Nuong ika-10 ng Oktubre ay nag-file si House Minority Leader Bienvenido “Benny” Abante Jr. ng panukalang batas. Sa kanyang finile, nais niyang gawing mandatory ang pagbabasa ng Bible sa mga pampublikong paaralan. Alamin ang nilalaman nito at ang iba’t ibang reaksyon ng mga netizens. Labag nga ba ito sa konstitusyon na nagsasaad ng paghihiwalay ng simbahan at estado?
House Bill 2069
Si Abante ay isang senior pastor ng Metropolitan Bible Baptist Ekklesia. Ayon sa kanya, makakabuti para sa bansa ang mandatory na pagbabasa ay pag-aaral ng bibliya. Ito ang kanyang naging dahilan kung bakit niya gustong magbasa ng Bible ang mga pampublikong elementary at secondary na paaralan. Nais niyang gawing bahagi ng mga curiculum ng mga Filipino at English subjects ang pagbabasa sa Bible pati na ang diskusyon nito.
Kanyang binigyang pansin na ang Pilipinas ay kinikilalang natatanging Christian na bansa sa buong Asya. Ngunit, sa kabila nito ay hindi nauunawaan ng karamihan ang mga turo ng Bible. Nais niya na makilala ng mga tao ang halaga at tunay na kapangyarihan ng pagbabasa ng Bibliya.
Hindi naman niya kinalimutan ang mga kapatid na Muslim sa pag-akda ng nasabing panukala. Ayon kay Abante, isasama rin ang mandatory na pagbabasa ng Quran sa mga parehong subjects.
Kanyang ibinibigay ang responsibilidad sa Department of Education ang paggawa at pagpapatupad kapag naisabatas na.
Iba’t ibang mga reaksyon
Halo-halo ang naging reaksyon ng mga netizens sa panukala ni Abante. Marami man ang mga sumasang-ayon, marami din ang hindi pabor dito.
Karamihan ng mga sumasangayon ay itinuturo ang Bible bilang mapagkukunan ng magagandang matututunan. Pabor sila sa mga isinabi ni Abante na ang Bible ay hindi lubos na kinikilala sa bansa.
Ngunit, malaking bahagi rin ang hindi pabor sa nasabing panukala. Ayon sa kanila, ang panukalang ito ay hindi nagbibigay ng respeto sa ibang paniniwala. Pabor ito sa mga Kristyanong relihiyon ngunit matatapakan nito ang kalayaan ng ibang relihiyon o ng mga hindi naniniwala sa Diyos. Maaari rin na iba-iba ang pag-intindi sa Bible ng mga magtuturo na magiging daan sa lalong paggulo nito.
Kinikilala man ang ating bansa bilang natatanging Kristiyanong bansa sa Asya, maraming iba’t ibang relihiyon ang makikita dito. Kahit ang mga Kristiyanong relihiyon ay may iba’t ibang klase rin na may iba’t ibang pag-iintindi sa Bible. Ang sapilitang pagpapa-intindi sa mga hindi naniniwala sa Bible ay isang paraan ng paglabag sa kanilang karapatan.
Marami ang nagsasabi na ito ay labag sa konstitusyon ng bansa lalo na ang paghihiwalay ng simbahan at estado.
Paglabag sa konstitusyon
Ayon sa Article II, Section 6 ng konstitusyon ng Pilipinas, hiwalay dapat ang simbahan at estado. Karapatan ng lahat ang malayang pagpili ng magiging relihiyon at ligtas sila mula sa diskriminasyon dahil dito.
Isinasaad sa bahaging ito ng konstitusyon na labag dito ang paggawa ng batas na sang-ayon sa isang relihiyon. Kabilang din dito ang pagbibigay ng pabor sa isang relihiyon na nagiging daan sa paglabag sa karapatan ng iba pang relihiyon.
Ayon sa iba, ang pagpapatupad ng nasabing panukala ay labag sa bahaging ito ng Konstitusyon ng Pilipinas. Kung nais parin itong ipatupad, dapat ay isama rin sa mga babasahin ang libro mula sa lahat ng relihiyon na mayroon sa bansa.
Source: GMA News Online
Basahin: 7-anyos pinarusahan dahil hindi memorized ang bible verses