Obligasyon ng anak sa magulang, hindi dapat parang utang na loob na walang katapusan mong babayaran. Sang-ayon ka ba dito?
Photo by Matthias Zomer from Pexels
Obligasyon ng anak sa magulang
Sa pamamagitan ng isang Facebook post ay inilahad ng netizen na si Gemma Magabo ang isa sa problemang kinahaharap ng maraming pamilyang Pilipino. Ito’y tungkol sa obligasyon ng anak sa magulang na hindi lang pala basta simpleng isyu kung hindi nagiging malaking pasanin na para sa maraming mga anak.
Dahil sa marami ang naka-relate, ang post ni Magabo ay nag-viral na at nakakuha ng iba’t-ibang reaksyon mula sa mga netizens.
Ayon sa 23-anyos na si Magabo, naisipan niyang mag-post tungkol sa toxic na kultura na ito sa mga pamilyang Pilipino dahil sa marami sa kaniyang mga kaibigan at kanilang pamilya ang biktima nito. Mayroon man silang iba’t ibang kuwento, ang puno’t dulo sila ngayon ang inaasahang bumuhay sa kanilang mga magulang at pamilya na parang naging kabayaran sa “utang na loob” ng pagpapalaki sa kanila. Hindi naman umanosila nag-rereklamo pero napapagod din sila at may sariling buhay na gusto ring asikasuhin.
“Mostly ng aking kaibigan ay breadwinners. Meron working student para mapaaral nya ang sarili at makapagbigay para sa bills. Meron 28 na pero hindi makapagasawa kahit gusto na nila kase buong pamilya niya nakaasa sa kanya walang ibang sasalo ng responsibilidad. At meron din na kada sahod lagi siyang naguguilty na kumain ng masarap or i-treat ang sarili dahil nga sinusumbatan sya lagi na maliit lang yung sahod nya.”
Ito ang pahayag ni Magabo sa aming panayam sa kaniya. Dagdag pa niya ang mas nagpapabigat pa nga raw ng loob ng kaniyang mga kaibigan ay ang panunumbat na makukuha nila sa tuwing wala silang naibibigay o maliit ang kanilang kinikita.
Image from Gemma Magobo
Utang na loob nga ba ng anak ang ginawang pagpapalaki ng kaniyang magulang?
“Most of them kita ko naman na mahal nila ang pamilya nila pero kita ko yung pagod. Dama ko kung paano nilang gustong umayaw nalang sa ganoong set-up. Pero hindi bawal umayaw! Wala kang utang na loob at masama ka sa paningin ng iba kapag umayaw ka. Imagine? being trapped sa ganoong sistema tapos makakarinig pa sila ng sumbat palagi.”
Hindi man niya nararanasan ito sa kanilang pamilya bilang bunso sa 6 na magkakapatid, ramdam na ramdam daw ni Magabo ang hirap ng kaniyang mga kaibigan sa sitwasyon na ito. Sa katunayan may ilan nga sa kanila ang suicidal na dahil sa bigat na pasanin at sama ng loob na kanilang nararamdaman. Ayon pa sa kaniya, hindi naman sana problema ang pagtulong sa magulang o pamilya. Pero sana ma-appreciate din ng mga magulang ang ginagawa ng anak para sa kanila. Kaysa i-torture sila sa mga salita at sumbat na parang sinasabi na may pagkukulang pa sila.
Dagdag pa ni Magabo, bagama’t nais ng mga magulang ang ikabubuti ng kanilang mga anak, hindi naman dapat sila ang mag-desisyon para sa mga ito. Isang bagay na natutunan at ipinapakita umano ng kaniyang mga magulang sa kanilang magkakapatid.
“Alam naman natin na nakakabuti lang ang gusto ng magulang sa anak pero sana hindi magulang ang magdedesisyon kung ano dapat ang pangarapin ng anak. Hayaan mo siyang mangarap para sa sarili nya. Magulang ang gumagabay sa tatahakin pero hindi dapat ikaw ang mangangarap para sa kaniya. Minsan naaabuso ang salitang “tulong lang” kadalasang nagiging “inaasa na lahat”.”
Dapat ay maging sensitive din umano ang mga magulang sa feelings ng kanilang mga anak. Huwag iparamdam sa mga ito na ang ginagawa nilang pagtulong ay pagbabayad sa kanilang mga magulang ng utang na loob.
BASAHIN:
Nagsisinungaling ka ba sa anak mo para mapasunod siya? Ito ang epekto nito sa kaniya
Authoritative parenting: Ang benepisyo ng pagiging strict sa bata
Sleep training: Okay lang bang hayaang umiyak ang baby sa gabi?
Image from Gemma Magobo
Hinaing ng mga anak
“We can be grateful na binuhay kami ng mga magulang namen pero sana wag sanang ikulong ‘yung mga anak nila sa pagiging guilty na binuo lang sila para magbayad ng magbayad ng utang na loob. Ang respeto ba at pagmamahal sa magulang ay nababase sa kung magkano ang naibalik ng anak? Appreciate your kids. We appreciate you as a parent. Check your children kung ano ba ang totoong nararamdaman niya sa set-up ninyo. Hear them. Appreciation and recognition lang naman kadalasan ang issue.”
Sa ngayon, ayon kay Magabo, ay hindi pa naayos ng kaniyang mga kaibigan ang issues nila sa kanilang mga magulang. Dahil sa tuwing sinusubukan daw nilang sabihin ang saloobin nila ay nasasabihan pa silang bastos at malaki agad ang ulo. Pero patuloy parin niyang ini-encourage ang mga ito na makipag-usap sa kanilang mga magulang. Dahil naniniwala siya na komunikasyon lang ang tanging solusyon sa pampamilyang problemang ito. Narito ang kaniyang mensahe para sa kanila.
“Hindi ko ina-advocate ang pagsagot ng pabalang sa magulang pero sana if you have a courage to have a heart to heart talk with your parents regarding with the set up go. Hindi maling magbahagi ng nararamdaman. I’m sure may mga magulang na kayang umintindi. Communication is also the key. Warm hugs sa mga batang breadwinner sa pilipinas! Saludo ako sa inyo.”
Obligasyon nga ba ng anak na buhayin ang tumatandang magulang?
People photo created by jcomp – www.freepik.com
Ayon sa isang family life at child expert na si Tina Zamora, hindi naman dapat maging obligasyon ng mga anak ang pagbuhay sa kanilang mga magulang na nagkaka-edad na. Hindi rin daw dapat maging parang utang na loob ng anak na pinalaki sila ng magulang nila. Dahil hindi naman lahat ng anak ay lalaking successful pagtanda nila. Kaya naman may ibang walang kakayahan para magawa ito.
Dagdag pa niya, dapat ay itinutuon ng anak ang kaniyang pansin sa pagsisiguro ng kaniyang kinabukasan at ng kaniyang magiging pamilya. Ito ay magagawa sa pamamagitan ng pag-sesave o pagtitipid. Isang bagay na dapat na ginagawa rin ng mga magulang para hindi umaasa sa kanilang anak kapag sila ay matanda na.
“Obligasyon natin sa sarili natin na protektahan ang ating future. Meaning magtitipid tayo. Magse-save tayo para hindi na natin kailangang obligahin ang ating mga anak na in the future tutulungan tayo.”
Ito ang pahayag ni Zamora sa panayam sa kaniya sa programang “Sakto” sa ABS-CBN.
Kaya payo niya mainam na turuan ng mga magulang ang anak ng mabuti pagdating sa usaping pera at sa kanilang kinabukasan. Hindi rin daw dapat itinatatak sa isip na lumalaking bata na responsibilidad nila ang kanilang magulang kapag tumanda na. Dahil sa mura nilang edad ito ay nagiging isang burden na bitbitin nila habang sila ay lumalaki.
“If you raised your children well, they are generous, they are helpful, they will remember what you did for them.”
Ito ang dagdag niya pang pahayag.
Source:
ABS-CBN News
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!