Kailan mo ba pwedeng simulang bigyan ng bote ang iyong sanggol? Alamin rito kung kailan ang mainam na panahon ng paggamit ng feeding bottle sa baby.
Isa sa mga pinakaunang pagsubok na pinagdaraanan ng mga bagong ina ay ang pagpapadede sa kanilang sanggol. Bagama’t isang natural na gawain sa mga kababaihan ang pagpapadede, mayroon itong kaakibat na hirap. Lalo na kapag hindi agad makadede ng maayos ang bata, o hindi “sapat” ang gatas ng ina.
Gustuhin man nila, may mga nanay na hindi kayang magpadede kaya nagdedesisyon silang magbigay ng gatas sa pamamagitan ng feeding bottles (mapa-formula o expressed milk man ito) para sa kalusugan ng kanilang anak.
Subalit ayon sa mga eksperto, hangga’t maaari, mas mabuti kung ipagpapaliban o ide-delay ang paggamit ng feeding bottle sa baby, lalo na sa mga bagong panganak na sanggol.
Talaan ng Nilalaman
Milk Code sa Pilipinas
Alam mo ba na ipinagbabawal na ang pagdadala ng mga bagay gaya ng feeding bottles at formula milk ng baby sa ospital kapag manganganak na ang isang buntis?
Alinsunod ito sa Executive Order 51 o tinatawag ring Milk Code na sumusulong sa breastfeeding para sa mga sanggol.
Ang pagbabawal ng mga formula milk at feeding bottles sa mga ospital ay isinasagawa para mahikayat ang nanay na magpadede sa kaniyang sanggol lalong lalo na sa mga unang araw nito.
Alinsunod naman sa Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009, isinusulong ng pamahalaan na suportahan ang pagpapadede. Kaya naman minumungkahi rito na ang nanay at sanggol ay mananatili sa parehong kuwarto pagkasilang ng baby, para makapagdede agad ito.
Subalit kung hindi pa sapat ang gatas mula sa ina, o hindi ito maaring magpadede. Sapagkat mayroon itong sakit, maaari namang kumuha ang nars ng gatas mula sa milk bank ng ospital para ipadede kay baby.
Ang pinakamainam na panahon ng paggamit ng feeding bottle sa baby.
Hindi ligtas kay baby na magdede sa ina kung:
- Mayroong sakit gaya ng HIV o AIDS ang ina
- Kapag may iniinom na gamot para sa isang sakit (tanungin muna ang iyong doktor kung ligtas ba magpapadede)
- Mayroong alcohol o drug addiction
- Nagdurugo ang dede at nahahalo ito sa gatas.
Sa mga ganitong pagkakataon, tanungin ang iyong doktor kung anong dapat gawin at anong paraan para mabigyan ng gatas si baby.
Mga benepisyo ng pagdelay ng feeding bottle sa baby
Narito ang magagandang epekto sa iyong sanggol kapag ipinagpaliban mo ang pagbibigay sa kaniya ng bote:
-
Maiiwasan ang nipple confusion
Ang nipple confusion ay karaniwang nangyayari sa mga newborn kapag nalilito ang sanggol sa paraan ng pagdedede, mula sa kaniyang ina at sa bote.
Iba ang paraan ng pagdede ng sanggol sa kaniyang ina kaysa sa bote. Kaya kapag maagang nabigyan ng bote si baby, maaaring malito at mahirapan na si baby na magdede uli sa ina. Sapagkat mas madali ang pagdedede mula sa bote.
-
Siguradong makukuha ni baby ang colostrum
Isa sa mga dahilan kung bakit napakaimportante na magdede si baby sa kaniyang ina pagkasilang nito ay para makuha niya ang colostrum. Ito ang parte ng gatas ng nanay na napakasustansya at maraming antibodies para labanan ang mga sakit at impeksyon.
Nakukuha ito mula sa breastmilk sa loob ng unang tatlong araw pagkapanganak ng nanay.
-
Mas nakokontrol ni baby ang dami ng gatas na naiinom niya
Ayon sa website na Parenting Science, mas nakakabuti sa mga newborn kapag dumedede sila ng mas madalas at on-demand, o kapag nakaramdam na sila ng gutom kaysa kapag ang magulang ang nagdidikta kung kailan sila dedede.
Mahalaga rin na hayaan ang baby na dumede hanggang gusto niya at huminto kapag nakakuha na siya ng sapat na gatas.
Kapag ang bata ay pinapadede sa bote, minsan ay pinipilit silang ubusin ang gatas para hindi ito masayang. Pero kung siya ay direktang dumedede sa kaniyang ina, magagawa niyang magdede anumang oras niya gustuhin at makakahinto siya kapag naramdaman niyang busog na siya.
-
Dadami ang pagkakataon para sa skin-to-skin contact
Maaari ring gawin ang practice ng skin-to-skin contact sa iyong newborn habang pinapadede mo siya. Bukod sa nakakatulong ito sa bonding niyong mag-ina, napakarami pang benepisyo nito sa kalusugan ni baby.
Narito naman ang mga benepisyo ng pag-delay ng paggamit ng feeding bottle sa baby para sa mga ina:
-
Mas aayos ang milk supply ni mommy
Kapag nagdedede si baby kay mommy, nagbibigay ng senyales ang nipples papunta sa ating utak na gumawa o maglabas ng mga hormones na prolactin at oxytocin. Ang mga hormones na ito ang responsable sa paggawa ng gatas ng ina at maayos na pagdaloy nito.
-
Maiiwasan ang pagsakit ng dede (mastitis at cracked nipples)
Isa sa mga masalimuot na epekto ng nipple confusion sa mga sanggol ay nag-iiba ang kanilang paraan ng pagdedede. Mula sa deep latch papunta ng shallow latch.
Kapag shallow latch o mali ang paraan ng pagdedede ni baby. Mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng sugat ang nanay sa kaniyang dede, partikular sa kaniyang nipples.
Gayundin, kapag mali ang paraan ng pagdede ng sanggol. Maaaring hindi niya makuha ang lahat ng gatas sa dede ng ina; na nagsasanhi ng mastitis o paninigas at pananakit ng dede.
-
Mas mabilis makaka-recover ang nanay
Habang nagdedede si baby kay mommy, gumagawa ang katawan ng mas maraming hormone na oxytocin, na siyang nakakapagpaliit ng uterus kaya mas mabilis ang paggaling ng nanay mula sa panganganak at pagbubuntis.
-
Mas nakakapagpahinga ang nanay
Isa sa mga sinasabing epekto ng pagpapadede ay ang kakulangan sa tulog ng ina. Subalit sa katunayan, mas madaling magpadede dahil hindi mo na kailangang bumangon sa pagkakahiga para magtimpla ng gatas ng iyong anak.
Subalit ang totoong rason ay ang hormone na prolactin, na ginagawa ng katawan sa tuwing nagpapadede ang isang babae ay nakakatulong din para mas mabilis makatulog ang isang tao. Kaya naman hindi nakakapagtaka na nakakatulog rin uli agad ang ina matapos padedehin ang kaniyang sanggol.
Kadalasan nating naririnig ang kasabihang “Breast is best.” Pero para sa mga nanay na walang kakayahang magpadede. O kaya walang choice kundi magtrabaho at ipaalaga si baby sa iba, hindi ito ganoong kadali.
Desisyon pa rin naman ng magulang kung ano ang pinakamainam para sa kanilang anak at sitwasyon ng kanilang pamilya. Kung mayroon kang katanungan tungkol sa pagpapadede sa iyong anak, huwag magdalawang isip na tumawag sa iyong doktor.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.