Kada buwan, nagkakaroon ng regla o menstruation ang mga kababaihan. Sa iba, ito’y madali lamang—walang sakit sa puson o iba pang sintomas—isang bagay na tila hindi naman naka-aantala sa pang-araw araw nilang buhay.
Ngunit para sa iba, kasabay nito ang matinding pananakit ng puson o menstrual cramps (dysmenorrhea).
Ang dysmenorrhea ay maaaring normal na parte lang ng buwanang dalawa, pero maaari din itong maging hudyat ng mga sakit na minsa’y nagsasanhi ng pagkabaog.
May koneksyon ba ang iregular at masakit na regla sa pagkabaog?
Ayon kay Dr. Maynila Domingo sa isang panayam sa ABS-CBN news, ang mga babaeng madalas mahirapan “magkaroon” ay dapat magtungo sa doktor o espesyalista.
Ito ay dahil sa ang dalawang sintomas na ito ay maaaring hudyat ng PCOS (polycystic ovarian syndrome) o endometriosis.
Kapag may endometriosis ang isang babae, hindi normal na makalabas ang regla. Dahil dito, puwedeng magkaroon ng bukol na maaaring humatong sa infertility o pagkabaog.
Ang mas malala pa dito, kapag hindi napatignan maaaring ang bukol na ito ay manatili hanggang sa pagtanda at sa kalauna’y magin kanser na.
Magkaiba ang PCOs at endometriosis. Ang PCOS ay isang hormonal imbalance na nagdudulot ng iregular na regla. Samantala, matinding sakit ang isa sa pinakamadalas tuwing regla o pakikipagtalik ang senyales ng endometriosis.
Maaaring ang isang babae ay magkaroon ng PCOS at endometriosis at maaaring mauwi sa pagkabaog ang dalawang sakit na ito.
Hindi lahat ng babae ay nagpapatingin para dito dahil minsa’y iniisip nila’y natural na parte ng menstruation lamang ang dysmenorrhea or irregular periods.
Kung hindi pangkaraniwan ang sakit ng puson at hindi regular ang pagdating ng iyong regla, mas mabuti nang makasiguro at magpatingin na sa lalong madaling panahon.
sources: ABS-CBN news, SELF.com, WebMD
BASAHIN: Ang sanhi ng Polycystic Ovarian Syndrome ay hindi lamang laging natatagpuan sa ovaries