12 bagay na maaaring mabago sa buhay mo kapag may anak ka na
At ang mga dapat mong paghandaan at matutunan.
Ang pagpapalaki ng bata ay hindi madali at hindi biro. Sa aking karanasan, maraming pagbabago ang maaaring mong maranasan sa iyong buhay.
Mababasa mo sa artikulong ito:
- Mga bagay na maaaring magbago sa iyong buhay kapag ika’y nagkaanak na
- Karanasan na maaari mong maranasan sa pagpapalaki sa iyong anak
Mga maaari mong maranasan sa pagpapalaki ng bata
1. Hindi ka magkakaroon ng maayos at kumpletong tulog sa loob ng 2-3 taon.
Mula sa pagkasilang ng iyong anak, ang pagkakaroon ng kumpletong oras ng tulog ay isang napakagandang bagay. Subalit upang maibigay ang pangangalaga na kailangan niya, ang katumbas nito’y mga gabing paputol-putol ang iyong tulog. Ito’y upang padedehin siya o kaya nama’y palitan ang puno o basa niyang diaper. Mas lumalala pa nga ito kung siya’y magkakasakit. Dahil iyong pag-alala, hindi ka makatulog at nais lamang bantayan ang iyong anak. Upang masiguro na walang mangyayaring masama sa kaniya.
2. Matututo kang mag-childproof ng inyong bahay at mas magiging maingat ka.
Sa paglaki ng iyong anak, siya’y mas nagiging curious sa mga bagay-bagay. Kung saan-saan siya magsusuot. Kung ano-anong mga bagay ang aabutin niya na maaaring makapahamak o makasakit lang sa kaniya. Para maiwasan, matututo kang i-childproof ang inyong bahay.
Bago ka pumasok sa kuwarto’y itataas mo na ang mga babasaging maaari niyang maabot. Aalisin mo na ang mga gamit na maaari siyang mauntog o maakyatan. Kung maaari’y lalagyan mo ng foam ang inyong sahig, makasiguro lang na hindi siya masusubsob o mauuntog.
3. Hindi ka rin makakatagal sa iyong pagkakaupo sa loob ng 3 taon.
Mas mararamdaman mo ang hirap ng pagpapalaki ng bata sa oras na siya’y natuto ng maglakad o tumakbo. Hindi tulad noong siya’y sanggol pa lamang na maaring mong maiwan nang natutulog o nakahiga, kapag siya’y tumungtong na sa dalawang taong gulang mas nagiging hyper siya. Naririyan ang bigla niyang pagtakbo na parang walang pakialam sa kung saan man siya mabunggo o parang madadapa na iiwas-iwasan mong mangyari.
4. Mas magiging makalat ang kusina ninyo.
Ito’y dahil sa maya-maya mong paghahandaan ng pagkain ng iyong anak. Sa iyong pagmamadali, wala ka ng pakialam kung magkakalat-kalat na ang pagkaing iyong inihahanda. Magkakalat ang mga balat ng prutas o gulay na lulutuin mo para sa kaniya. Mauulit ito ng 3 beses sa isang araw o sa tuwing papakainin siya. Mas nadadagdagan pa nga ito, dahil maliban sa kalat na naiwan sa iyong kusina siguradong ikakalat din ng iyong anak sa kaniyang katawan ang mga kinain niya. Mapapa-nganga ka na lamang sa kalat na ginawa niya.
Photo by Vanessa Loring from Pexels
5. Titibay ang sikmura mo sa tuwing pinapalitan ang diapers niya.
Sa una’y hindi naman nakakatakot na tagpo ang pagpapalit ng diaper ng iyong anak. Hanggang sa matuto na siyang kumain ng solid foods na makakaapekto sa itsura at amoy ng poop o dumi niya. Pero isipin mo na lamang na isang praktis ito na magpapatibay ng iyong sikmura.
BASAHIN:
5 bagay na sinasabi ng magulang na nakakasira ng mental health ng bata
May obligasyon nga ba dapat ang anak sa magulang? Ito ang sagot ng isang eksperto.
6. Mararanasan mo ang pang-aabuso na hindi mo pa naranasan.
Ang tinutukoy ko’y ang mga pananampal, pananabunot o panghahampas na hindi mo magawang magalit kahit napakasakit. Dahil gawa ito ng iyong anak na wala pang alam sa kaniyang ginagawa at inaakalang ang makita kang nagbabago ng itsura ng iyong mukha’y nakakatuwa.
7. Isasantabi mo muna ang pangongolekta ng mga mamahalin at babasaging bagay na iyong gusto.
Hindi lang dahil kailangan mong magtipid para maibigay ang pangangailangan ng iyong anak. Isa rin itong napakainam na hakbang upang hindi ito masayang at masira ng iyong anak. Kahit na ang mga cotton bed sheets at nagagandahang wallpaper ng inyong bahay ay siguradong susulatan o kukurisan niya lamang na mapapahawak ka na lamang sa bewang mo sa frustration at panghihinayang.
8. Lumalabas ang mga itinatago mong talento.
Ang mister ko’y isang seryosong tao. Bilang isang dating sundalo ay mayroon siyang napakatigas na personality. Pero ng dumating ang aming anak doon ko siya nakitang sumayaw para lang mapatawa siya. Pati na ang kumanta para mapatulog siya. Natututo na nga rin siyang mag-emote sa camera para sa selfie o sa Tiktok video nila. Mga bagay na noo’y hindi ko nakikitang ginagawa niya.
9. Ang pag-idlip o saglit na tulog ang “me time” na inaasam-asam mo.
Malayo ito sa me time na nakasanayan mo noon, pero isa itong bagay na maituturing na reward kapag naging magulang ka na. Dahil ang pagiging magulang ay isang 24-oras na trabaho. Napakadalang na makakatulog ka ng mahabang oras. Kaya naman kung bibigyan ka ng pagkakataon hindi mo na dapat palampasin ang pumikit o umidlip saglit na magbibigay ng dagdag energy sayo sa pag-aalaga ng iyong anak.
10. Masusubok ang pasensya mo.
Maliban sa pagod at hirap ng pagpapalaki ng bata, susubukin rin nito ang pasensya mo. Nariyan na kung minsan kahit gusto mo ng magalit ay parang ikaw pa ang magi-give-way kapag ang iyong anak na ang nagalit at nagwala. Lalo na sa tuwing gustong niyang maglaro ngunit hindi mo siya mabitaw-bitawan. Para maiwasan ang kalat na maaari niyang gawin o kaya naman ang disgrasya na maaari niyang maranasan. Ayan na nga na masusubunutan ka niya, masasampal o mahahampas ng laruang hawak niya. Pero magkaganoon man kailangan mong paalalahanan ang sarili mon a “Kalma, anak mo siya!”
Photo by cottonbro from Pexels
11. Mare-realize mo na hindi porket tahimik ang bata ay dapat ka ng maging kampante.
Masarap sa pakiramdam ang hindi makarinig ng umiiyak na bata. Pero kapag isa ka ng magulang, ang pagiging tahimik ng isang bata na alam mo namang hindi tulog ay dapat mo nang ikabahala. Dahil sigurado kung tahimik siya’y may pinagkakaabalahan siyang iba. Sigurado ang pinagkakaabalahan niya’y magdudulot ng disaster sa bahay o buhay mo. Tulad na lamang ng minsang nangyari sa anak ko. Habang busy ako sa pagluluto, hindi ko namalayang may ginagawa na pa lang kababalaghan ang anak ko. Nabuksan niya na pala ang wallet ko at sinulat-sulatan na ang mga perang papel na nandoon. Napakamot na lang ako ng ulo.
12. Mato-touch kang makarinig ng mga bulol na salita.
Lalo na kung ang mga maririnig mo’y ang mga salitang Mama at Papa, Nanay at Tatay o kaya naman ay Mommy at Daddy. Kahit na ang mga bulol-bulol na salitang “I love you”. Ang first words na mababanggit ng iyong anak ay magpapakilig sa ‘yo. Para itong musika na masarap pakinggan at magpapataba ng puso mo.
Ilan lamang ito sa mga pagbabago sa buhay na mararanasan mo sa pagpapalaki ng bata. Mahirap, nakakapagod pero mamimiss mong gawin ito kapag lumaki na ang anak mo. Kaya naman i-enjoy at sulitin ang bawat oras. Sapagkat hindi mo namamalayan ang oras kung minsan at lalawak at mundo nila at ang oras na kasama siya’y nababawasan na.
Photo:
Photo by Hoàng Chương from Pexels
- 3 phrases o mga salita na dapat araw-araw mong sinasabi sa iyong anak
- EXPERT: Kapag nasasaktan ang bata, hindi dapat sinasabihan na "maarte" siya
- Awra's father sa pagkakaroon ng two gay sons: "Kung hindi ko matatanggap, paano pa 'yong ibang tao?"
- Dani Barretto sa speech delay ng kaniyang daughter: “Kahit ano pa siya, mamahalin ko siya.”