Sa panahon ngayon, normal nang makakita ng mga bata na gumagamit ng cellphone, tablet, at kung anu-ano pang mga gadgets. At bagama’t nakakatulong ito para sila ay malibang, at matuto, posible rin daw itong magkaroon ng masamang epekto sa kanila. Ayon sa isang pag-aaral, ang paggamit ng cellphone bago matulog ay posible raw na makasama sa mental health at kabuuang kalusugan ng mga bata.
Ating alamin ang dahilan kung ano ang masamang epekto ng paggamit ng cellphone bago matulog sa mga bata at sa kalusugan nila. Ano nga din ba ang payo ng mga eksperto dito?
Ano ang epekto ng paggamit ng cellphone bago matulog?
Ayon sa inilathalang pag-aaral ng Royal College of Paediatrics and Child Health (RCPHC) sa UK, may kinalaman raw ang paggamit ng gadgets sa depression, anxiety, obesity, at sleep disruption. Ngunit ayon sa kanila, hindi raw ang mismong gadgets ang nakakasama; ang problema raw ay kapag sumosobra na ang paggamit ng gadgets. Kaya ito ang epekto ng cellphone sa sleeping hours ng bata.
Isang halimbawa nito ay kapag napupuyat ang isang bata dahil nagtitingin siya ng mga posts sa Facebook. O kaya kapag hindi na siya lumalabas o nakikipaglaro sa mga kaibigan dahil nakatutok lamang sa kaniyang tablet.
Dahil dito, inirekomenda ng RCPHC na pagbawalang gumamit ng gadgets ang mga bata isang oras bago sila matulog. Makakatulong raw ito upang hindin mapuyat ang mga bata, at upang masanay sila na umiwas sa paggamit ng cellphone bago matulog.
Ang kailangan daw tandaan ng mga magulang ay dapat nilang kontrolin ang screen time ng kanilang mga anak. Wala namang masama sa paggamit ng mga gadgets, ngunit kailangan daw maging mahigpit ang mga magulang pagdating sa paggamit ng mga ito upang hindi sumobra ang screen time ng mga bata.
Paano bawasan ang screen time?
Kahit sinong magulang siguro ang magsasabi na ang hirap minsan pagbawalan ng mga bata. Ngunit siyempre, mahalagang magtakda ng mga patakaran ang mga magulang upang matuto ng disiplina ang kanilang mga anak. Mahalagang malaman ng bawat magulang at bata kung ano ang tamang gamit ng cellphone.
Ang sobra-sobrang paggamit ng cellphone sa bata lalo na bago matulog ay may masamang epekto sa kanilang kalusugan. At sa usapin ng screen time, mahalagang magkaroon ng mga hangganan ang paggamit ng mga bata.
Heto ang ilang mga tips na makakatulong upang mapadali ang pagbawas sa screen time ng mga bata:
- Magtakda ng naka-schedule na paggamit ng gadgets kada araw. Huwag pabayaan na makagamit ng gadgets ang iyong anak kahit kailan nila gusto.
- Maging mabuting halimbawa sa iyong mga anak. Huwag rin masyadong nakatutok sa iyong cellphone, at bawasan mo rin ang iyong screen time.
- Yayain mo ang iyong mga anak na maglaro sa labas at mag-engage sa physical activity.
- Ipasyal sila sa kung saan-saang mga lugar upang hindi sila palaging nasa bahay lamang.
- Turuan silang makipagkaibigan at makipaglaro sa ibang mga bata para mayroon silang social interaction.
- Maglaan ng oras para sa family bonding, at kamustahin ang iyong mga anak.
- Ipagbawal rin ang paggamit ng mga gadgets 1 oras bago matulog.
Nawa’y makatulong ang mga tips na ito upang makaiwas ang iyong mga anak sa masamang epekto ng sobrang paggamit ng gadgets. Mahalaga bilang magulang na malaman kung ano ang tamang gamit ng cellphone para sa mga bata.
Mahalagang sanayin sila sa mga bagay na mas mahalaga kesa sa paggamit ng gadgets. Katulad na lamang ng pagbabasa ng libro, pagturo ng academics o paglalaro ng mas makabuluhang bagay.
Isang masayang bonding time rin ang mangyayari kung pagsapit ng hapon, samahan mo ang iyong anak na maglaro o kahit simpleng kausapin ito. Pwede mo rin siyang tulungan na i-discover ang kanyang talent katulad ng pagkanta, pag guhit, pagsayaw o pagpinta. Mas exciting kung bata pa lamang ay alam na agad nito ang kanyang pangarap at mahahasa agad niya ito paglaki.
Source:
Basahin:
Toddler screen time addiction spells serious trouble
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.