Pagpatay sa anak ng isang Jordanian tourist sa Thailand, dahil umano sa galit sa misis na iniwan siya para mag-alaga sa anak habang ito ay nagpa-party!
Ayon kay Wael Nabil Salman Zureikat, sila ng kaniyang asawa at isang taong gulang na anak ay nasa Pattaya, Thailand upang magbakasyon. Ngunit ang imbis na masayang family vacation ay naging isang nakakapangilabot na krimen dahil umano sa galit niya sa kaniyang misis.
Ito ay dahil iniwan siya nito para magbantay ng kanilang isang taong gulang na anak habang siya ay nagbabar-hopping at nagpa-party.
Kuwento ng pagpatay sa anak
Ayon kay Zureikat, 52 years old napagdesisyunan niyang patayin ang anak sa pamamagitan ng pagtulak rito sa pier habang nakatali ang paa nito sa kaniyang stroller.
Ito ay dahil umano sa misis niyang may edad na 24 anyos na lagi nalang siyang iniiwan para magbantay sa bata.
Sa kanilang bakasyon nga sa Pattaya, Thailand nito lamang nakaraang Linggo ay napuno na siya sa galit sa asawa at napagbuntungan ang kaawa-awa nilang anak.
Biyernes ng gabi noong nakaraang Linggo nang muling iwan sa kaniya ng asawa ang kanilang anak para bantayan habang ito ay nasa labas at nagpa-party.
Sa kaniyang galit ay dinala niya ang kaniyang isang taong gulang na anak na lalaki sa Laem Bali Hair pier. Tinali ang mga legs nito sa stroller at itinulak ito sa dagat.
Matapos ang ginawang krimen ay bumalik ito sa kanilang hotel room na kung saan nastress-out daw ito at pinagsisihan ang nangyari.
Hinanap daw ng kaniyang asawa ang kanilang anak ngunit hindi niya alam ang tangi niyang nagiging sagot.
Dahil sa paulit-ulit na pagtatanong ng asawa, nagdesisyon ang Jordanian tourist na bumalik at umuwi sa kanilang bansa.
Ngunit pinigilan ito ng immigration sa Suvarnabhumi Airport dahil sa kaniyang kahina-hinalang kilos.
Nakaalarma rin ang mga awtoridad dahil sa filed complaint ng isang Jordanian woman na nawawala ang kaniyang anak at mukhang tinangay ito ng kaniyang asawa.
Dito na sinimulang i-interrogate si Zureikat at umamin sa pagpatay sa sarili niyang anak.
Para mas mai-detalye ang nangyari ay gumawa ng crime re-enactment ang mga pulis. Sa re-enactment ay itinuro ni Zureikat ang isang go-go bar na kung saan sila daw ng kaniyang asawa ay nagtalo at nagkasagutan.
Sunod na itinuro nito ang spot sa pier kung saan siya umano itinulak ang kaniyang anak habang nakatali ang mga paa nito sa stroller.
Siya ay inaresto dahil sa nagawang krimen noong March 12.
Matapos arestuhin ay saka naman natagpuan ang bangkay ng kaniyang patay na anak na palutang-lutang sa dagat.
Ayon sa nakakita sa patay na katawan ng bata na isang speedboat driver, ay napansin niya umano mula sa malayo ang palutang-lutang na bangkay na inakala niyang isa lamang doll.
Nang siya ay makalapit ay nakita niya ang patay na katawan ng bata at agad na tumawag sa mga pulis.
Dumating ang mga pulis at nirecover ang bangkay ng bata na nakatali parin ang legs sa stroller nito. Ayon sa imbestigasyon ng pulis ay sinabi nilang ang bangkay ay may dalawa o tatlong araw ng patay.
Ayon parin sa suspek, nagawa niya raw ito dahil sa pag-aalala na wala siyang sapat na pera para mapalaki ang anak. Na-stress din daw siya at nakaramdam ng paghihiganti sa mas nakababatang asawa na lagi nalang siyang iniiwan mag-isa para mag-alaga sa kanilang anak.
Dagdag pa niya, na sa tuwing nagrereklamo siya sa asawa tungkol dito ay nagagalit ito at nagreresulta ng away sa pagitan nilang mag-asawa.
Ayon parin sa mga pulis na hindi pinangalanan ang misis ng Jordanian tourist, hindi daw inakala nito na kayang gawin ng kaniyang asawa ang pagpatay sa anak nila.
Wala daw itong kinalaman sa pagkamatay ng anak at ngayon daw ay nasa close medical care dulot ng depression sa nangyaring insidente.
Samantala, ang bangkay ng bata ay inilibing sa Thailand base narin sa request ng kaniyang pamilya.
Ang Jordanian tourist naman na umamin sa pagpatay sa anak ay kinasuhan ng premeditated murder.
Haharap ito sa paglilitis para mas maimbestigahan at mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kaawa-awa niyang anak.
Sources: Daily Mail, Bangkok Post, The Sun, Gulf News