Para sa maraming magulang sa Pilipinas, ang isda ay isang pangkaraniwang ulam sa hapag-kainan. Pero alam niyo bang ang pagkain ng isda ay hindi lang pampalusog ng katawan kundi may epekto rin sa ugali ng bata? Ayon sa isang bagong pag-aaral na inilathala sa Science Daily ng University of Bristol, ang mga batang hindi kumakain ng sapat na isda ay maaaring maging hindi gaanong palakaibigan at mabait kumpara sa mga batang may regular na pagkain ng isda sa kanilang diyeta.
Larawan mula sa Canva
Epekto ng pagkain ng isda sa ugali ng bata
Ayon sa pag-aaral, ang mga batang may pinakamababang konsumo ng isda ay mas mababa rin ang tinatawag na “prosocial behavior” sa edad na 7 at 9. Ano ang ibig sabihin nito? Mas kaunti ang kanilang pagpapakita ng pagiging matulungin, maunawain, at pagiging handang magbahagi sa iba.
Napag-alaman din ng mga mananaliksik na ang isda ay may kinalaman hindi lang sa pisikal na kalusugan kundi pati na rin sa emotional at social development ng mga bata. Ang isda ay mayaman sa omega-3 fatty acids, selenium, at iodine—mga sustansyang mahalaga para sa brain development. Kaya naman, inirerekomenda ng mga eksperto na ang mga bata ay kumain ng isda nang hindi bababa sa dalawang beses kada linggo, kabilang ang oily fish tulad ng salmon o mackerel.
Larawan mula sa Canva
Pagkain ng isda, bakit bihira sa mga bata?
Bagaman likas na bahagi ng lutuing Pilipino ang pagkain ng isda, marami pa rin ang nag-aalangan na ipasama ito nang regular sa diyeta ng kanilang mga anak. Isa sa mga dahilan ay ang takot sa mercury at iba pang pollutants na maaaring makuha sa pagkaing-dagat. Ngunit ayon sa mga eksperto, ang benepisyo ng isda ay mas mataas kaysa sa posibleng panganib, lalo na kung ang isda ay galing sa malinis at ligtas na pinagkukunan.
Isa pang posibleng dahilan ay ang pagiging pihikan ng mga bata pagdating sa pagkain. Maraming bata ang hindi mahilig sa isda dahil sa amoy o texture nito. Ngunit may mga paraan upang mas mapadali ang pagpapakilala ng isda sa kanilang pagkain—tulad ng paggawa ng fish nuggets, fish tacos, o paghahalo ng isda sa kanilang paboritong ulam.
Ano ang magagawa ng mga magulang?
Bilang mga magulang, mahalagang bigyang-pansin hindi lamang ang nutrisyon kundi pati na rin ang emotional at social well-being ng ating mga anak. Narito ang ilang tips para maisama ang isda sa kanilang diyeta:
- Gawing masarap at kaakit-akit ang paghahanda ng pagkain ng isda – Subukang gawing crispy, ihalo sa pasta o gawing sopas para mas madaling kainin.
- Piliin ang ligtas at malinis na seafood – Bumili sa mga mapagkakatiwalaang tindahan o palengke.
- Magbigay ng magandang halimbawa – Kung nakikita ng bata na kumakain ng isda ang kanilang magulang, mas malaki ang posibilidad na tanggapin nila ito sa kanilang pagkain.
- Unti-unting ipakilala ang pagkain ng isda sa kanila– Hindi kailangang biglain, maaari munang pakainin sila ng maliliit na servings hanggang masanay sila.
Ayon kay Dr. Caroline Taylor, Associate Professor sa University of Bristol, malinaw ang ebidensya na ang pagkain ng isda ay may positibong epekto sa pag-uugali ng mga bata. Kaya naman, mainam na bigyan sila ng sapat na dami ng isda sa kanilang diyeta upang makatulong sa kanilang holistic development.
Larawan mula sa Canva
Pagkain ng isda para sa mas masayang pamilya
Sa huli, hindi lang ito tungkol sa nutrisyon kundi pati na rin sa relasyon ng bata sa kanilang kapwa. Kung gusto nating lumaki ang ating mga anak na mabait, matulungin, at palakaibigan, marahil ay magandang tingnan ang kanilang diet at tiyaking kasama ang isda sa kanilang pagkain. Sino ang mag-aakala na ang simpleng pagkain ay may kinalaman pala sa pagiging mabuti ng ating mga anak?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!