Babae, hindi nagtatanggal ng make-up binahayan ng insekto ang pilik-mata

Narito ang mga dahilan kung bakit kailangang ugaliin ang paglilinis ng mukha at ang mga paraan kung paano ito gawin ng tama.

Paglilinis ng mukha at pagtatanggal ng make-up, ang hindi nakasanayang gawin ng isang babae mula sa Hubei, China. Dahil sa kaniyang kapabayaan ay hindi niya inakala na may naninirahan na palang mga insekto sa kaniyang mga pilik-mata.

Image from N Vision Center and AsiaOne

Babaeng binahayan ng “dust mites” ang pilik-mata

Sa loob ng anim na buwan ay iniinda ni Liu, 32-anyos ang dry at itchy niyang mga mata. Napapansin niya rin na isa-isang nalalagas ang mga pilik-mata niya.

Nang magpunta sa ospital ay hindi niya inakala ang maririnig niyang dahilan ng mga sintomas ng nararanasan niya. Ayon sa doktor, pinamahayan na umano ng mga “dust mites” ang pilik-mata ni Liu. At ang nakikitang dahilan ng doktor ang hindi paglilinis ng mukha ni Liu ng tama at ang hindi pagtatanggal ng kaniyang make-up lalo na sa kaniyang mga mata.

Dahil sa kaniyang hectic na schedule at uri ng trabaho inamin ni Liu na araw-araw ay kailangan niyang magmake-up. At madalas ay hindi niya ito natatanggal. Kaya naman sa pagdaan ng panahon, ang dead skin at dumi sa kaniyang pilik-mata ay naipon na naging magandang lugar para pamahayan ng mga maliliit na insektong tinatawag na Demodex folliculorum mites.

Ayon sa doktor ni Liu, mabuti nalang at naagapan ang kondisyon ni Liu. Dahil kung hindi ay maaring magdulot ng inflammation ang mites na ito at makaapekto sa ibang parte ng kaniyang mga mata.

Kaya naman paalala ng doktor ni Liu, ugaliin ang paglilinis ng mukha at alisin ang make-up araw-araw para maiwasan ang mga insektong ito na sisirain ang ganda ng iyong mga mata pati na ang iyong mukha.

Samantala, isang kaso pa ng demodex folliculorum mites infestation ang naitala sa parehong lugar sa China. Ang dahilan ay ang hindi pagpapalit naman ng unan ng isang babae sa loob ng limang taon.

Ano ang demodex folliculorum mites?

Ang demodex folliculorum mites ay isang uri ng parasite na naninirahan sa katawan ng mga tao. Sa una ay hindi nagdudulot ng kahit anong peligro sa kalusugan ang mga ito. Ngunit sa pagdaan ng panahon, habang sila ay dumadami at lumalaki ay maaring magdulot ito ng iba’t-ibang mga skin problems.

Madalas ang mga  demodex folliculorum mites ay naninirahan sa mga hair follicles at sa ating mukha. Ang paborito nilang lugar na palagian ay ang mga talukap at ating pilik-mata at ang kanilang kinakain ay ang dead skin cells, oils at hormones na matatagpuan dito.

Ang pangunahing sintomas ng pagkakaroon ng demodex folliculorum mites sa iyong mata ay ang sumusunod:

  • dryness
  • itching
  • flushing
  • acne-like blemishes
  • redness
  • rough-feeling skin
  • eye redness

Para ito ay malunasan, ang recommended treatment ng mga doktor ay ang paggamit ng mga creams tulad ng crotamiton o permethrin. Ang mga ito ay topical insecticides na pumapatay sa mga mites at pinipigilan ang pagdami nito.

Maari rin gumamit ng antibiotic medication tulad ng topical o oral metronidazole na nangangailangan ng reseta mula sa iyong doktor.

Ngunit, ang pinaka-advisable na paraan para maiwasan at tuluyang mawala ang mga ito ay ang tamang paglilinis ng mukha.

Paglilinis ng mukha ng tama

Ayon sa Americal Academy of Dermatology, ang tamang paglilinis ng mukha ay ang sumusunod na paraan:

Una ay gumamit ng gentle at non-abrasive cleaner na hindi nagtataglay ng alcohol. Saka basain ang iyong mukha gamit ang maliligamgam na tubig. Gamit naman ang washcloth o mesh sponge ay i-apply ang cleanser sa iyong mukha.

Iwasan ang pagkuskos sa iyong mukha dahil ito ay maaring magdulot ng iritasyon sa iyong balat.

Sa pagbabanlaw ay gumamit muli ng maligamgam na tubig at malambot na towel para punasan ang iyong mukha at patuyuin.

Sunod na mag-apply ng moisturizer kung ang iyong balat ay dry o itchy. Ngunit tandaan na dapat laging mag-ingat sa paglalagay ng cream sa iyong mukha lalo na malapit sa iyong mga mata para makaiwas sa iritasyon.

Ang paglilinis ng mukha ay dapat ginagawa dalawang beses sa isang araw. Lalo na kapag pagkatapos pagpawisan. Dahil ang mga pawis ay maaring magdulot ng iritasyon sa ating balat.

Para malinisan ang iyong pilik-mata ay maaring gumamit ng baby shampoo. Ngunit, siguraduhin na ito ay may no-tears formula.

Makakatulong din ang pag-eexfoliate isa o dalawang beses sa isang linggo para mawala ang mga dead skin cells sa iyong mukha na maaring pamahayan ng mga dust mites na ito.

 

Source: AsiaOne, Medical News Today, American Academy of Dermatology

Basahin: #AskDok: Paano maiiwasan magkaroon ng pimples?