwi sa hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng mag-asawa at ng pamilyang kasama.
Family bonding
Ang pagtira sa iisang bahay kasama ang mga magulang ay magandang pagkakataon din upang maging mas malapit kayo sa inyong in-laws. Kaya naman ang pagbukod sa kanila ay maaaring maging dahilan upang hindi masyadong mapalapit ang loob sa kanila. May maganda ring naidudulot ang hindi pagbukod sa in-laws. Sa pamamagitan nito, nababawasan ang pagkahiya at pagiging intimidated mo sa iyong mga biyenan.
Gabay ng nakatatanda
May mga biyenan naman na hindi basta nakikisawsaw sa away mag-asawa. Pero kung hihingian mo ng payo ay agad na tutulong sa inyo. Ito ang isa sa kabutihan ng hindi pagbukod sa magulang at biyenan. Mayroong gagabay na nakatatanda sa inyo tungo sa mas maayos na pagsasama niyong mag-asawa. Pero tandaan na magkakaiba ang bawat biyenan o magulang. Hindi lahat ay bukas ang isip pagdating sa usaping pagtatalo ng mag-asawa.
Pag-aalaga sa anak
Ang kagandahan din ng pagtira sa iisang bahay kasama ang magulang ay mayroon kang katuwang sa pag-aalaga sa iyong anak. Kung pareho kayong mag-asawa na nagtratrabaho at walang sapat na pera para kumuha ng katulong na mag-aalaga sa anak, mabuti ang pagtira kasama ang magulang upang magabayan din ng mga ito ang inyong mga anak.
Mommy and daddy, tandaan na nakadepende pa rin sa inyong kalagayan kung kinakailangan na ninyong humiwalay sa inyong mga magulang o biyenan. Isaalang-alang ang kalagayang pisikal, mental, at pinansiyal sa pagdedesisyon. Piliin ang hakbang na mas makapagpapatibay ng inyong relasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!