Hindi na siguro lingid sa kaalaman ng marami na mahalaga sa mga sanggol ang gatas ng ina. Ngunit bakit hanggang ngayon ay mayroon pa ring mga lugar kung saan hindi lubos na tanggap ang pagpapasuso sa publiko?
Paano na lang ang mga inang nagnanais na magpasuso ng kanilang anak habang bumabyahe sa ibang bansa? Ating alamin kung saang mga bansa ito puwedeng gawin, at kung saang mga bansa posibleng maging bawal ito.
Pagpapasuso sa publiko, paano ba ito dapat ginagawa?
Dati rati ay hindi pa gaanong katanggap tanggap ang pagpapasuso ng mga ina sa publiko. Ngunit sa panahon ngayon, dahan-dahan nang nagiging tanggap ito sa iba’t-ibang mga bansa.
Kung tutuusin, wala naman mali sa pagpapasuso sa publiko at para sa karamihan ng bansa, hindi ito isyu. Ngunit madalas nagkakaproblema kapag walang pantakip ang ina habang siya ay nagpapasuso.
Hindi nga naman kailangan ng ina na magtakip kung siya ay nagpapasuso. Bukod sa hindi komportable ang mga sanggol kapag sila ay tinatakpan, wala naman dapat ikahiya ang mga ina kung sila ay nagpapasuso.
Lalo itong nagiging problema para sa mga inang mahilig magtravel kasama ang kanilang pamilya. Dahil minsan mayroong mga bansa na mas konserbatibo pagdating sa mga ganitong usapin.
At siyempre, kailangan pa ring sundin ng mga ina ang mga patakaran sa bansang kanilang binibisita. Gustuhin man ng mga ina na malaya silang makapag-breastfeed, may mga lugar talagang hindi ito madaling magagawa ng mga ina.
Anu-anong mga bansa ang suportado ang pagpapasuso?
Philippines
Dito sa Pilipinas, hinihikayat ang mga ina na magpasuso. Tayo pa nga ang may record ng pinakamaraming ina na sabay sabay na nagpapapasuso ng kanilang mga anak!
Bukod dito, mayroon ding mga breastfeeding station sa iba’t-ibang mga malls sa bansa, kaya walang dapat ipag-alala ang mga ina.
Sa usapin naman ng kung kailangang magtakip habang nagpapasuso ay hati pa rin ang opinyon ng karamihan. May ibang mga ina na mas gusto ang hindi gumagamit ng takip, at ang iba naman ay mas gustong gumagamit nito.
Japan
Sa bansang Japan madali ang pagbreastfeed naman ay sa mga bata. May pagka-conservative din ang bansang ito kaya may mga pagkakataon na baka hindi sumang-ayon ang mga tao kapag ikaw ay nagpasuso sa publiko. Pero madalas naman ay supportive sila dito.
Ngunit ang maganda naman sa Japan ay marami silang breastfeeding stations at mga banyo na madaling puntahan, lalong lalo na sa mga siyudad. Kaya’t walang dapat ipag-alala ang mga breastfeeding moms.
Singapore
Bilang isa sa mga pinakamaunlad na bansa sa mundo, progresibo din ang Singapore pagdating sa breastfeeding. Tulad ng Japan, marami ditong mga breastfeeding stations at hindi mahihirapan ang mga ina na maghanap ng lugar kung saan puwede silang magpasuso.
Puwede ka ring magpasuso sa publiko sa Singapore, at wala kang dapat ikabahala. Hinahayaan lang ng mga tao ang mga ina na gustong mag breastfeed at hindi mo naman kinakailangan magtakip kung ayaw mo.
Hong Kong
Sa Hong Kong naman, hindi pa rin gaanong katanggap-tanggap ang pagpapasuso sa publiko. Kahit na hindi naman ito iligal gawin dito, minsan tititigan ka ng mga tao o kaya ay pagsasabihan ka kapag ikaw ay nagpasuso.
Kaya mas mabuting mag-pump ka na lang ng breastmilk mo para kay baby, o kaya ay maghanap ng private breastfeeding area para doon ka magpasuso.
Paano sa iba pang mga bansa?
Sa iba pang mga bansa, mas katanggap-tanggap ang breastfeeding, kahit sa publiko mo pa ito gawin. Hindi na maiiwasan na minsan tingnan ka ng mga tao, pero wala ka namang ginagawang masama kaya hindi ka dapat matakot o mahiya.
Gusto mo lang naman pakainin ang iyong anak, at siyempre, hindi mo makokontrol kung kailan siya magugutom at gugustuhing uminom ng breastmilk.
Sa mga bansang tulad ng Malaysia, Indonesia, India, at UAE, ay mas mabuti kung sa private room ka magpasuso ng iyong anak. Ito ay dahil sa mga bansang ito, hindi pa rin katanggap-tanggap ang pagpapasuso sa publiko. Minsan mas mabuting umiwas na lang sa gulo kaysa hayaan mo pang abalahin ka ng mga tao habang pinapakain mo ang iyong anak.
Ang pinakamahalagang tandaan ay hindi mo ito ginagawa para sa iyong sarili ngunit para sa iyong anak. Malaki ang kontribusyon ng breastmilk sa paglaki ng iyong anak, at ito ang pinakamasustansiya at pinakamurang pagkain na puwede mong ibigay sa kaniya.
Kaya’t hayaan mo lang na husgahan ka ng iba, mas importante naman ang kalusugan ng iyong anak. Balang araw maiintindihan din ng mga tao kung gaano ka-importante ang breastfeeding at mawawala na rin ang taboo na kaakibat nito para sa ibang tao.
Basahin: Gawing bonding ang breastfeeding: Praktikal na payo para hindi nakaka-stress ang pagpapasuso