Malaki ang positibong epekto sa kalusugan ng pagkakaroon ng kapatid na babae. Ito ang lumabas sa resulta ng isang pag-aaral na ginawa ng mga researchers sa Brigham Young University sa Utah, USA.
Paano nakabubuti sa mental health ang pagkakaroon ng kapatid na babae
Sa pag-aaral na ginawa, ipinunto na ang pagkakaroon ng mga kapatid ay mainam sa buhay ngunit mas mainam ito kung ang kapatid ay isang babae.
“Statistical analyses showed that having a sister protected adolescents from feeling lonely, unloved, guilty, self-conscious and fearful. It didn’t matter whether the sister was younger or older, or how far apart the siblings were age-wise,” saad sa pag-aaral.
Kumuha ng halos 500 pamilya ang Brigham Young University ng isasali nila sa kanilang pag-aaral, 395 dito ay may anak na hindi bababa sa 2, at ang isang anak ay may edad na nasa 10-14 taong gulang.
Upang makumpirma ang kanilang pag-aaral, taun-taon binibisita ng mga researchers ang bawat pamilya at kinukuha ang mga datos mula sa kanila.
Sa kanilang pag-aaral, lumabas na ang mga teenagers na may kapatid na babae ay nagpapakita ng benepisyo sa pagkakaroon ng kapatid na babae. Ipinunto ito sa pitong benepisyo.
Benepisyo ng pagkakaroon ng kapatid na babae
1. Nakakatulong siya sa pagpapalawig ng skills sa komunikasyon
Ang pamilya ay mas nag-uusap sa isa’t-isa dahil sa pagkakaroon ng kapatid na babae. Ang mga kapatid na babae ay nahihimok ang bawat miyembro ng pamilya na magsalita at magkuwento dahil ang mga babae ay mas bukas sa pagpapahayag ng kanilang damdamin.
Ang mga taong lumaking may kapatid na babae ay mas expressive sa kanilang nararamdaman kumpara sa mga walang kapatid na babae sa pamilya.
2. Napapasaya niya ang bawat miyembro ng pamilya
Sa resulta ng pag-aaral, lumalabas na ang mga taong lumaki sa pamilyang may kapatid na babae ay nagiging masaya at kuntento sa buhay kalaunan.
Dahil sa bukas na komunikasyon sa pamilya, ang mga simpleng pagyakap, paghalik o paghawak ng mga kamay ay nakakapagpasaya sa isa’t-isa.
3. Siya ang gumagawa ng malakas na ugnayan o bonding sa pamilya
Likas ang pagiging malambing ng kapatid na babae kaya naman madali para sa kanya na kaibiganin din ang kanyang mga kapatid at mga magulang. Siya ang nagsisilbing ‘glue’ sa inyong samahan sa pamilya.
Kaya sa iyong pakikipagkaibigan sa ibang tao, mas madali ang pagsasabi ng iyong nararamdaman, experiences, at mga sikreto dahil sa epekto ng pagkakaroon ng kapatid na babae.
4. Positibo ang naidudulot niya sa iyong mental health
Dahil sa patuloy na komunikasyon, nababawasan ang pag-iisip ng mga kapatid ng mga negatibong bagay na siyang pinag-uugatan ng kalungkutan o depresyon.
Kung may nangyaring masama o hindi kanais-nais sa kanyang araw, ang mga kapatid na babae ang madalas na nahihingahan ng sama ng loob. Sa ganitong paraan nailalabas ng mga kapatid ang kanilang mga hinaing at napapabuti nito ang kanilang pakiramdam pagkatapos makipag-usap.
5. Mas marami kang natututunan sa kapatid na babae kumpara sa kapatid na lalake
Sinasabi ng mga eksperto na mas nakahanda ang mga kapatid na babae, partikular ang mga ate, sa pagtuturo ng mga bagay sa kanilang mga kapatid. Mas ginagaya kasi ng mga kapatid na babae ang kanilang mga magulang kaya mas maaga silang nagiging responsable sa buhay.
“Older sisters in female dyads engaged in the most teaching. Older female siblings, regardless of the gender of the younger sibling, assumed the manager role frequently.” saad sa pag-aaral.
6. Ang mga kapatid na babae ay mas madalas na matapat
Aminin natin, karamihan sa mga kapatid na babae ay prangka at matapat sa anumang opinyon nila sa buhay. Binubuksan niya ang iyong self-awareness sa mga bagay sa iyong paligid at mas malakas siyang mag-obserba sa mga ito.
Kaya kung sinabi man niyang panget ang iyong suot o hindi niya gusto ang ugali ng mga kaibigan mo, hindi ka dapat agad magdamdam. Ipinapakita lamang niya ang malasakit niya sa iyo bilang kanyang kapatid.
7. Nagiging mas competitive at goal-oriented ang mga taong may kapatid na babae
Malaki ang epekto ng mga kapatid na babae sa personal growth ng kanyang mga kapatid. Natural sa kanila ang pagiging competitive sa buhay kaya nauudyukan rin niya ang mga kapatid na gawin din ito.
Mas pala-aral sila at strong-minded. Pinalalakas nila ang loob mo na abutin ang mga pangarap mo sa buhay sa pamamagitan ng pagpapakita ng inspirasyon mula sa kanila.
May kapatid ka bang babae? Maaari mong ibahagi sa amin ang iyong karanasan sa pagkakaroon ng kapatid na babae sa pamamagitan ng paglalagay ng komento.
Source: Huffington Post, Goodfullness, Healthyway, Brigham Young University
Images: Shutterstock
BASAHIN: Younger siblings teach older siblings empathy, study says