14 tips kung paano ihahanda ang iyong anak sa pagiging ate o kuya

Narito ang mga tips kung paano ihahanda ang iyong anak sa pagiging kuya at ate sa bagong kapatid niya.

Pagiging kuya at ate, paano nga ba ipapaintindi sa ating panganay na anak?

Image from Today by Jordan Burch Photography

Ang larawan na ito ay kuha noong 2017 na naging viral at naging sentro ng atensyon lalo na ng mga magulang.

Sa larawan ay makikita ang isang batang lalaking umiiyak habang nakatingin sa isang baby na hawak ng isang babae.

Ang bata sa larawan ay ang 2-year-old boy na si Jackson kasama ang kaniyang ina na si Ashley Clarke at ang kaniyang new born baby sister na si Emma.

Ito ang unang pagkakataon na ipinakilala kay Jackson ang kaniyang bagong kapatid.

Tulad nga ng inaasahan ng kaniyang ina, hindi naging madali ang pagpapaintindi ng pagiging kuya niya.

Image from Today by Jordan Burch Photography

Ayon kay Ashley Clarke, bagamat excited sa kaniyang baby girl naging napakalungkot para sa kaniya ng makita ang reaksyon ni Jackson sa pagdating ng kaniyang bagong kapatid.

Para sa isang family coach na is Dr.Catherine Pearlman, ang nararamdaman ni Ashley ay normal lamang sa mga ina.

Lalo na ang pag-aalala na baka hindi nila ma-manage ang mag-alaga ng dalawang bata ng sabay na parehong naibibigay ang atensyon at pagmamahal na kailangan nila.

Dagdag pa dito, kung paano ipapaintindi sa panganay na anak ang pagiging kuya at ate niya.

Ang pagpapaintindi na hindi na magiging tulad ng dati, na siya ang inaalagaan at ngayon ay may kahati na siya.

Mga tips kung paano ihahanda ang iyong anak sa pagiging kuya at ate

Image from Pixabay

Pero may mga paraan naman kung paano ihahanda ang iyong panganay na anak sa kaniyang bagong role na pagiging kuya at ate.

Ito ay magsisimula habang ikaw ay buntis pa.

1. Magsimula sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa iyong anak na ang iyong dinadala ay kaniyang kapatid na dapat niyang mahalin at alagaan. Para gawin ito ay maari mo siyang isama sa pagdedecorate ng nursery room ng kaniyang padating na kapatid.

2. Pupwede mo rin siyang i-enroll sa mga sibling class na magtuturo sa kaniya kung paano ang tamang paraan ng pagiging kuya o ate sa kapatid niya.

3. Maari ring tumingin sa mga picture books kasama ang iyong nakakatandang anak para maipakita sa kaniya kung gaano kasaya magkaroon ng new baby sa isang pamilya.

4. Ipaliwanag rin sa kaniya na ang new baby ay dedede, iiyak at matutulog ng madalas at hindi pa ito handang makipaglaro sa kaniya.

5. Kung kailangang lumipat ng kwarto ng iyong panganay na anak para magbigay ng space sa padating na baby, gawin ito bago ka pa manganak. Ito ay para sanayin ang iyong nakakatandang anak sa bagong set-up at hindi siya mabigla.

6. Kapag nakapanganak na, kumuha ng mag-aalaga sa iyong nakakatandang anak habang ikaw ay nasa ospital o birth clinic. Mas mabuti ring hayaang bumisita ang iyong panganay na anak sa ospital o clinic kung saan ka nanganak. Ito ay para masagot ang kaniyang tanong na kung nasaan ka sa mga oras na wala ka sa tabi niya.

7. Bago ipapakilala ang newborn baby sa kaniyang ate o kuya, ipahawak mo muna siya sa ibang miyembro ng inyong pamilya. Maglaan muna ng konting oras upang lambingin at makipaglaro sa iyong nakakatandang anak.

8. Maghanda ng isang gift para sa iyong nakakatandang anak at sabihing mula ito sa kaniyang bagong kapatid. Maaring isang T-shirt na may nakasulat na “Big brother” o “Big sister.”

9. Magcelebrate kasama ang iyong anak sa pagdating ng kaniyang bagong kapatid. Maaring dalhin siya sa paborito niyang playground o restaurant na kinakainan. Ito ay para maramdaman niya na isang magandang bagay ang pagdating ng kapatid niya.

10. Ang pagkuha ng makakasama sa bahay ay isang magandang paraan rin para may makatulong ka sa mga gawaing bahay. Para magkaroon ka ng maraming oras sa pag-aalaga ng iyong dalawang anak.

11. Bigyan ng one-on-one time ang iyong nakakatandang anak kahit ito ay 10 minutes lang. Iparamdam sa kaniya na ang pagdating ng kaniyang bagong kapatid ay hindi dahilan para mawalan ka ng oras sa kaniya.

12. Patulugin ng mas maaga ang iyong baby bago ang iyong nakakatandang anak. Ito ay para magkaroon ka ng uninterrupted time kasama ang iyong panganay na anak. At maiparamdam sa kaniya na walang nagbago sa pagdating ng new baby sa inyong pamilya.

13. Intindihin ang pinagdadaanan at nararamdaman ng iyong nakakatandang anak. Kaysa ipilit sa kaniya na isang magandang regalo ang pagdating ng kaniyang bagong kapatid, i-acknowledge ang kaniyang feelings at iparamdam sa kaniya na naiintindihan mo ito.

14. Sa mga oras na gusto niyang makipaglaro, maaring hikayatin siyang umupo at tumabi sa iyo habang pinapadede ang iyong newbon baby. Ito ay magandang pagkakataon rin para maituro sa kaniya ang pagiging kuya at ate sa hindi nakakapressure na paraan.

Ang pagkakaroon ng bagong baby ay may malaking impact sa isang pamilya. Lalo na sa isang bata na nasanay na siya lang ang binigyan ng atensyon at inaalagaan. Ngunit ito ay normal at makakasanayan niya rin sa pagdaan ng panahon. Maiintidihan at mas mamahalin niya rin ang kaniyang bagong role na pagiging kuya o ate sa kapatid niya.

 

Sources: Mayo Clinic, Today

Basahin: Big brother sings to newborn sibling