Depresyon: Mga sintomas, sanhi, at paraan upang matulungan ang kabataang dumaranas nito

Paano nga ba natin matutugunan ang lumalalang krisis ngayong kaugnay ng pagpapakamatay ng mga kabataan? Tunghayan ang iba’t ibang mahahalagang impormasyong kaugnay ng sensitibong paksang ito.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Karagdagan na naman sa mga kaso ng pagpapakamatay ng mga kabataan ang kamakailang pagtalon ng isang mag-aaral ng senior high school mula sa ikalimang palapag ng isang mall sa Quezon City. Hinihinalang sinadya ng bata ang pangyayari sa layuning kitilin ang sariling buhay.

Ayon sa polisya ng Masambong Station ng Quezon City Police District, natukoy na mag-aaral ng San Francisco High School ang biktima, na agad ay isinugod ng rescue personnel ng mall patungong Quezon City General Hospital. Bagama’t tuluyan din itong binawian ng buhay makalipas ang ilang minuto.

Kaso ng pagpapakamatay ng mga kabataan, dumarami

Ang lumalaganap na kaso ng pagpapakamatay ng mga kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang na ang Pilipinas, ay hindi na lamang dapat isang simpleng paksang naiiwan lamang na pinag-uusapan sa mga debate, panayam sa telebisyon, o diskursong pampahayagan. Dahil sinasalamin nito ang nagbabagong kulturang nagbubuklod at namamayani sa isang partikular na lahi, nakaaalarma ang pagkakaroon ng paglala sa “trend” nito magmula noon hanggang ngayon.

Batay sa ulat ng World Health Organization (WHO) noong 2012, nasa ka-150 puwesto ang Pilipinas sa 170 bansang may pinakamaraming bilang ng kasong pagpapakamatay ng mga kabataan.

Marahil, iisipin ng maraming malayo “pa” naman tayo sa “top” o sa “pinaka-“ may malalala at talamak na kaso. Gayunpaman, hindi ito dahilan upang hindi natin pagtuunan ng pansin ang pagbibigay ng tulong sa mga taong nangangailangan ng pang-unawa at pakikiramay ng kapuwa sa kanilang mga pinagdaraanang “inside battle,” lalo na ang kabataan.

Nasa 2,558 ang itinatayang self-inflicted death sa bansa noong 2012—550 babae at 2008 lalaki; katumbas ng 2.9 katao sa bawat 100,000 populasyon. Habang sa buong mundo, umaabot sa 877,000 ang nagpapakamatay taon-taon o isa kada 40 segundo batay sa tala ng WHO.

Batay pa rin sa opisyal na tala ng WHO ayon sa Global School-Based Health Survey nito noong 2011, nasa 16% ng populasyon ng kabataang nasa edad 13-15 ang nag-isip nang kitilin ang sariling buhay, at 13% dito o 15 sa bawat 900 na bata ang tuluyang nagtangkang wakasan ang buhay bagama’t bigo.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Wala ring pinipiling katayuan sa buhay ang mga nagpapakamatay na kabataan. Mahirap, mayaman, estudyante o out-of-school, high profile gaya ng artista, atleta, alagad ng sining at panitikan, anak o apo ng pinakamatataas na pinuno ng bansa sa gobyerno, o iba pa, ang lahat ng ito ay nakapag-iisip na magpakamatay—at tinototoo ang pagkitil ng sariling buhay.

Mga sanhi at salik na nagtutulak sa mga batang magpakamatay

Mula sa salitang Latin na “sui caedere” na ang ibig sabihin ay “patayin ang sarili,” ang pagpapakamatay ay nangangahulugan ng sadyang pagsasagawa ng anumang kilos na maaaring ikamatay ng sarili, na madalas iniuugnay sa kawalan na ng pag-asa sa buhay ng taong nag-iisip magkitil ng buhay.

Iba’t iba ang dahilan ng pagpapakamatay ng mga kabataan, ayon sa mga nauna nang pag-aaral.

  • Bayolohikal

Dahil binubuo ng iba’t ibang hormones at kemikal ang katawan ng tao, posibleng nakararanas ng chemical imbalance ang hormones nito gaya ng serotonin, dopamine, at norepinephrine.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ang serotonin ang natural na kemikla sa utak na nagsisilbing parehong neurotransmitter at hormone, na tagabalanse ng pagtulog, pagkontrol sa sakit, agresyon, at kalagayang sekswal ng tao. Kapag mababa ang serotonin, maaaring makaramdam ng depresyon ang isang tao, lalo na ang pakiramdam ng pagtatangkang magpakamatay.

Isa ring kemikal sa katawan ang dopamine na nagsisilbing neurotransmitter sa loob ng katawan. Pinananatili nitong kalmado at nakapokus ang isang tao, matandain sa mga alaaala at bagay-bagay, at may pakiramdam ng motibasyon sa buhay.

Ang norepinephrine naman ang nagsisilbing pampasigla ng katawan, at nag-iiwas maging balisa ang isang tao.

  • Sikolohikal

Ito ang pagdanas ng depresyong naglalagay ng sitwasyon sa pag-iisip ng isang batang bumaba ang pagtingin at mawalan ng pagpapahalaga sa sarili. Maaari itong mamana, o kaya ay idulot ng kapaligiran.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ang mga taong schizophrenic, o iyong may schizophrenia, ay iniuugnay rin sa mataas na posibilidad ng pagpapakamatay. Ilan sa mga sintomas at indikasyon nito ay halusinasyon, delusyon, at hindi maayos na pagsasalita ng isang tao o bata. Kadalasang nakararanas ng isolation at social alienation, ostracism, at homelessness ang mga taong nag-iinda nito.

Kabilang din ang kondisyong bipolar disorder sa mga sakit sa pag-iisip na nakapagpaparanas ng matinding depresyon sa isang tao. Karaniwang sintomas nito ang pagkaramdam ng kalungkutan, pagkabalisa, pagiging mapag-isa, kawalan ng ganang kumain, pagtutulog, kawalan ng interest sa iba’t ibang bagay, kawalan ng pokus, pagkamuhi sa sarili, pagkatakot makisalamuha sa iba, pagiging bugnutin, kawalan ng motibasyon, at pag-iisip sa sariling magpatiwakal.

  • Emosyonal

Karaniwan itong iniuugnay sa pakikipaghiwalay sa karelasyon at ang pagkawala ng mahal sa buhay na nakapagdudulot ng malalimang stress sa tao, na humahantong sa matinding depresyon.

Maaari ring umugat ito sa hindi malusog na ugnayan ng bata sa kaniyang eskuwelahan, mga kaibigan, at sa sobrang daming proyekto at gawaing kailangang tuparin sa academics at sa bahay.

Nabibilang din dito ang mga pangyayaring nakato-trauma gaya ng mga kalamidad na bagyo, lindol, landslide, pagsabog ng bulkan, at tsunami. Dahil may mga nakaliligtas sa sakunang humahantong sa pagdanas ng mga pakiramdam ng pagkamanhid o kaya naman ay pagkabalisa, nagkakaroon sila ng maling pagtanggap at pagturing sa mga pangyayari. Kalaunan, itinutulak sila ng sariling wakasan ang sariling buhay.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement
  • Sosyal

Pangunahin sa listahan nito ang pambubulas o bullying na talamak na pangyayari sa loob at labas ng eskuwelahan, sa pagitan ng mga mag-aaral o pangkat-pangkat ng magkakaibigan. Maaaring maranasan ng isang bata ang pananakit na pisikal o emosyonal o pareho sa kamay ng isa o grupo ng tao, kapuwa man bata o matanda na.

Sa panahon ngayon ng teknolohiya, isang anyo nito ang cyberbullying. Sa mga pag-aaral, nasa edad 12 hanggang 18 ang kadalasang biktima ng pambubulas sa social media.

Habang mabilis din ang pagtaas ng kaso ng gender discrimination bilang sanhi ng depresyong nararanasan ng maraming kabataan, na sa kasamaang palad ay nagtutulak sa mga itong magpakamatay.

Samantala, hindi naman nawawala sa tala ng mga sosyal na salik ang pagkalulong sa bisyo ng alak at paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot. Madalas, dulot ng peer pressure ng mga kaibigan kaya nauudyok na gumawa ng mga ganitong maling gawain ang isang indibidwal, na karaniwang nagsisimula sa kabataan.

Mga senyales sa batang dumaranas ng depresyon na nauuwi sa pagpapakamatay

Hinihikayat ang bawat isang maging sensitibo sa mga bagay na ginagawa sa kapuwa, gayundin sa mga napupunang kilos ng kapuwa sa paligid. Maging mapagmatyag, alerto, at mapagkalinga higit na sa mga batang kapupunahan ng sumusunod na kilos, lalo pa kung hindi likas sa kanilang personalidad ang mga ito.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement
  • Hindi nakatutulog sa magdamag sa loob ng isang linggo o higit pa.
  • Nagiging mapag-isa at sadyang itinutulak palayo ang mga kaibigan o sinomang lumapit sa kanila. Dahil ito sa iniisip nilang miserable sila at maaaring mapasama ang sinomang makikisalamuha sa kanila.
  • Kawalan ng interest sa maraming usapin, libangan, bagay-bagay, at gawain sa buhay.
  • Pagkahumaling sa mga mapanakit na gawain o laro tulad ng paggamit ng baril, patalim, gunting, at pagkakaroon ng aktuwal na pananakit sa sarili.
  • Madaling sumusuko sa maliliit na bagay at kalaunang nagtatwa ng sarili.
  • Pakikiramdam na wala nang may pakialam at gustong makihalubilo sa kanila.
  • Nagbibitiw ng mga pahayag ng pagkamuhi sa sarili, sa mundo, at/o sa buhay. Maaari rin itong iugnay sa paglalabas o pagpapakita ng pagpupuyos ng damdaming lagpas sa dati niyang ikinikilos o ginagawa.

Mga pagsasaalang-alang at paraang makatutulong sa batang may depresyon

Ang pagtulong sa mga bata at maging sa matatandang indibidwal na dumaranas ng depresyong may posibilidad na mauwi sa pagpapakamatay ay hindi lamang tungkulin ng mga magulang at kapamilya kundi ng buong komunidad at bawat kasapi ng lipunan.

  • Maipalaganap ang wastong pagtrato sa depresyon bilang isang sakit na napagagaling at napagtutulungan, at hindi estado ng pagiging baliw ng tao.
  • Labanan ang stigma o masamang pagtinging iniuugnay sa iba’t ibang uri ng sakit o kondisyon sa pag-iisip (mental disorder) tulad ng depresyon, bipolar disorder, schizophrenia, dementia, pati na anorexia nervosa.
  • Pagtulung-tulungan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor ang pagtatayo at paglulunsad ng mga lifestyle preventive measure na sasaklaw sa magkakaibang bahagdan ng edad ng mga taong nakararanas ng matitinding inside battle sa mga sarili.
  • Magkaroon ng mga malayang talakayan hinggil sa iba’t ibang uri ng mental disorder, at maging bukas ang bawat isang pag-usapan ito nang walang pangunguwestiyon o pangungutyang idudulot sa kapuwa.
  • Sa kani-kaniya at maliliit na pangkat o komunidad, sikaping laging isama sa mga pangmatagalang mithiin ang pagkakaroon ng inclusive o mapagkalingang kultura sa kapuwa ng bawat isa.
  • May pinagdaraanan man ang isang tao o wala, mayaman o mahirap, mabait o hirap sa pakikisama, tanging ang ugnayang mapagkalinga at maunawain sa kalagayan ng bawat isa ang maaaring magsilbing daan para sa isang malusog na samahan at bukas na komunikasyon sa pagitan ng bawat isang kasapi.
  • Sikapin palagi at piliin ang sariling maging “sounding board” o tagapakinig ng saloobin ng kapuwa, lalo na sa mga batang kinakikitaan ng mga senyales ng depresyon at matinding suliranin sa sarili.
  • Para sa mga magulang na nagiging stressor sa pinagdaraanan ng bata, kailangang maging bukas sila sa katotohanan at sumailalim din sa psychotherapy para sa balanseng pagtugon sa sitwasyon ng depressed na bata.
  • Huwag mapagod kumalinga, magpaunawa, at gumabay sa mga anak at mahahalagang tao, lalo na’t mga bata, sa inyong buhay. Higit kaninoman, pinakamabisang tulong na maaari nilang makuha ang magmula sa mga taong pinahahalagahan din nila at tiyak na mapagkukunan ng pag-asa.
  • Magkaroon ng bond ang pamilya, na maaari namang gawin sa labas man o loob ng kanilang tahanan.
  • Paligiran ang mga bata ng masasaya at positibong tao, gawain, at libangan.
  • Laging obserbahan ang ikinikilos ng mga anak o alaga. Huwag mahiyang humingi ng tulong upang maagapan ang sitwasyon kung sakaling alam ninyo sa inyong sariling mahihirapan kayong makipag-ugnayan sa bata.

Para sa mga magulang at tagapag-alaga ng mga bata, mahalagang naisasaalang-alang at nagagabayan ng sumusunod na mga paalala at tagubilin.

  • Panatilihin ang maayos na pakikitungo at pakikipag-ugnayan sa anak.
  • Maging bukas na tagapakinig at pangunahing karamay sa panahon ng kanilang pagharap sa mga problema.
  • Huwag sila kailanmang susumbatan o sisingilin ng mga “dapat” nilang pananagutan ayon sa inyong ekspektasyon.
  • Tanggapin nang buo ang inyong anak bilang kung ano at sino sila.
  • Magbahagi sa anak ng mga panuntuhan sa buhay, na mahalaga rin namang naisasabuhay sa inyong pang-araw-araw na samahan at pakikitungo sa kapuwa.

Mga institusyong maaaring makatulong sa mga kabataan dumaranas ng depresyon

Dulot ng tumataas na bilang ng kaso ng pagpapakamatay ng mga kabataan, hindi naman natitigil sa paglulunsad ng mga programang tutugon sa mental health crisis ng mamamayang Pilipino, lalo na sa mga kabataan, sa pamumuno ng Department of Health at mga kawing na ahensiya sa gobyerno at pakikipagtulungan ng mga pribadong institutsyon ng iba’t ibang sektor.

“It’s okay not to be okay,” wika nga ng kalihim ng Department of Secratry na si Francisco Duque III noong inilunsad ang hotline ng National Center for Mental Health (NCMH) nitong Mayo.

Tinaguraing national crisis hotline, layunin nitong tulungan ang mga taong dumaranas ng krisis sa kanilang mental health o kalusugan ng pag-iisip. Saklaw ng programa ang pagbibigay-payo at pagiging sounding board sa sinomang makikipag-ugnayan sa ahensiya, hanggang sa pagtugon sa mga kaso ng psychiatric emergency at paglalayo sa mga indibidwal na magpakamatay (suicide prevention).

Mayroon itong mga trained respondent na talagang partikular ang dinaanang pagsasanay upang tumugon sa gayong uri ng pangangailangan ng mga pasyente. Para sa mga nagnanais humingi ng tulong, maaaring tumawag sa sumusunod na linya anumang oras, araw, o panahon.

  • 0917-899-USAP (8727)
  • 0917-989- USAP (8727)

Para naman sa iba pang mga crisis hotline na puwedeng ugnayan, narito ang tala ng mga pribado ng institusyong bukas sa pagtulong sa mga nangangailangan—matindi man na ang pinagdaraanan o nagsisimula pa lamang indahin ang hindi mabubuting seyales sa kanilang mga sarili.

(02) 804-HOPE (4673)

0917-558-HOPE (4673)

2919 (toll-free para sa mga Globe at TM subscriber)

(02) 896-9191

0917-854-9191

  • In Touch Community Services Crisis Lines (para sa mga may problema sa relasyon, pagkalulong sa bisyo, biktima ng pang-aabuso, at iba pang suliraning pang-emosyon)

(02) 893-7603

0917-800-1123

0922-893-8944

crisisline@i-manila.com.ph

  • Living Free Foundation (para sa mga nalululong sa bisyo, nais humingi ng payo at gabay na indibidwal o mag-asawa)

0917-322-7087

livingfreefoundation@gmail.com

  • Mood Harmony (Makati Medical Center’s mood disorder support group)

(02) 844-2942

  • UGAT Foundation (para sa mga psychospiritual counseling)

(02)426-6001 local 4872, 4873

ugat@admu.edu.ph

  • Dial-a-Friend

(02) 525-1743

(02) 525-1881

  • The 700 Club Asia (mga serbisyong prayer and counseling sa pamamagitan ng chat at Skype)

(02) 737-0700

1-800-1-888-8700 (toll-free)

0949-888-8001

0925-300-3000

0917-406-5002

Skype: the700clubasia

  • RecoveryHub Philippines (isang Cebu-based mental health platform na nagbibigay ng mga psychiatric consultation ang mga linsensiyadong Pilipinong doktor sa pamamagitan ng video conference sa online)

Para naman sa mga nais makipag-usap nang personal upang kumonsulta sa doktor na psychiatrist o maging psychologist, maaaring pumunta sa website ng SilakboPH (https://www.silakbo.ph/help/) para sa compilation ng mga Center at Foundation na maaaring puntahan ng sinomang nangangailangan. Malayang makapamimili ng hospital o grupong nagseserbisyo ng mental healthcare sang-ayon sa pinakamalapit sa inyong lokasyon at sariling interest.

Sources: Inquirer.net, Academia, Libre, DOH, SilakboPH

Basahin: Impeksyon habang buntis, nagpapataas ng tiyansa ng autism at depression sa bata